Inday TrendingInday Trending
Kahit Kaunting Pagsuporta Galing sa Kakilala at Kamag-anak ay Wala Siyang Natanggap Noong Siya’y Nagsisimula pa; Nakagugulat ang Ganting Ibinalik Niya sa mga Ito

Kahit Kaunting Pagsuporta Galing sa Kakilala at Kamag-anak ay Wala Siyang Natanggap Noong Siya’y Nagsisimula pa; Nakagugulat ang Ganting Ibinalik Niya sa mga Ito

“Anak, sabihin mo nga kay Uncle Anthony mo na dito na sila kumuha ng bigas at bumili sa tindahan natin ng mga kailangan nila,” utos ni Cedric sa anak na si Luis.

“Sige po, ‘tay,” tugon ni Luis at agad ring tumalima sa utos ng ama.

Kabubukas lamang ng kaniyang sari-sari store, kaya mas maiging sa kanila na bumili ang mga kapatid niya tutal malapit lang naman ang tindahan nila sa mga bahay-bahay ng mga ito. Bilang pagsuporta na rin sa negosyo niyang kakaumpisa lang.

Noong hindi pa nagbubukas ang kaniyang tindahan ay sinabihan na niya ang iba pa niyang kamag-anak at kakilala na kung maaari ay dito na sa tindahan niya bumili. May iba na um-oo, may iba naman ngiti lamang ang itinugon sa kaniya. Sino ba naman kasi ang magtutulungan, kun’di sila-sila lang din.

“‘Tay, sabi ni Uncle Anthony, may kinukuhanan na raw siya ng bigas, kila Aleng Beth, mas masarap daw ang bigas nila at mas mura kaysa sa’tin, kaya doon na lang daw muna siya kukuha. Maliban daw, ‘tay, kung papautangin niyo siya. Kapag may kailangan daw silang bilhin, subukan nilang bumili dito sa tindahan,” ani Luis.

Agad namang nakaramdam ng panghihina si Cedric sa sinabi ng anak. Sabagay, kahit kapatid niya pa si Anthony, hindi niya ito mapipilit kung ayaw nitong bumili sa tindihan niya.

Huminga nang malalim si Cedric at malungkot na ngumiti. “Hayaan mo na ‘nak,” aniya saka ipinagpatuloy ang ginagawang pag-aayos ng tindahan.

“‘Tay, pinost ko sa social media ang mga binibenta natin. Naisip ko kasi na ngayong may pandemya, maraming tao ang ayaw lumabas, kaya mas gusto nilang mamili online. Ito itay, ang daming um-order sa’kin at kung maaari daw sana ay ihatid natin sa bahay nila. May mga ibinigay din silang address, ‘tay, bayaran na lang daw nila ang delivery fee,” masayang wika ni Luis, habang pinapakita ang mga mensahe ng taong um-order rito online.

Nakaramdam nang labis na saya si Cedric dahil sa ibinalita ng anak. “Sige anak, ihanda na natin ang mga order nila para maihatid na natin sa mga bahay-bahay nila mismo,” aniya.

Agad nilang hinanda ang maraming order at gamit ang motor nilang natambay na sa bahay mula noong nagkaroon ng pandemya ay inihatid nilang mag-ama ang mga kailangan ng mga ito. Nakakapagod man ay nakakapawi ng pagod kapag naibibigay nila sa mga kustomer ang inorder ng mga ito. Bukod sa bayad na natatanggap nila’y mas nakakataba ng puso ang labis na pasasalamat ng mga ito dahil sa simpleng paghatid nila sa mga inorder ng kanilang mamimili.

Lumipas ang maraming araw at mas dumami pa ang nagiging kustomer nila online. Ang sari-sari store na maliit noon, ngayon ay mas lalong lumaki dahil na rin sa mga mamimili nilang labis ang tiwala sa kanila.

“Lumalago na ang negosyo mo, Cedric ah,” ani Anthony sa kapatid.

“Sa awa ng Diyos, kahit papaano’y nagpapatuloy pa rin naman ang pagbebenta ko kahit na kasagsagan ngayon ng pandemya. Malaking tulong na rin sa’kin ang tindahang ito,” masayang wika ni Cedric.

Ang totoo ay pumunta lamang doon si Anthony upang mangutang ng bigas at pera sa kapatid, ayon dito ay ibabalik rin sa sahod nito. Walang pagdadalawang-isip na binigyan ni Cedric ang kapatid nang kailangan nito, na labis na pinalagan ni Luis.

“Dapat ‘tay, hindi niyo pinautang si Uncle Anthony,” ismid niya sa ama. “Noong tayo ang nangangailangan ng pagsuporta nila sa maliit na negosyong sinisimulan natin ay hindi man lang nila tayo tinulungan, tapos ngayong nakikita na nilang lumalago, saka lang nila tayo naalala.”

Ngumiti si Cedric at ginulo ang buhok ng anak na ngayon ay nakabusangot. “Masama ang gumanti, anak,” aniya. “Oo, aaminin ko na nakaramdam ako ng pagtatampo sa uncle mo noong nakiusap ako sa kaniya na dito na bumili sa’tin tapos umayaw siya. Pero tingnan mo naman, anak, ‘di ba kahit hindi nila tayo sinuportahan noong una ay lumago naman nang higit pa ang maliit nating sari-sari store noon,” masaya niyang kausap sa anak.

“Minsan kasi mas nakakatanggap tayo ng suporta sa mga taong hindi natin kakilala o kamag-anak. Madalas ang mga kamag-anak pa nga natin ang dumidismaya sa’tin. Pero kahit ano pa man ang mangyari, hindi natin maaaring ibalik sa kanila ang ginawa nila sa’tin noon. Maiisip din nila, Luis, na noong kailangan nila tayo ay hindi nila maibigay sa’tin ang suportang kailangan natin. Ngayong sila ang nangangailangan at may maibibigay naman tayo ay ibigay natin. May awa ang Diyos sa mga taong mapagkumbaba anak,” mahabang paliwanag ni Cedric.

Ngumiti si Luis at tumango-tango. “Sabagay, ‘tay, tama ka d’yan. May kasabihan nga ‘di ba na kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay?” sang-ayon nito.

Agad na tumawa si Cedric sa sinabi ng anak na mula noong una hanggang ngayon ay siyang katulong niya sa pagpapalago ng negosyo.

“Bilisan na natin ang paghahanda ng mga order para maihatid na natin sa mga kustomer natin,” aniya, agad namang tumalima si Luis sa sinabi ng ama.

Kung tutuusin, hindi kawalan ang pagsuporta sa negosyo ng iyong mga kaibigan, kamag-anak o kakilala. Malaking bagay na iyong ipakita mo na nand’yan ka para suportahan ang mga ginagawa nilang ikakaunlad sa buhay. Ngunit ang masakit na katotohanan ay mas nakakatanggap ka pa ng pagsuporta at pagtitiwala sa mga taong hindi mo kakilala. Gayunpaman, palaging itatak sa ating mga isip na masama ang gumanti.

Advertisement