Hindi Inakala ng Dalaga na Puri Niya ang Kapalit sa Utang ng mga Magulang Niya; Anong Kapalaran ang Naghihintay sa Kaniya?
Sa wakas ay nakapagtapos na sa kolehiyo si Rufa sa kursong Accountancy dahil iyon sa pagpupursige ng kaniyang mga magulang.
Iginapang ng mga ito ang pag-aaral niya sa pamamagitan ng maliit nilang negosyong parmasiya ngunit isang malaking rebelasyon ang natuklasan niya nang malamang may malaki palang pagkakautang ang mga ito.
“Ano? Isang milyong piso ang utang ninyo?” gulat na tanong niya sa mama at papa niya.
“Oo, anak. Nangutang kami sa isang mayamang Amerikano upang maisalba ang naghihingalo nating parmasiya. Ginawa namin iyon ng mama mo para hindi tayo mawalan ng ikabubuhay at para hindi ka mahinto sa pag-aaral mo sa kolehiyo. Kahapon ay pumunta rito ‘yung Amerikano para maningil. Binibigyan na lamang kami ng dalawang linggo upang makabayad kundi ay kukunin niya sa atin ang parmasiya na dugo’t pawis naming itinaguyod ng iyong mama,” wika ng papa niya.
Halos sumabog ang ulo ni Rufa sa sinabi ng ama.
“Pero papa, okey lang naman po sa akin na magworking student ako habang nag-aaral. Hindi niyo na po sana ginawa ang pangungutang ng ganoong kalaking halaga. Kaya naman nating iahon ang ating negosyo sa sarili nating sikap,” tugon niya.
Nahabag siya sa mga magulang, kaya naisip niya na gumawa ng paraan para tulungan ang mga ito pero kahit araw at gabi siyang magtrabaho ay hindi niya iyon kayang mabayaran agad. Hindi siya maaaring hindi kumilos kaya nakahanda niyang gawin ang lahat, kahit pa magmakaawa siya sa taong pinagkakautangan ng kaniyangmga magulang.
“Gagawan ko po ng paraan, mama, papa. Huwag kayong mag-alala. Saan po ba nakatira ang Amerikanong iyon?” wika niya sa mga magulang.
Nang sumunod na araw ay agad siyang nagtungo sa bahay ng Amerikano. Sa labas palang ng mala-mansyon nitong bahay ay nanlaki na agad ang mga mata niya. Halatang ubod ng yaman ang Amerikano dahil sa laki ng bahay nito at lawak ng lupain.
Nasa harap na siya ng gate ay ‘di niya pa rin alam ang sasabihin kaya nilakasan na lamang niya ang loob.
“Tao po, tao po!” sabi niya.
Isang masungit na guwardiya ang sumalubong sa kaniya. Sinabi agad niya ang pakay.
“Nariyan po ba si Mr. John Smith? Ako po si Rufa Santos, anak po nina Julio at Marissa Santos,” bungad niya.
“Inaasahan ka ba niya?” tanong nito sa seryosong tono.
“Hindi po,” sagot niya. Akmang aalis na ang guwardiya pero nakiusap siya rito.
“Pakiusap, sir! Pakisabi po kay Mr. Smith na kailangan ko po talaga siyang makausap tungkol sa utang ng aking mga magulang,” aniya.
Saglit na may tinawagan sa selpon ang guwardiya, maya-maya ay binuksan na nito ang gate. Sinamahan siya nito kung saan naroroon ang Amerikano nitong amo.
Nang makapasok sa isang pribadong kuwarto ay humarap sa kaniya ang isang lalaki na may katangkaran, matipuno ang pangangatawan, maputi ang kulay ng balat at may asul na mga mata. Amerikanong-Amerikano ang hitsura nito.
“Ikaw ba ang anak nung mag-asawa na malaki ang utang sa akin?” inis na tanong nito sa kaniya.
Ikinamangha ni Rufa nang magsalita ang lalaki. Matatas naman pala itong magsalita ng Tagalog, sa tingin niya ay may lahi rin itong Pilipino.
Ngunit sa mga oras na iyon ay wala na siyang inaksayang pagkakataon. Wala nang sabi-sabi, bigla siyang lumuhod sa harap ng lalaki.
“Pakiusap sir, kung pagbibigyan niyo lang po ako ay mababayaran ko rin ang utang nina papa at mama. Sa kada sahod ko’y ibibigay ko sa inyo ang aking bayad. Uutay-utayin ko po ang pagbabayad sa inyo, huwag niyo lang pong kunin sa aking mga magulang ang parmasiya na pinaghirapan nilang itaguyod. Gagawin ko po ang lahat upang mabayaran ang utang,” sabi niya.
Napangisi si John sa sinabi niya.
“Alam mo, miss, kahit lumuhod ka pa sa harap ko’y hindi mababayaran ang utang ng mga magulang mo. Pero kung talagang gagawin mo ang lahat ay gagawin mo ang gusto ko,” nakangising sabi ng lalaki.
Nagtatakang tumingala si Rufa.
“Ano po iyon?”
“You stay with me for one week. Kahit anong sabihin kong gawin mo, gagawin mo. Sa kuwarto kita matutulog, kung gusto kong may mangyari sa atin ay wala kang magiging reklamo. Kapag nagawa mo ang kondisyon ko’y bayad na ang utang ng mga magulang mo,” tahasang sabi ng lalaki.
Napaluha na lang si Rufa. Alam niyang ganoon ang maaaring mangyari kaya inihanda na niya ang sarili.
“Yes, sir. Tinatanggap ko. Sana ay tuparin mo rin ang sinabi mo,” tugon niya habang humihikbi.
“Call,” wika ng lalaki.
Kinagabihan ay sa kuwarto nga siya ng Amerikano matutulog. Tahimik itong nakahiga sa kama habang nakatalikod siya, nagpaalam siya sa mga magulang na may isang linggo siyang seminar sa Baguio. Walang kaalam-alam ang mama at papa niya na pagkababae at puri pala niya ang kapalit ng utang ng mga ito ngunit ang kaba sa dibdib niyaay biglang naglaho dahil wala namang ginawa sa kaniya ang lalaki. Natulog lang ito sa tabi niya. Nakahinga siya nang maluwag.
Ang mga sumunod na araw ay mas lalong hindi niya inasahan. Ang akala niya ay impyerno ang daranasin niya sa piling ni John ngunit mali siya, naging mabait ito sa kaniya. Lahat ng pangangailangan niya ay ibinibigay nito. Minsan nga nga ay nahuhuli pa niya itong nakangiti habang nakatitig sa kaniya, bigla ring sisimangot pag nahuhuli niya at magsusungit nang walang dahilan.
Hindi namalayan ni Rufa na nahuhulog na ang loob niya kay John. Isang gabi bago ang araw na matapos ang napag-usapan nila ay bigla siya nitong hinila sa kama at pinupog siya ng halik, halik na hindi marahas kundi halik na punumpuno ng pagsuyo. Dahil may nararamdaman na siya rito ay hindi niya napigilan ang sarili na ibigay kay John ang kaniyang pagkababae. Ilang ulit din siya nitong pinaligaya sa buong magdamag.
Kinabukasan ay nagpaaalam na siya sa lalaki. Sa halip na maging masaya dahil aalis na siya ay parang dinudurog ang kaniyang puso. Si John naman ay wala ring imik, maaga rin itong umalis para asikasuhin ang mga negosyo nito.
Makalipas ang isang buwan.
“Congrats, magiging nanay ka na!” masayang bungad ng doktor nang magpakonsulta siya sa ospital.
Pinagpawisan nang malapot si Rufa.
“Diyos ko, anong gagawin ko?” aniya sa sarili.
Ipinagtapat niya sa mga magulang ang nangyari sa kaniya sa poder ni John at sising-sisi ang mga ito pero sinabi niya na ang hiling lamang niya ay payagan siyang tumira sa probinsya upang makalimutan na ang lahat at makapag-move on.
Sa pagtira niya sa Cebu ay sinuwerte naman siyang makahanap ng trabaho kahit siya’y nagdadalantao. Nakakuha siya ng trabaho na pwede niyang gawin sa bahay para hindi na niya kailangan pa na lumabas at bumiyahe. Habang abala sa pagsabak niya sa work from home ay may biglang kumatok sa pinto ng tinutuluyan niyang apartment. Nang buksan niya iyon ay nanlaki ang mga mata niya sa bumungad sa kaniya.
“J-John…”
Titig na titig ito sa kaniya at bumaba ang tingin sa kaniyang umbok na tiyan.
“Rufa,” napapaos na sabi nito. Malungkot ang mukha at halatang nakainom ng alak ang lalaki.
“Ano pang ginagawa mo rito? Bayad na ako sa’yo, ‘di ba?” tanong niya.
Nagulat siya nang lumuhod ito sa harapan niya.
“Huy, a-anong ginagawa mo?”
“Ilang buwan kitang hinanap, Rufa. Aaminin ko sa iyo na gusto lang kitang paglaruan nung una dahil gandang-ganda ako sa iyo nang makita kita pero noong may nangyari sa ating dalawa ay hindi na kita nakalimutan. Araw-araw at gabi-gabi kitang iniisip, ayaw kang mawala sa utak ko. Mababaliw ako kapag hindi kita nakita. Pinuntahan ko ang mga magulang mo, nung una ay ayaw nilang sabihin sa akin kung nasaan ka pero nang humingi ako ng tawad sa kanila at nang sabihin kong mahal kita at handa kitang pakasalan ay ipinagtapat din nila sa akin na naririto ka,” hayag ni John.
“Ano? P-papakasalan mo ako?” pinipigil ni Rufa na mapangiti sa ipingtapat ng lalaki.
“Oo, Rufa, papakasalan kita dahil mahal kita, mahal na mahal ko kayo ng magiging anak natin. Hindi ako papayag na mawala kayo sa buhay ko,” wika ni John na hindi napigilan ang sarili na yakapin siya.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Rufa pati na ang sanggol na nasa sinapupunan niya. Ipinagtapat din pala ng mga magulang niya kay John ang tungkol sa kaniyang pagdadalantao kaya abot-langit din ang saya ng lalaki nang malamang magiging ama na ito.
Ikinasal sina Rufa at John, pagkatapos ay isinama siya ng mister sa Amerika para ipakilala sa mga magulang nito. Nakilala ni Rufa roon ang Amerikanong ama at Pinay na ina ni John. Tuwang-tuwa rin ang mama at papa niya dahil nahanap na niya ang lalaking makakasama at nagmamahal sa kaniya. Patuloy na naging maunlad ang negosyo ng kaniyang mga magulang at masaya silang namuhay ni John na maligaya sa piling ng isa’t isa kasama ang kanilang anak na pinangalanan nilang Andrea.