
Kilalang Relihiyosa at May Mabuting Puso ang Babae; Grabe Pala ang Itinatagong Lihim Nito
Si Roland ay isang Sales Manager sa isang kilalang Real Estate Developer sa Rizal. Madami siyang kliyente na kadalasan ay nagiging kaibigan na rin niya.
Sa bentahan, kailangang malakas ang tinatawag na after sales service para makakuha ng maraming referrals. Isa sa mga naging kliyente niya na naging malapit sa kaniya si Tita Conching. Medyo may edad na ito at halatang may kaya sa buhay. Bongga kung manamit, branded ang gamit na bag pati na sapatos.
Pero hindi lang sa mga materyal na bagay mayaman si Tita Conching, mayaman din siya sa pananampalataya.
“Parati kang magdarasal ha? Upang i-bless ka pa ni Lord!” wika ng babae.
Relihiyosa ang babae at mayaman sa pananampalataya. Madalas pa siyang magbanggit ng mga bible verses kapag kausap si Roland. Dahil doon, naging magaan ang loob ng lalaki rito.
“Gusto ko itong condo na inaalok mo, Roland. God’s will, baka eto na nga ang handog Niyang regalo sa akin,” saad naman ng matanda.
Nagustuhan nga ni Tita Conching ang condo at agad na pina-reserve ang unit. Matapos ang ilang linggo, nag down payment na ito at agad na nakalipat.
Doon din nakatira si Roland kaya naman naging malapit na magkaibigan ang dalawa.
“O eto, Roland, pasalubong ko galing Tagaytay. Ubusin mo iyan ha?” nakangiting sabi ni Tita Conching.
“Nako, tita, nag-abala pa kayo. Maraming salamat ho!”
Palaging dumadalaw ang babae sa unit ni Roland upang magbigay ng pasalubong. Kaya lalo naman natuwa ang binata sa kabaitan nito.
Lumipas ang ilang buwan, sa kalagitnaan ng pandemic, biglang nagtungo sa unit ni Roland si Tita Conching.
“Roland, nakakahiya man, maaari ba akong manghiram sa’yo ng 500,000.00?”
Ikinagulat naman ito ng binata. Napakalaking halaga noon. Pero dahil nga pandemya, mahina ang benta kaya’t wala siyang ganoon kalaking halaga na maipapahiram.
“Tita, medyo tight ang budget ngayon, hanggang 50,000.00 lang ang kaya ko e,” tugon naman ng binata.
“Baka puwedeng gawin mo nang 100,000.00? Bibigyan naman kita ng post-dated na tseke upang makasigurong babayaran kita kaagad,” pakiusap ng babae. “Lalagyan ko pa ng interes para hindi rin nakakahiya sa iyo,” dagdag pa nito.
“E kahit wala na pong interes… sige po, Tita…”
Nahiya nang humindi si Roland sa matanda. At saka isa pa, mabuting tao naman ito kaya ayos lang na bawasan ang kaniyang ipon upang makatulong.
Ibinigay ni Roland ang isang daang libong piso, gayun din naman ang pagbibigay ni Tita Conching ng post-dated checks niya.
Lumipas ang isang buwan. Petsa na nung unang tseke para mai-encash. Agad na nagpadala ng mensahe si Roland.
“Tita, remind ko lang po na ie-encash ko ang check today!”
Ngunit walang sagot ang matanda. Kinabukasan nagpadala muli ng mensahe ang lalaki.
“Tita, pupunta na po ako ng banko para i-encash at ideposito ang tseke.”
Agad naman na tumugon ang matanda, “Hijo, puwede bang ‘wag mo na munang i-deposit ang tseke? Ako na lamang ang gagawa noon at ilalagay ko sa bank account mo ang payment. May iniintay lang akong pera ngayong linggo.”
Wala naman ibang magawa si Roland kundi ang pumayag. Lumipas ang halos dalawang linggo, pero wala pa ring deposito si Tita Conching.
Magpapadala na sana ng mensahe muli si Roland nang makita niyang naka-block na siya sa Messenger. Sinubukan niyang tawagan ang numero nito, ngunit kahit doon ay naka-block na siya.
Gumawa siya ng bagong Facebook upang tingnan ang account ng matanda. Gulat na gulat siya sa mga nakita. Puro branded na bags, sapatos at damit ang mga huling posts nito. Hindi lamang iyon, may mga bagong TV at furniture din!
Sinubukan niyang puntahan ang unit nito, ngunit walang nagbubukas. Napagdesisyunan na lamang ni Roland na pumunta ng banko at doon ipa-encash ang tseke. Baka kasi nakalimutan lamang siya i-update ng matanda.
Parang siyang binuhusan ng malamig na tubig sa narinig mula sa teller:
“Closed na po ang account, sir. Tawagan ninyo na lamang po ang may-ari kasi closed na po ito,” saad ng babaeng bank teller.
Halos manlumo si Roland sa narinig. Bakit ganoon ang ginawa ng matanda? Bakit ba nagtiwala siya kaagad? Bakit nagpadala siya sa mga Bible verses, pasalubong at mabubulaklak na salita? Ngayon, hindi ito mahagilap at wala rin tugon sa mga mensahe.
Hindi naman nagpatalo ang lalaki, nagsampa siya ng kasong estafa sa matanda. Pero hindi siya mag-isa, may lima rin taong naloko ito na nagsampa ng kaso. Malakas ang laban nila dahil tumalbog ang tsekeng ibinigay nito kaya ngayon, ubos ang yaman ni Tita Conching, himas-rehas pa siya.
Naging malaking aral iyon sa buhay ng manlolokong matanda, pero mas naging malaking aral iyon kay Roland at sa iba pang mga naloko. Hindi dahil matamis magsalita at mukhang maka-Diyos ay dapat nang pagkatiwalaan. Sa panahon ngayon, naglipana ang mga manloloko kaya ugaliing mag-ingat at maging mapagmatyag!