
Isang Bata ang Tinuruan Niya na Magluto ng Tinapay; Makalipas ang Ilang Taon ay Ikinagulat Niya ang Narating Nito
Napangiti si Lydia nang masamyo niya ang mabangong amoy ng bagong lutong tinapay. Maingat niya iyong inalis mula sa lutuan bago isa-isang nilapag ang mga tinapay sa isang malaking tray.
Isang taon na ang nakalilipas simula noong magtayo siya ng tindahan ng tinapay. Sapat naman ang kinikita niya para matustusan ang pamilya nila. T’wing oras ng almusal at merienda ay hitik iyon sa tao.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang sumungaw sa pinto si Minda, ang tagabantay niya sa tindahan.
“Ate Lydia, luto na ba ang pan de coco? Marami na pong naghahanap,” anito.
“Oo, heto, pwede nang ilabas, mainit-init pa!” sigaw niya pabalik.
Nang lumabas siya sa tindahan ay nakita niya na maraming kustomer ang bumibili. Puro pamilyar na mukha ang nakita niya. Maliban sa isang dalagita.
Kita niya ang pagkabalisa sa mukha nito habang hawak ang isang balot ng tinapay. Luminga-linga muna ito sa paligid saka nito inilagay sa hawak nitong bag ang isang balot ng tinapay.
Dali-dali niya itong nilapitan. Bago pa nito mabuksan ang pinto ay nahawakan niya na ito sa braso.
Nang lumingon ito sa kaniya ay kitang-kita niya ang takot na bumalatay sa mukha nito.
“B-bakit p-po?” utal-utal nitong tanong.
“Ako ang may-ari ng tindahan. Sumama ka sa akin,” kalmado niyang bulong sa dalagita.
Dinala niya ito sa kusina upang kausapin.
“Nakita ko ang ginawa mo. Bakit mo kinuha ang tinapay nang hindi nagbabayad? Hindi mo ba alam na pagnanakaw ‘yun?”
Noon napabunghalit ng iyak dalagita. Nanginginig na inilabas nito ang isang supot ng tinapay mula sa suot nitong bag.
“Pasensya na po! Wala lang po talaga akong pagpipilian! Dalawang araw na akong hindi kumakain!” umiiyak na paliwanag ng dalagita.
Ikinagulat niya ang sinabi ng dalagita. Nakaramdam siya ng awa.
“Dalawang araw? Bakit, anong nangyari?”
“Ulila na po ako. Ako lang po mag-isa sa bahay. Wala naman po akong trabaho dahil katorse pa lang ako,” umiiyak pa ring kwento nito.
Sa awa niya sa dalagita ay pinakain niya ito ng tinapay. Binilhan niya pa ito ng maiinom.
Awang-awa siya sa dalagitang si Kate. Iniisip niya kung paano niya ito matutulungan. Isang ideya ang pumasok sa isip niya.
“Tuturuan kita kung paano gumawa ng tinapay. Madali lang. ‘Pag nagugutom ka, pwede mong gawin ‘to. Ayos ba?”
Tumango naman ito.
“Ayoko nang gagawin mo ulit ang ginawa mo, ha? Sa susunod baka makulong ka na,” babala niya pa.
Kimi naman itong sumagot, halatang nahihiya pa rin. “Opo, hindi na po.”
Matiyaga itong nanood habang gumagawa siya ng tinapay. Hindi niya maiwasang mapangiti dahil kitang-kita sa mukha nito ang pagkamangha.
“Ang galing, ganyan pala gumawa ng tinapay…” tila wala sa loob na komento nito habang minamasdan ang unti-unting pagkaluto ng mga tinapay mula sa pugon.
Ngunit maya-maya ay nabalot ng lungkot ang mukha nito.
“Paano po ako makakaluto, eh wala naman po ako nung mga gamit na mayroon kayo?” tanong nito.
Tinapik niya ang balikat ng dalagita. “Walang problema. Kahit magluto ka gamit ang kahoy, pwede,” aniya bago itinuro rito lahat ng dapat nitong malaman.
Halos magpapalakpak ang dalagita nang maluto ang tinapay. Nang bahagyang lumamig ang mga tinapay ay inilagay niya iyon sa plastik at pinauwi rito.
“Iuwi mo na ‘yan. Hapunan mo,” nakangiting wika niya.
Pinauwi niya rin ito ng mga sangkap na magagamit nito sa pagluluto gaya ng harina, asin, at kung ano-ano pa.
“Kate, kapag naubos na ‘yan, pumunta ka ulit dito. Bibigyan pa kita,” bilin niya pa bago ito pinauwi.
“Maraming salamat po! Ang bait-bait niyo po, Aling Lydia!” tuwang-tuwang bulalas nito bago kakaway-kaway na naglakad palayo.
Inakala niyang babalik pa ang dalagita subalit hindi niya na ito muli pang nakita. Minsan tuloy ay napapatanong siya kung ano na ang nangyari rito.
Maraming taon ang matulin na lumipas at sa paglipas ng panahon ay unti-unti ring napaglipasan ng panahon ang tindahan ni Lydia. Isa-isa na ring nagsulputan ang mga bagong tindahan na higit na maganda at makabago ang mga itinitinda kumpara sa kaniya.
Karamihan tuloy sa mga tinapay na hindi nabibili ay ipinamimigay niya na lamang.
Isang araw, habang nagluluto siya sa kusina ay isang hindi inaasahang bisita ang sumungaw sa pinto.
“Aling Lydia?”
Nang lingunin niya ang pinto ay nakita niya ang isang magandang dalaga. Subalit hindi niya iyon kilala.
“Ako si Lydia, hija. Bakit?”
Isang matamis na ngiti ang sumungaw sa labi nito.
“Ako po ito, si Kate. Naalala niyo po ba ‘yung batang tinuruan niyong magluto ng tinapay?”
Nanlaki ang mata niya. Dali-daling nilapitan ang dalaga at tinitigan ang mukha nito.
“Kate? Ikaw na ba ‘yan? Aba’t ang laki-laki mo na, at ang ganda-ganda mo!” natutuwang puri niya sa dalaga.
Ayon sa kwento nito ay may mag-asawa raw na umapon dito. Sa Maynila na raw ito lumaki, at sa ibang bansa raw ito nag-aral, kaya hindi na ito nakabalik sa tindahan niya.
“Pero alam niyo po ba, dahil sa itinuro niyo ay nakahiligan ko ang paggawa ng tinapay. Ngayon po ay may sarili na akong tindahan ng tinapay at mga cake,” kwento pa nito.
Nanlaki ang mata niya sa narinig.
“Teka, ‘wag mong sabihin na ikaw ang may-ari ng Kate’s Bakeshop?” tukoy niya sa isang sikat na bakeshop na kapangalan nito.
Ngumiti ito at nahihiyang tumango.
Napapalakpak siya sa sobrang tuwa. Masayang-masaya siya na naging matagumpay sa buhay ng dalagitang nakilala niya noon.
Ikinagulat niya ang sunod na sinabi nito.
“Kaya nga po gusto ko kayong tulungan. Kung hindi niyo po mamasamain, tutulungan ko po kayo na muling makabangon ang tindahan niyo, Aling Lydia. Napakalaki po ng utang na loob ko sa inyo,” nakangiting pahayag nito.
Noong una ay naging matigas ang naging pagtanggi niya, sa kadahilanang nahihiya siya sa dalaga.
Ngunit sa huli ay napapayag din siya nito.
Binigyan nito ng bagong ayos ang luma niyang tindahan. Hindi lang iyon, binigyan din siya nito ng mga bagong gamit sa kusina at tinuruan siya nito ng mga natutunan nito mula sa pag-aaral sa ibang bansa.
Dahil sa bagong anyo ng kaniyang tindahan at sa mga bago niyang itinitinda ay muling lumago ang tindahan niya! Labis ang saya ni Lydia.
Sino nga naman ba ang mag-aakala na ang batang tinulungan niya noon ay babalik matapos ang ilang taon para tulungan siya? Tunay nga na bilog ang mundo!