
Pinagtatawanan ng mga Katrabaho ang Dalaga dahil Simpleng mga Kustomer ang Inaasikaso Niya, Naroon Din Pala ang Swerte Niya
“Ano, Hannah, wala ka pa ring dagdag sahod ngayong araw, ‘no?” tanong ni Medila sa kaniyang katrabaho, isang tanghali pagkatapos niyang engganyuhin ang isang mayamang ginang.
“Oo nga, eh, wala pa!” kamot-ulong wika ni Hannah habang nakatulala sa mga mamahaling damit na kanilang ibinebenta.
“Paano kasi, hindi ka marunong kumilatis ng mga kustomer! Sabi ko naman sa’yo, kapag mukhang hindi naman bibili at titingin lang ng mga damit, huwag mo nang pansinin at kausapin! Dikitan mo ‘yong mga kustomer na mukhang yayamanin, siguradong may bonus ka katulad ko!” sermon sa kaniya ng katrabaho saka siya bahagyang binatukan.
“Naawa naman kasi ako sa mga simpleng taong pumapasok sa tindahan nating ‘to, walang umiintindi sa kanila. Kapag may tanong sila, walang gustong kumausap sa kanila dahil nga lahat tayo, gustong mapagsilbihan ang mga mayayamang namimili para may dagdag kita,” sagot niya rito saka malalim na huminga, nakita niyang sandamakmak ang mga nakukuhang bonus ng ilan nilang katrabahong may nabentang damit sa mga mayayamang nasa loob ng kanilang tindahan.
“Napakalambot talaga ng puso mo, Hannah, kaya ikaw ang may pinakamababang sahod sa atin, eh. Sige ka, baka kapag pinagpatuloy mo ‘yan, matanggal ka pa sa trabaho!” babala pa nito sa kaniya saka napatingin sa pintuan ng kanilang tindahan, “Ay, saglit, may sosyal na ginang na pumasok!” agad na paalam nito sa kaniya nang makitang mayamang ginang ang pumasok.
Sales lady ng mga mamahaling damit sa Taguig ang dalagang si Hannah. May kalakihan man ang sahod niya rito, kulang pa rin ito para matugunan niya ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya.
Siya kasi ang nagbabayad sa lahat ng bayarin ng kanilang bahay pati gamot ng kaniyang mga magulang at pagkain ng buo nilang pamilya dahilan para tuwing araw ng sahod niya, para lamang dadaan sa kamay niya ang pera at tatangayin na ng hangin.
Pinag-iisipan niyang kumuha pa ng isang trabaho para naman may maipon siya para sa sarili niya ngunit iniisip niya rin na baka hindi kayanin ng katawan niya.
Mayroon pa siyang isang paraan para madagdagan ang kita niya at iyon ang pag-aligid sa mga kustomer nilang mayayaman katulad ng ginagawa ng kaniyang mga katrabaho. Kaya lang kasi, bukod sa palagi siyang nauunahan ng kaniyang mga katrabaho, naaawa pa siya sa mga simpleng taong pumapasok sa kanilang tindahan na walang umiintindi kaya siya na ang nag-aasikaso at sumasagot sa mga tanong nito.
Kaya lang, madalas, umuuwi ang mga ito na walang bitbit na produkto at tanging pasasalamat lamang ang binibigay sa kaniya, ang tanging rason para palagi siyang pagtawanan at kaawaan ng kaniyang mga katrabaho.
Nang araw na ‘yon, pagpasok ng mukhang mayamang ginang na agad nang sinalubong ng katrabaho niya, mayroon ding pumasok na simpleng dalaga.
Nagkatinginan silang dalawa dahilan para agad siya nitong lapitan at magtanong-tanong tungkol sa mga damit na binebenta nila.
Nang mapansin siya ng katrabaho niya, umiiling-iling ito at siya’y patagong tinawanan. Pero dahil nga alam niyang may mabuti ring pupuntahan ang ginagawa niyang ito, ipinagpatuloy niya ang pagtulong sa dalagang iyon. Nilabas niya ang mga damit na babagay dito at matiyaga niya itong hinihintay na magsukat.
Muli siyang pinuntahan ng katrabaho niya habang siya’y naghihintay at binalita nito ang pagkadismaya sa ginang na inasikaso nito na hindi naman bumili. Wika pa nito, “Kung ako sa’yo, iwan mo na ‘yang dalagang ‘yan, hindi rin ‘yan bibili!”
Bago niya pa ito patahimikin, lumabas na sa fitting room ang naturang dalaga. Nakangiti ito at sinabi sa kaniyang, “Ang gaganda ng mga damit na pinasukat mo sa akin! Hindi ako makapili ng pinaka-gusto ko, kaya, bilhin ko na lang siguro lahat ‘to,” saka ibinigay sa kaniya ang hindi baba sa sampung damit na pinasukat niya rito.
“Totoo ba ‘yan, ma’am?” tanong ng kaniyang katrabaho, tumango-tango lang ito saka na siya niyaya sa cashier dahilan para umabot hanggang tainga ang ngiti niya.
Bukod sa dagdag sahod na maibibigay ng pinagtatrababuhan niyang tindahan sa kaniya sa dami ng nabenta niya, inabutan pa siya ng naturang dalaga ng isang sobre.
“Ikaw na ang palagi kong hahanapin rito, ha? Ang ganda mong pumili ng damit! Ikaw na ang magdamit sa akin simula ngayon, ha?” sambit pa nito saka tuluyan nang umalis.
Agad niyang binuksan ang bigay nitong sobre at halos mapaluhod siya sa laki ng halagang nasa tsekeng bigay nito.
Nakita niya ang pangalan nito at doon niya napagtantong ito pala ang anak ng may-ari ng pinagtatrababuhan nilang damitan.
“Kapag sinuswerte ka nga naman!” sigaw niya na labis na ikinainggit ng kaniyang mga katrabaho, lalo na ni Medila.
Simula noon, lalo niyang ginustong pagsilbihan ang mga simpleng tao dahil alam niya, hindi madamot ang Diyos sa mga taong may mabuting intensyon at puso sa kapwa.
Napadalas ang pagpunta ng dalagang iyon sa kaniya dahilan para patuloy siyang makaipon at lalong matugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya.