Minamaliit ng Binata ang Kaklaseng Nagtitinda sa Paaralan, Ito pala ang Magiging Amo Niya Paglipas ng Panahon

“Ibang klase ka talaga, Donny! Pati ba naman napkin ng mga babae, may tinitinda ka na rin dito sa paaralan? Baka bukas makalawa, may tinda ka na ring pang proteksyon laban sa pagkabuo ng sanggol, ha?” biro ni Aljon sa kaklaseng nagtitinda ng kung anu-ano sa kanilang paaralan, isang umaga nang mabalitaan niyang mayroon itong bagong produktong itinitinda. 

“Oo ba, bakit hindi? Kung marami naman kayong bibili, magtitinda talaga ako no’n!” masiglang sagot nito habang ngiting-ngiti dahilan para lalong magtawanan ang iba nilang kaklase.

“Ganoon ka na ba kadesperadong kumita ng pera? Kahit pagtawanan at pag-usapan ka, ayos lang sa’yo?” tanong niya rito.

“Oo naman! Hindi mahalaga sa akin kung anong sasabihin niyo, ang mahalaga sa akin, may mapakain ako sa mga kapatid ko,” nakagiting sagot nito na ikinatawa niya.

“Naku, bayani pala itong kaklase natin, eh! Ewan ko na lang kung hindi ka yumaman niyan!” biro niya pa saka ito inakbayan at pasimpleng kumupit ng isang napkin sa bag nito.

“Yayaman talaga ako, Aljon! Sana hanggang mawalan ka ng hininga, mayaman pa rin kayo ng pamilya mo para hindi mo maranasan ‘tong hirap na dinaranas ko ngayon,” seryosong sagot nito nang bahagyang makaramdam ng pagkapikon.

“Hindi talaga ako maghihirap, ayokong magbenta ng napkin katulad mo!” sigaw niya rito saka niya binandera ang paninda nitong napkin na naging rason para labis itong pagtawanan ng iba pang estudyanteng naroon.

Palibhasa nga’y galing sa mayamang pamilya, hindi natatakot na magloko sa paaralan ang binatang si Aljon. Alam niyang kahit anong gawin niya, basta’t babayaran lang ng kaniyang mga magulang ang mga batang napapaiyak niya o mga gurong nakukumsumi niya, hindi na mapaapektuhan ang kaniyang pagkatao at pag-aaral. 

Advertisement

Kaya naman, sobrang lakas ng loob niyang mangbuska ng kapwa niya estudyante at maliit ang ginagawa at kakayahan ng mga ito.

Paborito niyang husgahan at pagtawanan ang kaklase nilang imbis na gamit pang-aral ang dala, mga paninda ang lulan ng bag. Halos wala na kasi itong ginawa kung hindi ang lumibot sa kanilang paaralan tuwing break time para lamang maibenta ang mga paninda nito.

At dahil nga pawis na kakalakad ang binatang iyon, doon na niya ito pauulanan ng mga panunukso para lamang makapagpatawa sa iba nilang kaklase. May pagkakataon pang pinupuslitan niya ito ng paninda makapagpatawa lamang.

Doon niya ipinangako sa sariling kahit kailan, hinding-hindi siya maghihirap sa buhay dahil ayaw niyang pagtawanan din ng iba.

Kaya lang, paglipas ng tatlong taon, kung saan isang taon na lang bago sila makapagtapos ng pag-aaral, bigla namang bumagsak ang negosyo ng kaniyang mga magulang at dahil nga naging maingay ang balitang ito sa kanilang paaralan, labis niya itong ikinahiya at hindi na muling nag-aral.

Wika niya pa sa kaniyang mga magulang, “Saka na ako mag-aaral ulit kapag nabawi niyo na lahat ng nalugi niyong pera!”

Ngunit, halos limang taon na ang muling lumipas, imbis na paangat, lalong bumaba ang takbo ng kanilang negosyo na nagbigay ng labis na depresyon sa kaniyang mga magulang hanggang sa sila’y mabaon sa utang at mawalan ng ari-arian.

Doon na siya nagpasiyang maghanap ng trabaho at dahil nga hindi siya tapos sa pag-aaral, nahirapan siyang makahanap ng magandang trabaho.

Advertisement

Sinubukan niyang lumuwas ng Maynila nang mabalitaan niyang may bagong tayong kumpanya roon ng mga mamahaling bag at sapatos.

At ganoon na lang siya nabuhayan ng loob nang makita niya ang kaklase niyang si Donny na papasok sa naturang kumpanya.

“Hoy, Donny! Dito ka rin mag-aapply ng trabaho? Sabay na tayo!” yaya niya rito.

“Ah, eh, hindi, sa katunayan…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad na niya itong hinusgahan.

“Hulaan ko, rito ka na nagtatrabaho, ‘no? Magkano ang sahod ng mga janitor dito?” tanong niya rito habang tumawa-tawa nang napakalakas.

“Sir, halina na po kayo, marami na pong aplikante ang naghihintay sa taas,” singit ng isang babaeng kakarating lamang dahilan para siya’y magulat.

“Mauna na ako, Aljon, may mga kikilatisin pa akong empleyado,” paalam nito saka siya nginitian dahilan para siya’y labis na mapahiya.

Doon nga niya nakumpirmang ito ang may-ari ng naturang kumpanya. Nang siya na ang iinterbyuhin nito kasama ang ilang empleyadong katuwang nito, ngumiti lang ito at sinabi sa kaniya, “Bibigyan kita ng pagkakataon, ha, pero ayokong mababalitaang may minamaliit ka sa mga empleyado ko. Gusto kitang tulungan kahit na mali ang trato mo sa akin noon dahil alam ko ang pakiramdam nang naghihirap,” na kaniyang ikinaluha’t labis na ikinapasalamat.

Advertisement

Simula noon, tuluyan niyang binago ang sarili at natutong makisama sa ibang empleyado nang walang tinatapakang pagkatao.

Hindi man kasing alwan ng buhay niya noon ang nararanasan niya ngayon, masaya siyang may isang taong nagbigay ng pagkakataon sa kaniyang magbago at magpatuloy sa buhay.