Ipinagkatiwala ng Dalaga sa Pinsan ang Tiyuhing May Sakit; Hindi Niya Akalain na Ganito pala ang Trato Nito sa Matanda
Nagtatrabaho si Marie sa ibang bansa nang makatanggap siya ng tawag muna sa isang kaanak. Sa kasamaang palad ay na-istroke daw si Mang Pilo, ang tiyuhing nagpalaki sa kanilang magpipinsan. Wala itong sariling pamilya. May hanapbuhay naman ito dahil may maliit itong tindahan. Ngunit lahat ng ipon nito ay hindi sasapat sa pagkakasakit nito.
“Marie, anong gagawin natin kay Tiyo Pilo? Hindi naman p’wedeng mag-isa lang siya sa bahay. Kailangan ay may mag-aalaga sa kaniya,” saad ng pinsang si Lerny.
“Ate Lerny, baka p’wedeng sa iyo na muna siya hanggang nandito lang ako sa ibang bansa. Hindi ko kasi p’wedeng iwan ang trabaho ko rito,” saad naman ni Marie.
“Alam mo namang marami rin akong ginagawa, Marie, bibigyan mo pa ako ng isa pang responsibilidad! Saka mahirap ang mag-alaga ng may sakit. Hindi ko kaya ‘yan!” sagot naman ng pinsan.
“Kung gusto mo ay ako na lang ang bahala sa lahat ng gastusin na kailangan ni Tiyo Pilo. Ang kailangan lang naman ay may magbabantay at mag-aalaga sa kaniya. Hindi n’yo na poproblemahin pa ang pera, Ate Lerny. Ako na ang nakikiusap sa iyo. Hindi ko talaga p’wedeng iwan ang trabaho ko. Saka pambawi na lang natin kay tiyo. Inalagaan naman niya tayo noong mga bata pa tayo,” dagdag pa ni Marie.
“O siya, basta’t magpapadala ka ng pera para kay Tiyo Pilo. Hindi ko kakayanin ang gastos niya. Naubos na nga ang inipon niyang pera, e. Huwag mo akong pagproblemahin sa panggastos niya!” bili pa ni Lerny.
“Oo, ate, ako na ang bahala sa lahat,” tugon naman ni Marie na labis na nag-aalala sa kaniyang tiyuhin.
Kung p’wede nga lang na si Marie na ang mag-alaga sa kaniyang tiyuhin ay gagawin niya. Malaki rin kasi ang sakripisyo nito noong araw. Ito na ang tumayong magulang sa kanilang magpipinsan dahil pare-parehong walang kinabubuhay ang kanilang mga magulang noon.
Agad na nagpadala si Marie sa pinsang si Lerny ng panggastos.
“Marie, uunahan na kita, a! Hindi kasya ang sampung libo na ito para sa isang buwan. Gamot pa lang ito ng Tiyo Pilo. Sana ay linggo-linggo kang magpadala dahil wala talaga akong ilalabas,” paalala muli ng pinsan.
“Oo, ate. Sisikapin ko naman ang lahat para hindi magkulang ang panggastos sa pagpapagamot kay Tiyo Pilo. Tulong-tulong na lang tayo,” wika muli ni Marie.
Kada Linggo ay tumatawag itong si Lerny upang ipaalala kay Marie ang pera.
“Baka makasanayan mo kasi na hindi magpadala agad, Marie. Hindi mo alam kung anong buhay ang meron kami rito. Sa akin mo pa pinaalaga itong si Tiyo Pilo,” saad pa ni Lerny.
“Ate, kakapadala ko lang naman sa iyo. Hindi ba’t sinabi ko na pang dalawang linggo na niya ‘yung gastusin? Ubos na ba kaagad ang pera?” tanong naman ni Marie.
“Parang hindi ko ata nagugustuhan ang tabas ng dila mo, Marie. Parang may gusto kang ipunto, a! Pinatingin ko sa doktor si Tiyo Pilo. Kulang pa nga ang mga pinadala mo, e! Nag-abono pa ako!” dagdag pa ng pinsan.
Parang kinukutuban na itong si Marie sa lahat ng nangyayari. Ngunit ayaw naman niyang pag-isipan ng masama ang pinsan dahil mahirap talaga ang mag-alaga ng may sakit. Kaya naman naisipan niyang hingin na lang ang mga reseta nang gamot.
“Ako na lang ang mag-o-order online ng mga gamot dahil wala pa akong ibibigay ngayon. Gagamitin ko lang ang credit card ko,” saad naman ni Marie.
“Naku, hindi na at baka kung anu-ano pa ang mabili mo. Kabisado ko na ang mga gamot ni tiyo at may mga diskwento pa. Huwag mo nang pakomplikaduhin pa ang sitwasyon, Marie. Magpadala ka na lang ng pera! Hindi ganito ang usapan natin!” galit na wika ni Lerny.
Walang nagawa si Marie kung hindi magpadala ng pera.
Isang araw ay naisipan ni Marie na makipagvideo call sa kaniyang pinsan upang tingnan ang kalagayan ng kaniyang tiyuhin. Hindi man ito nakakapagsalita ay alam niyang maipapahayag pa rin nito ang kaniyang nararamdaman.
“Natutulog si Tiyo Pilo, Marie. Mamaya ay i-chat kita kapag nagising na siya. Kawawa naman kung gigisingin ko pa,” wika pa ni Lerny.
Hindi na talaga maganda ang kutob ni Marie. Kaya isang araw ay nagpasya siyang dalawin mismo ang tiyuhin. Walang alam ang pinsan niya sa kaniyang pag-uwi. Nais niyang surpresahin ito nang sa gayon ay hindi na ito makapagsinungaling pa.
Pagpasok pa lang sa eskinita kung saan nakatira si Lerny ay marami nang nagsusumbong sa kaniya.
“Naku, mabuti na lang at umuwi ka na. Kunin mo na ang tiyo mo d’yan sa pinsan mo dahil masyado nang kawawa. Hindi lang namin alam kung saan ka kokontakin pero matagal ka na naming gustong makausap,” saad ng isang kapitbahay.
Nagugulumihanan si Marie sa kaniyang mga naririnig. Kaya naman pumunta na siya sa himpilan ng baranggay upang kumuha ng makakasama.
Pagdating nila sa bahay ni Lerny ay naaktuhan nilang inaabuso nito ang kaawa-awang matandang tiyuhin.
“Sinabi ko na sa iyo na huwag mo akong pahirapan na pakainin ka! Kumain ka na at aalis na ako. Kanina pa naghihintay ang mga kalaro ko sa mahjong!” sa labas pa lang ay dinig na ang nanggagalaiting sigaw ni Lerny.
Agad na pumasok ng bahay si Marie kasama ang ilang tauhan ng baranggay. At hindi makapaniwala ang dalaga nang makita ang kalagayan ng kaniyang tiyuhin. Sobrang payat na ito at nanghihina. Walang saplot, maraming galos at pasa sa katawan. Ang pinakamasakit pa ay marami itong bukol sa ulo at sa mukhang tanda na sinasaktan ito.
“Ate Lerny, ipinagkatiwala ko sa iyo ang tiyuhin natin tapos ay ganito lang ang gagawin mo?!” sambit ni Marie sa kaniyang pinsan.
Nagulat naman si Lerny nang makita si Marie at ang mga taga-barangay.
“A-anong sinasabi mo riyan? Ako nga lang itong nagmamalasakit sa matandang ito!” depensa pa ni Lerny.
“Huwag ka nang magkaila, ate, marami nang nakapagsabi sa amin kung ano ang ginagawa mo kay Tiyo Pilo. Sa kabila ng lahat ng ginawa niya para sa atin ay ganito lang ang igaganti mo sa kaniya? Kailangan niya tayo ngayon! Bakit mo dinadagdagan pa ang pighating nararamdaman niya?” napasigaw na si Marie sa galit.
“Hindi ko sinasaktan si Tiyo Pilo. Siya ang gumawa niyan sa kaniyang sarili! Pinipilit niyang tumayo kaya naman nabubuwal siya at tumatama kung saan-saan ang kaniyang ulo. Bakit ko siya sasaktan?! Kausapin mo siya mismo kung sinasaktan ko siya?” muling sagot ni Lerny.
Maingat na tinanong ni Marie ang tiyuhin. Hindi man ito nakakapagsalita ay nakakatango at nakaka-iling ito, at doon nga ay nasabi nito na tunay siyang sinasaktan ni Lerny.
Maraming mga kapitbahay rin ang tumestigo na kinakandado lang ni Lerny ang tiyuhin sa loob ng bahay. Hatinggabi na rin daw ito kung umuwi galing sa sugalan. Hindi rin ito pinapagamot at ang lahat ng perang ipinapadala ni Marie ay pinapatalo lang nito sa sugal.
Labis ang sama ng loob ni Marie sa kaniyang pinsan. Nais na sana itong damputin ng mga pulis ngunit pinigilan na lang ito ni Marie.
“Hindi na po ako magsasampa ng kaso. Hahayaan ko na lang ang Diyos ang humusga sa kaniya. Saka liliit na rin naman ang mundong ginagalawan niya. Maraming tao na ang sasama ang tingin sa kaniya dahil sa ginawa niya sa tiyuhin namin. Sa tingin ko ay wala nang magtitiwala pa sa kaniya. Dalhin niya habang buhay sa kaniyang konsensya ang ginawa niya sa matandang ito, kung mayroon talaga siyang konsensya. Ang tiyo ko naman po ay dadalhin ko na lang po muna sa isang nursing home dahil wala na na rin naman pong ibang mag-aalaga sa kaniya. Kailangan kong bumalik sa ibang bansa upang magtrabaho at matugunan ang kaniyang mga pangangailangan. Pagkatapos ng aking kontrata at uuwi ako rito para ako na mismo ang mag-alaga sa kaniya,” naiiyak na sambit ni Marie sa mga awtoridad.
Ilang buwan pa lang namamalagi si Mang Pilo sa nursing home ay agad nang bumuti ang kalagayan nito. Unti-unti na rin itong nakalakad at nakakapagsalita. Sa paglipas ng mga araw ay tuluyan nang bumalik ang lakas nito.
“Pasensya na po kayo tiyo kung hindi ko man lang kayo naalagaan talaga. Pasensya na po kung kailangan ko kayong ilagay sa isang nursing home. Masaya po ako na ngayon ay maayos na kayo,” saad ni Marie sa tiyuhin.
“Mas nanaisin ko pang nasa isang nursing home kaysa nasa piling ni Lerny. Ako nga ang nahihiya sa iyo, Marie, hindi mo naman ito responsibilidad pero inako mong lahat. Maraming salamat sa Diyos at dinugtungan pa niya ang buhay ko,” saad naman ni Mang Pilo.
Nagpatuloy ang pagtatrabaho ni Marie sa ibang bansa. Hindi na niya pinagtrabaho pang muli ang kaniyang Tiyo Pilo sa takot na baka ma stroke na naman ito. Pinadadalhan na lang niya ito palagi ng panggastos at pambili ng gamot.
Samantalang si Lerny naman ay pinagdurusahan ngayon ang lahat ng kaniyang kasalanan. Laman pa rin siya ng mga usapan at madalas ay masama ang trato sa kaniya ng ibang tao. Nais man niyang pagsisihan ang kaniyang ginawa sa kaniyang tiyuhing may sakit ay huli na ang lahat. Mabuti na lang nga at hindi siya nagawang ipakulong ni Marie kung hindi ay lalong naging miserable ang kaniyang buhay.