Sumuko na ang Babae sa Paghahanap ng Tunay na Pag-ibig; Mahanap pa Kaya Niya ang Kaniyang One True Love?

Si Jelay, dalawampu’t siyam na taong gulang. Hindi raw gaanong kagandahan, pero malakas ang dating. Sa katunayan, elementarya pa lang, pila na ang mga manliligaw niya.

“Pasensya na ha? Priority ko kasi ang studies ko…”

Dahil nga pag-aaral ang inuuna noon, laging basted ang mga mangliligaw na umaaligid sa kaniya. Isa pa, takot siya sa magulang niya. Takot na lamang niyang mabugb*g ng nanay at tatay niya kapag nalamang may nobyo siya.

Pagdating ng hayskul, halos lahat ng kaklase niya ay mayroong mga kasintahan na. Dahil mausisa, nagsimula na rin siyang mag-isip kung ano ang pakiramdam ng may nobyo.

“Oo, sinasagot na kita!”

“Talaga, Jelay? Girlfriend na kita?”

“Oo, Anthony. Girlfriend mo na ako at boyfriend na kita!” tugon ng dalaga.

Dahil sa labis na kyuryosidad, sinagot ni Jelay ang pinakamakulit at masigasig niyang manliligaw na si Anthony.

Advertisement

Para sa kaniya kasi:

“Isang buwan na lang naman, graduation na. Siguradong pagkatapos ng hayskul ay break na rin kami dahil iba ang landas na tatahakin namin sa kolehiyo,” pagkukumbinsi ng dalaga sa kaniyang sarili.

Iyon sana ang plano, ngunit hindi ganoon ang nangyari. Nahulog ang loob niya rito at tuluyang minahal. Puro kilig at saya noong simula, pero dumating ang araw na puro away na lamang sila habang tumatagal.

“Masyado kang takot na takot sa magulang mo, Jelay! Hindi mo man lang ako maipaglaban!” saad ni Anthony.

“Tigilan mo nga ako. Ikaw nga ‘tong toxic na dahil sa pagiging demanding at seloso e,” sagot naman ng dalaga.

“Maghiwalay na tayo…”

“Fine…”

Doon natapos ang relasyon ng dalawa.

Advertisement

Dumating ang kolehiyo, may nanligaw ulit kay Jelay. Dahil crush na crush niya iyon, agad niyang sinagot ang binata. Pero hindi pala sa happy ending ang tuloy nila… dalawang buwan lang ang lumipas ang naghiwalay rin sila.

“Ayaw ko na muna ng relasyon. Nakakapagod ‘yung paulit-ulit na masaktan at maiwanan,” umiiyak na sabi ni Jelay.

Tunay ngang inayawan muna niya ang relasyon. Matapos noon, itinuon niya ang sarili sa pag-aaral. Marami pang nagparamdam sa kaniya noon ngunit desidido siyang makatapos muna. Kaya kahit na pila ang manliligaw, inuna ni Jelay ang pag-aaral.

Hinayaan niyang makapahinga ang puso niya. In-enjoy niya ang bawat panahon at pagkakataon na single siya. Hanggang sa dumating ang araw na nagtrabaho siya.

Doon niya nakilala si Jeric. ‘Di kagwapuhan pero makulit at mabait.

“Alam mo Jelay, ‘pag ako naging boyfriend mo, para kang nagmahal ng baby shampoo,” sabi ng lalaki.

“At bakit naman?” pagtataray ni Jelay.

“No more tears na kasi!” natatawang banat naman ni Jeric.

Advertisement

“Alam mo ang korni mo! Sa iba mo na lang ibigay ‘yang punch line mo. Ayoko ng jowa!”

“Willing naman akong mag-intay!” sagot naman ng lalaki.

“Hanggang friends lang talaga, kaya no!”

Tuluyan ngang nanligaw si Jeric, ngunit isang malaking pagtanggi lagi ang tugon ni Jelay. Pero masigasig talaga ang binata. Araw-araw may tsokolate o kaya naman inumin si Jelay mula rito. Araw-araw rin naman na may baon itong nakakakilig na pick up line para sa dalaga.

“Ayoko pa rin! Hindi ka ba napapagod mabasted ha, Jeric?”

“Hindi e. ‘Pag mahal mo, hindi mo susukuan. ‘Pag mahal mo, matututo kang mag-intay. Gaya ng ginagawa ko sa’yo ngayon,” nakangiting sabi ng binata.

Naisip ni Jelay na darating din ang panahon na mapapagod sa pagsuyo sa kaniya si Jeric. Ganoon naman ang lahat ng lalaki para sa kaniya. Inaway niya ito nang inaway. Kahit kaunting tanong lang, e nakasigaw na siya kaagad. Gusto lamang talaga niya na pagurin ang binata. Pero hindi ito napagod.

“Kahit paulit-ulit mo akong itulak palayo, paulit-ulit din akong babalik sa’yo. Alam kong takot ka lang magmahal, pero kaya mo. Kaya hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakakamit ang matamis mong ‘oo’,” saad pa ng binata.

Advertisement

Araw-araw pinatunayan ng binata na hindi lamang niya gusto si Jelay, kundi mahal niya ito. May mga pagkakataon na kitang napapagod si Jeric, pero nagpapahinga lang ito, ngunit bumabalik din. Lumalaban ulit at minamahal siyang muli.

‘Di naman nagtagal, napasagot din ng binata ang dalaga. Matapos ang ilang taon na suyuan at ligawan, sa wakas, nagbukas ang puso ni Jelay sa isa pang pag-ibig!

Taong 2018, nagpakasal ang dalawa. Tulad ng dati, makulit pa rin si Jeric. Kahit kasal na sila ay tila ba nililigawan pa rin nito ang asawa.

Si Jelay naman, lalo pang nahuhulog sa kabiyak habang lumilipas ang panahon. Lubos siyang nagpapasalamat dahil sa pagkakataong ito, may isang hindi napagod at sa kaniya ay nanatili.

Isang patunay lang na ang tunay na pagmamahal ay maaaring napapagod, ngunit hindi sumusuko. Marunong maghintay at hindi pinipilit.