Inday TrendingInday Trending
Kaya ng Dalagang Tiisin ang mga Magulang Maibigay Lang ng mga Ito ang Nais Niya; Isang Aksidente ang Magpapatunay na Nasa Huli ang Pagsisisi

Kaya ng Dalagang Tiisin ang mga Magulang Maibigay Lang ng mga Ito ang Nais Niya; Isang Aksidente ang Magpapatunay na Nasa Huli ang Pagsisisi

“Carlene, bakit hindi ka pa rin umuuwi sa bahay niyo? Baka nag-aalala na ang mama at papa mo sa’yo. Ilang araw ka na ring nandito kila Vina,” sita ni Alex sa kaibigan.

“Hayaan mo sila!” ismid ni Carlene. “Sabi ko sa’yo ‘di ba, na hindi ako uuwi sa’min hangga’t hindi nila binibili ang selpon na gusto ko,” dugtong pa nito.

Naiiling na lang na naupo si Alex sa bakanteng silya. Hindi makapaniwala sa sinabi ng kaibigan. Kung siya ang nasa sitwasyon nito at nagmamatigas siya sa kaniyang mga magulang ay baka tuluyan na siyang pinalayas ng mga ito. Pinalaki sila ng nanay at tatay nila na hindi nasusunod sa luho, huwag pilitin kung hindi kaya ng kanilang budget.

“Carlene, sagutin mo, tumatawag ang papa’t mama mo,” ani Vina sabay abot ng selpon nito kay Carlene.

Nag-alis na muna ng bara sa lalamunan si Carlene saka sinagot ang tawag ng kaniyang mga magulang.

“Sige po, papunta na po ako d’yan sa terminal ng dyip,” anito sa kausap. “Okay po, mama,” anito saka tuluyang binaba ang tawag.

“Anong sabi?” usisa ni Vina.

“Nasa terminal na raw sila ng dyip naghihintay dala ang pera pambiling selpon,” tuwang-tuwa na wika ni Carlene. “Samahan mo ako mamaya, Vina at Alex ah. Bibilhin na natin iyong selpon na nagustuhan ko, para magmukha akong yayamanin!”

Agad na nagmadaling magbihis si Carlene upang puntahan ang mga magulang sa sinabing terminal. Sabik na mabili ang selpon na gusto at hindi sa pagkikita nila nang kaniyang mga magulang na miss na miss na siya.

“Carlene, anak,” anang kaniyang ina nang makita siya. “Ayos ka lang ba, anak? Nag-aalala kami ng papa mo sa’yo,” mangiyak-ngiyak nitong dugtong.

“Okay lang naman po ako kila Vina, mama, nakakain rin naman ako nang maayos at ‘di naman ako pinapabayaan ng pamilya niya,” ani Carlene. “Dala niyo na po ba ang perang ipambibili ko ng selpon?” sabik niyang tanong.

“Oo anak,” sagot ng kaniyang ama. “Uuwi ka na ba sa bahay?”

Umismid si Carlene saka tumingin kila Vina at Alex. “Bukas na po ako uuwi, ‘pa, sa ngayon ay ibigay niyo muna sa’kin ang pera para mabili ko na ang selpon na gusto ko. Promise po, bukas uuwi ako agad,” aniya.

Bahagyang nag-atubili ang dalawa, ngunit wala itong magawa kung ‘di ang ibigay sa anak ang pera. Hawak ang pangakong uuwi ito sa bahay nila kinabukasan. Nang makuha ang pera ay agad na nagpaalam si Carlene sa mga magulang at sabik na pumunta ng mall upang bilhin ang selpon na gustong-gusto nito. Hindi alintana ang sakit na dumaan sa mata ng mga magulang.

“Anong pakiramdam ngayong nabili mo na ang mamahaling selpon na iyan, Carlene? Malamang famous ka na niyan sa mga kaibigan natin. Ang mahal kaya ng selpon mo tumatagingting na P46,000 din iyan. Hindi man lang ‘yan nangalahati sa mga selpon namin,” ani Vina.

“Kaya ko nga pinursige si mama’t papa na bilhin ‘to kasi iyon talaga ang gusto kong mangyari,” ani Carlene, habang nakatitig sa kakabili lamang na selpon.

Kinabukasan ay nagpaalam na siya sa pamilya ni Vina at kay Alex na uuwi na siya sa kanila. Masaya siyang bumiyahe pauwi sa bahay nila dahil nasa kaniya na ang selpon na gustong-gusto niya. Alam niya ang kahinaan ng mama’t papa niya, buti na lang at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang mga ito. Lalayas siya kapag hindi nabili ng mga ito ang nais niya, at hahanap nang paraan ang dalawa para lang umuwi siya sa bahay nila.

“Carlene, buti naman at nakauwi ka na. Kagabi ka pa namin hinihintay na makauwi,” ani Aleng Nita, na siyang sumalubong sa kaniya.

“H-ha bakit po?” nauutal at naguguluhan niyang sambit.

“Hindi mo ba alam? Naaksidente ang mama at papa mo, sa katunayan ay nasa m*rgue pa rin ang mga katawan nila kasi walang ibang makakakuha kung ‘di ikaw lang,” ani Aleng Nita.

Nanghina ang tuhod ni Carlene sa narinig. Totoo ba? Wala na ang mama at papa niya? Naaksidente ang mga ito noong pauwi na ang dalawa sa bahay nila. Isang malaking truck ng semento ang bumangga sa kotse ng kaniyang mga magulang.

Kasama si Aleng Nita ay pumunta sila sa m*rgue upang asikasuhin ang labí ng kaniyang mga magulang. Habang nasa biyahe ay iyak na siya nang iyak at panay ang sisi sa sarili, dahil na rin sa kwento ni Aleng Nita sa kaniya.

Tumawag pa raw kasi ang dalawa upang magpaluto nang makakain dahil baka daw kasama na siyang umuwi ng mga ito. Bago ang aksidente ay umiiyak na tumawag muli ang kaniyang ina dahil hindi daw pala siya sasama sa kanila, malungkot na malungkot daw ang dalawa at ang huling tawag na natanggap ni Aleng Nita ay ang mga pulis na nagsabi nang masamang balita.

“Ma, pa, nandito na ako,” humahagulhol niyang wika. “Sabi ko naman sa inyo na uuwi ako ngayon, bakit naman ganito. Bakit nand’yan na kayong dalawa? Paano na ako?” aniya saka niyakap ang b@ngkay ng mga magulang. “Sorry ma, pa, kung sumama ako sa inyo baka hindi kayo naaksidente. Kasalanan ko ang lahat nang ito, kung hindi ako naglayas ay hindi kayo pupunta doon. Sorry, sorry, bumalik na kayo ma, pa, gising na. Ayoko na ng selpon, mas gusto ko kayong makasama,” malakas niyang iyak.

Makalipas ang limang araw ay inilibing na ang dalawa. Upang may maipanggasto sa lamay at libing ng mga magulang ay ibinenta ni Carlene ang bagong biling selpon, dahil walang naiwan na pera ang mga magulang.

Nalaman pa niyang isinanla ng dalawa ang wedding ring ng mga ito upang ibili lamang ng selpon na gusto niya. Muli siyang humagulhol nang iyak sa nalaman. Dahil sa pagiging spoiled niya kaya nawala ang dalawang pinakamahalagang tao sa kaniyang buhay.

Sadyang saka mo lang malalaman kung gaano kahalaga ang iyong mga magulang kapag wala na sila. Kung maibabalik lamang ni Carlene ang panahon, magpapakabuting anak na talaga siya sa mga ito, kaso huli na ang lahat. Wala na ang mga ito.

Advertisement