Inday TrendingInday Trending
Isang Masungit na Matanda ang Matiyaga Niyang Inalagaan; Hindi Niya Man Inaasahan ay Napalapit Siya Rito

Isang Masungit na Matanda ang Matiyaga Niyang Inalagaan; Hindi Niya Man Inaasahan ay Napalapit Siya Rito

“Joel, pakisagot nga ‘yang telepono, at baka bagong kliyente,” pakisuyo ng manager ng agency na pinagtatrabahuhan niya. Naroon siya bilang isang janitor.

Agad naman siyang tumango at sumunod dito. Boses ng isang matandang lalaki ang sumalubong sa kaniya. Ang unang napansin niya ay ang iritable nitong tono.

“Pang-ilang tawag ko na ito, pero bakit parang hindi niyo ako pinapansin? Ang sabi ko, kailangan ko ng kasama rito sa bahay ko,” halos pabulyaw na wika ng matanda.

“Bakit daw?” narinig niyang tanong ng kanilang manager.

“Medyo galit po. Heto, Ma’am, ikaw na po ang kumausap,” aniya bago ipinasa rito ang telepono.

Ito ang nakipag-usap sa tumatawag at sa gilid ng mata niya ay kitang kita niya ang pag-iling nito nang ibinaba nito ang tawag.

“Kanina pa ‘yan tumatawag. Kailangan daw niya ng tagapangalaga dahil hirap na siya gumalaw-galaw,” pagkukuwento nito nang mapatingin sa kaniya.

“Eh Ma’am, ano pong problema? Hindi po ba natin siya pwedeng padalhan?” usisa niya sa manager na nakapalagayang-loob niya na.

Bumuntong hininga ito, halatang problemado.

“Lalaki na taga-alaga ang kinukuha. Eh puro babae lang ang nasa agency natin. Isa pa, kahit babae, walang papayag. Sa probinsya pa kasi siya nakatira, liblib na bayan. Sayang naman, triple pa naman ang ibabayad,” dismayadong pahayag nito.

Kung handa itong magbayad ng ganoon kalaki, marahil ay kailangang-kailangan nito ng tulong. Napaisip si Joel bago muling nagsalita.

“Ma’am, ako na lang po kaya ang ipadala niyo?” suhestiyon ni Joel.

Hindi agad ito nakapagsalita sa gulat. Tila pinoproseso ang sinabi niya.

“Sige na po, Ma’am. Kayang-kaya ko naman ‘yun. Ako ang nag-alaga sa Lolo ko noong nagkasakit siya,” pangungumbinsi pa niya sa babae.

Akala niya ay tatanggi ito, ngunit matapos ang ilang minuto ay tumango ito at ngumiti.

“Sige. Ayusin na natin ang mga papeles mo para bukas din ay maka-biyahe ka na.”

Kinabukasan din ay bumiyahe siya patungo sa isang malayong probinsya. Halos gabi na nang marating niya ang isang luma ngunit magandang bahay.

“Magandang gabi po. Ako po si Joel, ang ipinadala ng agency para mag-alaga sa inyo,” magiliw na bungad niya sa matandang nagbukas ng pinto.

Nakilala niya ito bilang si Lolo Juanito. Gaya ng inaasahan niya ay nakasimangot ito ngunit itinuro rin naman nito ang isang kwarto na maaari niyang tulugan.

Dumating din ang lalaki na nagpakilalang abogado raw ng matanda. Ito ang nagsabi kung ano ang mga kailangan niyang gawin, mga ayaw ng matanda at lahat ng kailangan niyang malaman.

“O siya Joel, ikaw na ang bahala. Aalis na ako. Kapag may kailangan ka, tawagan mo lang ako,” bilin pa nito.

Ang akala niya ay maayos at madali lang ang magiging trabaho niya ngunit nang sumunod na araw ay napagtanto niyang hindi.

“Ayaw ko! Ayaw ko niyan! Hindi kita kilala! Alis!”

Napakasungit ng matanda! Lagi itong nakabulyaw. Lahat ay tinatanggihan nito, mula pagkain, gamot at pagligo. Ni ayaw nitong lumabas ng kwarto at makipag-usap.

“Pasensya na, may mga araw na ganun talaga siya dahil nag-uulyanin na. Hayaan mo muna, basta bantayan mo lagi,” bilin nito.

Matapos ang ilang segundong pananahimik ay nagdesisyon itong magkwento.

Ikinuwento nito ang trahedyang nangyari sa matanda. Kung paano nawala ang buong pamilya nito sa isang iglap matapos bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng pamilya nito habang namamasyal. Nakaligtas lamang si Lolo Juanito dahil hindi ito nakasama dahil sa trabaho,

“Nakilala ko siya sa hindi inaasahang pagkakataon. Tatalon na sana siya tulay. Mabuti na lang at napigilan ko. Kaya hiling ko lang na ‘wag mo siyang susukuan dahil ang kailangan niya ng tunay na magmamalasakit sa kaniya, Joel,” pakiusap nito.

Sa narinig ni Joel ay mas lalo lamang tumindi ang pagnanais niya na manatili sa tabi ng matanda.

“Joel!” narinig niyang sigaw ng matanda mula sa silid nito.

Nagulat siya nang makita ang basang kama. Sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay naihi na naman ang matanda sa salawal nito.

“Pasensya na. Hindi ko mapigilan…” anito habang bakas sa mukha ang matinding hiya.

Imbes na mainis ay nginitian niya ito at agad na sinaklolohan.

Bago pa mamalayan ni Joel ay isang buwan na ang lumipas simula noong alagaan niya si Lolo Juanito.

“Heto na ang suweldo. Dinagdagan ko ‘yan dahil alam naming grabe ang hirap na pinagdaanan mo sa pagbabantay sa akin.”

Ikinagulat niya ang sunod na sinabi ng matanda.

“Maiintindihan ko kung aalis ka na, kagaya ng mga naunang nag-alaga sa akin. Alam ko na mahirap ako kasama sa bahay. Salamat sa’yo, Joel,” malungkot na bulong nito, tila sigurado na na aalis na siya.

“Hindi po ako aalis, Lolo Juanito. Inalagaan ko po ang Lolo ko noong nabubuhay pa siya, kaya alam ko na mahirap para sa inyo ang mag-isa. ‘Wag po kayong mag-alala. Dito lang po ako hangga’t kailangan niyo ako,” buo ang pang-unawang tugon niya sa matanda.

Sa unang pagkakataon ay nakita niya itong ngumiti.

Nanatili siya sa tabi nito sa loob ng tatlong taon pa bago ito nagkasakit at sumakabilang buhay nang tuluyan.

Labis ang pagluha niya noong inihatid nila ang matanda sa huli nitong hantungan. Napalapit na kasi nang husto ang loob niya sa matanda.

“‘Wag kang mag-alala, Joel. Masaya siyang umalis. Matagal niya nang gustong-gustong makasama ulit ang kaniyang pamilya,” wika ng abogado habang pinahihinto siya sa pag-iyak.

Maya-maya ay inabot nito sa kaniya ang isang papel.

Nang buksan niya iyon ay hindi siya makapaniwala.

“Isinulat ni Lolo Juanito ‘yan bago lumala ang sakit niya. Maayos ang pag-iisip niya noong iniwan niya ang last will and testament niya,” paliwanag nito.

Sa papel ay nakasulat ang bilin nito na paghahatian nila ng abogado ang lahat ng ari-arian nito. Sila na raw kasi ang itinuturing nitong mga tunay na kapamilya.

Doon tuluyang nabago ang kaniyang buhay. Parating iniisip ni Joel na napakaswerte niya. Hindi dahil mayroon na siyang malaking pera, kundi dahil naging bahagi ng buhay niya si Lolo Juanito.

Advertisement