Ipinagdamot ng Mayamang Haciendero ang Malawak Niyang Lupain; Sunod-Sunod na Problema ang Dumating sa Kaniya

Sa baryo ng San Roque ay may dalawang pamilya ang naghahati sa isang pagkalawak-lawak na lupain. Ang pamilya ng mga Del Rosario, at ang mga Altamirano.

Ang hacienda ng mga Del Rosario ay bukas para sa mga magsasakang walang sariling lupa, habang ang hacienda ng mga Altamirano naman ay hindi pa napasok ng kahit na sinong hindi trabahador.

Nang umagang iyon, galit na hinarap ni Don Ramon Altamirano ang mga tao sa labas ng bahay nila.

“Anong ginagawa niyo rito?”

Isang lalaki ang lumapit sa kaniya.

“Don Ramon, mga magsasaka ho kami. Makikiusap lang ho sana kami kung pwede na kaming makitanim sa lupain niyo,” lakas loob na tanong ni Ador, isa sa mga magsasaka.

Tumaas ang kilay ng don.

“Hindi ako nagpapapasok ng mga hindi ko trabahador sa loob. Isa pa, hindi ako pumapayag na taniman ng kung ano-ano ang lupain ko,” masungit na sagot niya.

Advertisement

“Pero hindi ho ba’t mas maganda kung mapakinabangan ng iba ang lupain, kaysa naman ho nakatengga lang at walang nakikinabang?”

Nakaramdam siya ng iritasyon sa sinabi ng lalaki.

“Bakit ka ba nakikialam? Ako ang magdedesisyon kung ano ang gagawin ko sa lupain ko! Kung gusto niyo, bumili kayo ng sarili niyong lupa!” bulyaw niya sa lalaki bago ito pinaalis, kasama ang mga kapwa nito magsasaka.

“Mas marunong pa sa akin! Mga pulubi naman!” asar na bulong niya habang papasok sa kaniyang mansyon.

“Ramon, bakit naman hindi mo na payagan? Wala namang gumagamit ng lupain natin, nasasayang lang. Tulong mo na rin sa kanila,” payo ng kaniyang asawa.

Matigas ang naging pagtanggi niya.

Tinanaw niya ang malawak niyang lupain. Dugo’t pawis niya noong kabataan niya ang dahilan kaya niya naipundar ang lahat ng mayroon siya ngayon kaya naman hindi niya hahayaan na iba ang makinabang noon.

Alam niya na nakikiusap sa kaniya ang mga magsasaka dahil sa may-ari ng kabilang hacienda. Ang mga ito kasi ay pumapayag sa pakiusap ng mga maralita. Ngunit iba siya.

Advertisement

Malapit na ang anihan. Kaya naman binisita niya ang kaniyang mga trabahador. Naabutan niya ang mga itong nakasilong at namamahinga habang nagtatawanan.

Agad niyang sinita ang mga ito.

“Aba, paspasan niyo naman ang gawa! Hindi ko kayo binabayaran para tumambay!” galit na asik niya sa mga magsasaka.

Isa-isang nagpulasan ang bawat isa bago bumalik sa pagtatrabaho.

Nang umagang iyon ay maagang nagising si Don Ramon. Araw kasi ng anihan at nais niyang bantayan ang mga manggagawa niya.

Subalit isang pangit na tagpo ang sumalubong sa kaniya. Pinapak ng peste ang mga tanim niya! Halos wala siyang mapakinabangan sa mga iyon!

“Paano nangyari ‘to?” galit na usisa niya sa mga trabahador.

“Hindi rin ho namin alam, Don Ramon. Kasi ‘yung sa kabilang hacienda, maayos naman ang naging ani,” tugon ng isa.

Advertisement

Mas lalo siyang nakaramdam ng galit.

“Kaya nga, paano nangyari ‘yun? Pwede ba na namili ‘yung mga peste ng sisiraing tanim? ‘Yung mga tanim ko lang ang sinira nila? Hindi naman pwede ‘yun, ‘di ba?” muli ay bulyaw niya.

Ngunit sa huli ay wala rin naman silang nagawa. Labis ang panghihinayang ni Don Ramon. Malaking pera kasi ang nawala dahil sa kaniya.

Subalit nang sumunod na buwan ay isang problema na naman ang kinaharap nila.

Nagbitak-bitak ang lupain niya. Bagay na labis na ipinagtaka niya, lalo na’t hindi naman tag-init.

Ang isa pang kakaiba ay ang lupa niya lang ang nagkaproblema. Ang kabilang kalahati, ang lupain na pag-aari ng mga Del Rosario, ay walang problema!

“Ano bang nangyayari sa lupain ko? Bakit nagkakaganito?” malungkot na bulong niya habang minamasdan ang lupa niya na dati ay hitik sa tanim at bunga.

Mula sa likod ay narinig niya ang tinig ng kaniyang kabiyak.

Advertisement

“Ramon, mahiwaga ang buhay. Totoo ang karma, at pinaparusahan ang mga hindi malinis ang puso. Bakit hindi mo subukan na ibahagi sa iba ang lupain mo? Malay mo, patawarin ka ng langit at ibalik ang mga biyaya na ipinagkait sa’yo,” payo nito.

Napaisip siya sa sinabi nito. Napagtanto niya na maaaring may katotohanan nga ang sinasabi nito.

Kinabukasan ay agad siyang nagpatawag ng pagpupulong para sa mga magsasaka na nagnanais na makitanim. Sinabi niya sa mga ito na kapag muling lumusog ang lupa niya ay papayagan niya ang mga ito na magtanim.

“Maraming salamat po, Don Ramon! Malaking tulong ho sa amin ito!” tuwang-tuwang pasasalamat ng mga ito.

Nang sumunod na araw, pagkagising ni Don Ramon ay napanganga siya sa bumungad sa kaniya nang sumungaw siya sa bintana—bumalik na ang lupain niya sa dati! Pwede na ulit iyong pagtaniman!

Labis ang saya ni Don Ramon. Misteryoso nga talaga ang buhay. Marahil ay tama ang sinabi ng kaniyang asawa. Pinagdadamutan ng langit ang mga madadamot. Kaya naman maging mapagbigay!