
Sinigaw-sigawan ng Dalaga ang Matandang Pulubing Umaaligid sa Sasakyan ng Amo Niya, Napahiya Siya nang Magpaliwanag Ito
“Hoy, anong ginagawa mo riyan? Bakit ka nakaabang sa sasakyan ng amo ko, ha? May masama kang balak, ‘no? Naku, yari ka na, tatawag na ako ng pulis!” sigaw ni Janet sa isang matandang pulubing nakatayo malapit sa sasakyan ng amo niya, isang araw matapos niyang samahan sa isang pagpupulong ang amo niya.
“Naku, ma’am, wala po akong balak. Sa katunayan nga po niyan, gusto ko lang na…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at agad na itong sinigawan.
“Akala mo ba mapapaniwala mo ako sa mga dahilan mo? Kanina pa kita napapansin na palinga-linga! Tapos may tinitignan ka pa sa loob ng sasakyan na ito!” wika niya pa habang hinahanap sa kaniyang selpon ang numero ng mga pulis.
“Ma’am, nagkakamali po kayo. Hinahanap ko po kasi ang may-ari ng sasakyang ito para po…” muli na naman niya itong pinutol sa pagsasalita upang bungangaan ito.
“Para ano? Para makuha mo na ang mga gamit sa loob nito kapag hindi mo siya nakita? Pasensya ka, nakita ka ng magaling niyang sekretarya kaya ngayon, sa presinto ka na magpaliwanag!” bulyaw niya pa rito, nakuha na nila ang atensyon ng ibang taong dumadaan doon.
“Wala po akong masamang ginagawa, ma’am!” anito, mangiyakngiyak na.
“Wala? Sinungaling ka! Itsura mo pa lang, halata nang hindi ka gagawa ng mabuti!” sambit niya pa saka tuluyan nang tinawagan ang mga pulis na talaga nga namang nagpaiyak sa matandang nagmamakaawa sa harapan niya.
Simula nang makapagtapos ng pag-aaral ang dalagang si Janet, agad na siyang naging sekretarya ng isang mayamang ginang na may-ari ng isang sikat kumpanya ng mga pabango dahil sa galing at talinong mayroon siya.
Sa katunayan, siya ang pinakabatang empleyado ng kumpanya nito at siya pa ang may pinakamataas na sahod kahit na baguhan pa lamang siya. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya labis na magmalaki sa iba.
At dahil nga sekretarya siya ng mimsong may-ari ng kumpanya, nakapupunta pa siya sa iba’t ibang lugar na lalong ikinalalaki ng ulo niya.
Noong araw na ‘yon, habang abala sa pakikipagpulong sa isang restawran ang amo niya, napansin niyang may isang matandang pulubing liligid-ligid sa sasakyang dala nila dahilan para lapitan niya ito at pagsalitaan ang naturang matanda.
Ngunit, bago pa niya makausap ang mga pulis, agad na kinuha ng kaniyang amo ang selpong nakatapat na sa tainga niya.
“Anong problema, Ms. Janet?” mahinahong tanong nito sa kaniya dahilan para ikinuwento niya kung anong nasaksihan niya na agad namang hindi sinang-ayunan ng matandang umiiyak sa harapan nila, “Sige po, magpaliwanag po kayo,” sambit nito sa matandang umiiyak.
“Nakita ko po kasing nakabukas ang bintana ng sasakyan niyo habang nakasuksok pa ang susi ng sasakyan. Nag-aalala po ako na baka manakaw ang sasakyan niyo kaya ko po binantayan. Lumilinga-linga po ako para mahanap ko po kayo. Wala po akong masamang intensyon, mga madam,” kwento nito na ikinagulat niya dahilan para tingnan niya ang sasakyang minaneho niya kanina at totoo ngang nakabukas ang bintana nito at may susi pa na labis niyang ikinakamot ng ulo.
“Ah, eh, pasensya na po, ma’am, hindi ko po pala nadala ang susi at nasarhan ang bintana,” hiyang-hiya niyang wika.
“Huwag ka sa akin humingi ng tawad, kay nanay,” mahinahong sambit nito saka siya agad na humingi ng tawad sa matanda.
Binigyan ng tulong ng kaniyang amo ang naturang matanda bilang pasasalamat habang siya, labis nitong pinagsabihan.
“Ms. Janet, hindi porque ganoon ang itsura ng isang tao, may masama na agad siyang balak. Huwag kang manghuhusga batay sa itsura dahil ang mga taong may mabubuting loob ay karaniwang binabalot ng simple o maruruming damit,” sambit nito saka agad na siyang inutusang magmaneho.
Kitang-kita niya sa mukha ng naturang matanda ang saya nang buksan nito ang sobreng bigay ng amo niya.
“Hindi ba’t ang sarap sa pakiramdam na mapangiti ang mga kagaya nila?” sambit pa ng amo niya habang kinakawayan ang naturang matanda na labis na nagbigay aral sa kaniya.
Sa isip-isip niya, “Kung ang milyonaryang katulad niya, mabait sa kapus-palad, sino ako para manghusga at magdamot sa kanila?”
Kaya naman, simula noon, tuwing siya’y sasahod, kumukurot siya rito upang magbigay ng mga bigas at delata sa mga tao sa kalsada.
Sa ganitong paraan, naramdaman niya ang sayang matagal na niyang hindi makita sa pera at pagyayabang.