Inday TrendingInday Trending
Naging Gabay ang Guro Ito sa Estudyanteng Mahina sa Kaniyang Klase; Paglipas ng Panahon ay Grabe Pala ang Isusukli Nito

Naging Gabay ang Guro Ito sa Estudyanteng Mahina sa Kaniyang Klase; Paglipas ng Panahon ay Grabe Pala ang Isusukli Nito

Isa si Sir Tony sa mga hinahangaang guro sa kanilang paaralan. Siya lang naman kasi ang matibay na nagtuturo sa pinakamababang seksyon doon. Mga seksyon kung saan lahat ng barumbado, matitigas ang ulo, at hindi katalinuhan ay pumapasok.

Apatnapu’t limang taong gulang na ang guro at may isang anak. Hindi mapapantayan ang dedikasyon at pasensyang ibinibigay niya sa mga makukulit na bata. Para sa kaniya kasi, ang mga batang ito ay may magandang kinabukasan pa ring nag-iintay, kaya hindi dapat sinusukuan.

Isang araw habang naglalakad papunta sa silid-aralan ay napansin niyang may mga batang nagkukumpulan sa isang tabi. Inusisa niya ito. Nagulat siya nang makitang nakikipagsabunutan ang estudyante niyang si Anna na grade 1 pa lamang.

“Aba, itong mga batang ito! Tigilan ninyo iyan!” sigaw ni Sir Tony.

“E siya po yung naunang nanghila ng buhok, e!” sabi ng isang bata habang nakatingin kay Anna.

“Ano ang pumasok sa isipan mo, Anna, at ginawa mo iyon?” tanong ng guro sa estudyante, ngunit tahimik lamang ito at nakasimangot.

“Kinurot po niya ako kahit wala naman po akong ginagawa,” saad naman ni Anna.

“O sige na! Magsipasok na kayo sa classrooms ninyo. Baka hinahanap na kayo ng teacher n’yo. Sa susunod na makita kong nag-aaway kayo, sa Principal’s office na ang diretso ninyo ha?!” pananakot naman ni Sir Tony.

Umalis na ang ibang mga bata ngunit naiwan lamang si Anna na nakatayo. Napansin naman ng guro na may kalmot at kaunting sugat ang bata, kaya dinala niya ito sa silid-aralan upang doon ay linisin at gamutin.

“Bakit ka kasi laging nakikipag-away, Anna? Alam mo naman na mali iyon, ‘di ba? Hindi maganda iyon!” pagpapaliwanag ng guro.

“Sila naman talaga ang nauna e!” pangangatuwiran pa ng bata.

“Kahit na ganoon, dapat hindi mo na pinapatulan. Ikaw na mismo ang umiwas sa gulo, Anna ha? Maliwanag ba iyon?” tanong ng guro.

“Opo, sir…” tumango lamang ang bata at saka ito yumakap sa guro. Napangiti naman ang guro sa ginawa ng estudyante.

Ilang linggo pa ang lumipas ngunit napapansin ng guro na tuwing oras ng kainan ay tanging si Anna lamang ang naiiwan sa loob ng silid-aralan. Natutulog lamang ito at hindi lumalabas.

“Anna, bakit hindi ka kumakain?” tanong ni Sir Tony. “Baka malipasan ka niyan. Mahirap mag-aral nang gutom…”

“Wala po akong baon, sir,” mahinang tugon ng bata. Napaawa naman ang guro sa narinig.

“Dapat sinabi mo agad kay sir. Ilang linggo ka nang hindi nakakakain nang maayos. Halika sumama ka sa akin doon sa labas. Bibili tayo ng pagkain.”

Ibinili nga ng guro ng pagkain ang bata at sumabay ito sa pagkain. Halatang gutom na gutom si Anna sa sobrang bilis ng pagsubo at pagnguya nito ng pagkain.

“Salamat po, sir,” may kaunting hiyang sambit ng bata pagkatapos kumain.

“Nako, wala iyon. Basta sa susunod magsasabi ka sa akin ha? Lalo kapag may problema o ano. ‘Wag kang mahihiya kay sir.”

Bago mag-uwian ay nagbigay ng aktibidades ang guro.

Natapos ang lahat at nagsiuwian na, ngunit si Anna ay naiwang nakaupo pa rin. Nakatingin lang ito sa papel at hindi nagsusulat. Nilapitan niya ito at kinausap.

“Anna, tapos na ba ang pinapagawa sa’yo ni sir?” naiyak lang ang bata at ipinakita ang walang sulat na papel.

“Hindi po ako marunong pang magsulat at magbasa nang maayos. Baka tama nga po si lola, b*bo raw po ako,” umiiyak na sabi ng bata.

Nagulat naman ang guro sa narinig. Umupo siya sa harap ni Anna at saka ngumiti.

“Hindi totoo iyon. Walang taong ipinanganak na mahina ang utak. Maaaring may kulang sa gabay pero hindi mahina ang utak. Alam mo ang tingin ko sa’yo? Isa kang magaling na bata. Malay mo sa hinaharap maging nars ka, o doktor, o ‘di kaya naman business owner, ‘di ba? Kaya’t matuto kang magtiwala sa sarili mo.”

Napatingin lamang ang bata sa kaniya, nagpunas ng luha at ngumiti.

“Halika, tuturuan ka ni sir,” hinawakan niya ang kamay ng bata at tinulungan itong gumuhit ng mga letra.

Halos araw-araw ay nagtitiyagang magturo ang guro bago umuwi. Kahit na maliit ang sweldo ay nagsusubi na ang guro ng pera upang mayroong ipangkain ang batang si Anna sa araw-araw. Nakitaan niya ng kabaitan at potensiyal ang bata kahit na matigas ang ulo nito noon.

Ilang taon pa ang lumipas at magtatapos na ng elementarya si Anna. Sa tulong ni Sir Tony ay naging masigasig at matalino itong estudyante. Iyak nang iyak si Sir Tony dahil sa sobrang galak na nadarama.

Naging anak na ang turing niya sa bata at may kaunting lungkot din na nadarama dahil aalis na ito sa paaralan.

Labing siyam taon na ang lumipas, at nagretiro na rin ang guro sa pagtuturo. Wala na siyang naging balita pa kay Anna simula nang magtapos ito sa elementarya.

Umaga noon habang bumibili ng lugaw ay nakaramdam ng pagkahilo at paninikip ng dibdib ang dating guro. Nagawa pa niyang makapaglakad pauwi, ngunit bigla na lamang nagdilim ang paningin niya at siya’y tuluyan nang bumagsak.

Dinala agad siya sa ospital at ipinasuri. Lumabas sa mga pagsusuri na may problema ito sa puso at nangangailangan na maoperahan sa lalong madaling panahon.

“Doc, wala naman ho kaming 400,000.00 kaagad para maoperahan ang tatay ko,” lumuluhang sabi ng anak ng guro.

“Mas mabuting operahan na po muna natin siya kaagad, at ayusin na lamang ang bayarin pagkatapos. Baka hindi na siya makaligtas sa susunod na magkaroon muli ng atake sa puso ‘pag ‘di pa natin inagapan ngayon,” pagpapaliwanag ng doktor.

“S-sige ho. Gagawa na lang po ako paraan dok,” tugon naman ng babae.

Napahawak na lang ang babae sa kaniyang mukha habang nakatingin sa amang natutulog sa ward.

Isinagawa ang operayon nang araw ding iyon. Sobrang abala naman ang mga anak sa paghahanap ng pera ngunit kahit anong gawin nila ay kulang at kulang din ito.

Naging tagumpay naman ang operasyon at ilang oras pa ay nagising na rin si Sir Tony.

“’Tay…” nakangiting bati sa kaniya ng anak. “Okay lang ho ba kayo? May masakit ho ba?”

“Ayos lamang ako. Nakakaramdam lang ako ng kaunting gutom,” nakangiting sagot ng ama.

Maya-maya pa ay kumatok at pumasok na ang doktor na nakasuot ng puting mask sa kanilang kwarto. Nalungkot naman ang babae dahil napansin nitong may hawak na papel ang doktor. Marahil ay iyon ang kanilang bayarin sa ospital. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag na wala silang sapat na pambayad para rito.

“Kumusta ho kayo?” tanong nito kay Sir Tony.

“Maayos naman na po ako dok. Salamat po,” nakangiting tugon naman nito.

“Eto po ang gamot niyo. Nandyan na rin po ang instruksyon kung paano niyo iinumin at tamang paglilinis po ng tahi,” saad ng ng doktor.

“D-dok…” mahinang sambit ng anak na babae ng dating guro. “Wala ho kasi kaming pambayad pa. Hindi po sapat yung pera namin,” at pumatak ang luha ng babae.

“Wag kayong mag-alala. Bayad na po lahat,” sagot ng doktor.

Kita naman ang pagkagulat sa mukha ng mag-ama nang marinig ito.

“Pero paano po?” hindi maituloy ng babae ang sasabihin dahil sa sobrang pag-iyak nito ngayon.

Tumingin ang doktor sa kanilang mag-ama, at kahit na hindi kita ang buong mukha dahil sa mask na suot, ay makikitang nakangiti ito dahil nakangiti ang mga mata nito.

“19 years ago po. Bayad na ng mga libreng pagkain tuwing tanghalian. Bayad na ng mga oras na inilaan upang turuan ang batang walang tiwala sa sarili. Bayad na nang magpakita ng pagmamahal sa estudyanteng hindi naman kaano-ano, at bayad na po noong magtiwala siya sa kakayanan ng kaniyang mga estudyante,” paliwanag ng doktor.

Napakatakip naman ng bibig si Sir Tony nang marinig ito. Nangingilid na ang kaniyang luha at nanginginig ang mga kamay.

Dahan-dahan naman tinanggal ng doktor ang kaniyang suot na mask.

“Ako na po ang batang iyon, sir. Dahil nagtiwala kayo sa kakayanan ko, eto na po ako. Isa na pong doktor.” Lumuluha na rin ngayon ang doktor habang nakangiti.

“Anna?” hindi makapaniwala ang dating guro sa nakikita.

Bumuhos ang mga luha ng oras na iyon.

“Maraming salamat, sir. Ikaw ang isa sa mga naging dahilan sa aking naging tagumpay. Malaki ang utang na loob ko sa’yo, sir.” Lumuluhang lumapit si Anna sa kanyang guro at niyakap ito.

“Ang palaaway kong anak-anakan noon, isang ganap na doktor na. Salamat, Anna. Salamat!” Hindi pa rin makapaniwala si Sir Tony sa mga nagaganap.

“O ‘wag po kayong umiyak masyado, baka makasama sa inyo yan,” pagbibiro ng doktor sa dating guro habang nakayakap pa rin dito.

“Hindi sapat ang isang milyong pasasalamat sa tiwalang ibinigay ninyo sa akin. Kayo ang unang naniwala sa akin, kaya natutunan kong magtiwala rin sa aking sarili,” umiiyak na saad pa rin ng doktor.

Hindi inaasahan ni Sir Tony ang mga tagpong ito. Ang kabutihang itinanim niya sa estudyante noon ay namunga na. Ang tiwalang ibinigay niya sa estudyante ay ang mismong naging daan upang magkaroon ito ng lakas upang abutin ang mga pangarap.

Ibang galak ang nararamdaman ng dating guro, dahil alam niyang sa bawat aral na ibinibigay niya noon, ay may nahahaplos siyang buhay. Alam niyang mas mamumunga pa ang mga kabutihang itinanim sa puso at isip ng kaniyang mga naging estudyante.

Advertisement