
Hangang-hanga ang Dalagang Ito sa Idolong Tumutulong sa Mahihirap, May mga Tao Palang mas Mabait Dito
“Grabe talaga ang bait ng idolo kong artista, ano? Mantakin mo, kahit mga hindi niya kakilalang tao, tinutulungan niya!” buong pusong pagmamalaki ni Amelie sa kaniyang idolo, isang hapon matapos niyang mapanuod ang isang balita tungkol dito sa social media.
“Natural lang iyon sa mga artista kapag may nakatutok na kamera! Mas mababait pa rin ang mga kapus-palad na bukal sa puso ang pagbibigay sa iba,” sabat ng pinsan niyang inis na inis sa iniidolo niya dahilan para irapan niya ito.
“Mahirap nga sila, eh, paano pa sila magbibigay? Wala na nga silang makain, magbibigay pa sila. Minsan talaga, sa sobrang lawak ng imahinasyon mo, kung anu-anong pangyayari ang iniisip mo!” inis niya ring sagot dito saka ito tinaasan ng kilay.
“Hoy, kitang-kita ko kung paano magtulungan ang mga mahihirap! Kahit walang nakatutok na kamera sa kanila, nagbibigay talaga sila! Hindi katulad ng idolo mo na puro papogi lang!” wika pa nito na lalong ikinapag-init ng ulo niya.
“Huwag mo ngang siraan ang minamahal ko! Hindi ako maniniwala sa sinasabi mo hangga’t ‘di ko ‘yan nararanasan!” bulyaw niya pa rito saka padabog na umupo sa silya.
“Ah, ganoon? O, sige! Halika, aayusan kita!” yaya nito saka siya hinila papasok sa kaniyang silid.
Hangang-hanga ang dalagang si Amelie sa iniidolo niyang artista. Bukod kasi sa napakagwapong mukha at mala-machete nitong katawan, tumutulong din ito sa mga nangangailangan na palaging binabalita sa telebisyon.
Ito ang dahilan para palagi niya itong bukambibig kahit saan man siya magpunta. Walang pagkakataon na hindi niya ito pinagmamalaki sa kaniyang mga kaanak at kaklase na talaga nga namang mga naririndi na sa kaniya.
Kahit sabihin man ng kaniyang pinsan na pawang mga pangpapanggap lang ang mga binabalitang ito upang pabanguhin ang pangalan ng naturang artista, hindi pa rin siya naniniwala. Lalo na sa sinasabi nitong mas bukas-palad daw ang mga mahihirap.
Palagi niyang giit, “Mahirap nga sila, eh, paano sila tutulong sa kapwa nila mahihirap?”
Nang araw na ‘yon, sa gigil ng kaniyang pinsan na siya’y maniwala sa sinasabi nito, binihisan siya nitong parang isang pulubi. Sinira-sira nito ang damit niya, nilagyan siya ng uling sa mukha at ginulo-gulo ang buhok niya.
“Ngayon, maglakad-lakad ka sa palengke. Humanap ka ng mga pulubi o hindi kaya, mga nagbebenta roon ng mga gulay o kahit ano pa at manghingi ka sa kanila,” utos nito sa kaniya.
“Imposibleng bigyan nila ako!” sigaw niya.
“Subukan mo nga!” bulyaw nito saka agad siyang tinulak palabas ng kanilang bahay.
Kahit na nakakaramdam siya ng kahihiyan, tinuloy niya ito upang mapatunayan ang kahibangan ng kaniyang pinsan. Una siyang nanghingi ng kamatis sa isang ginang, katulad ng inaasahan siya, hindi siya nito binigyan dahilan para mapangiti siya sa pinsan niyang sumusunod sa kaniya.
Pangalawa niyang nilapitan ang matandang nag-aayos ng mga mansanas. Daing niya rito, “Nanay, pupwede ba akong makahingi ng mansanas?”
“Ay, oo naman, ineng! Saglit, ipagbabalot kita. Sobrang matamis ito!” magiliw na sagot nito saka agad na kumuha ng isang plastik ang nagsimulang magsilid ng mansanas.
“Bibigyan niyo po ako? May benta na po ba kayo?” pang-uusisa niya rito.
“Naku, wala pa nga, eh. Ikaw ang buena mano ko!” nakangiti nitong sambit.
“Kaso wala po akong pangbayad, nanay!” sagot niya rito, bahagya na siyang nakararamdam ng paghanga sa naturang ginang.
“Ayos lang! Ang mahalaga sa akin, may ipang-laman tiyan ka, mahirap na magutom, ‘no! Ranas na ranas ko ‘yan! Gusto mo ba ng ice tubig? Halika, ibibili kita roon sa tapat na tindahan!” wika pa nito na naging rason upang tumulo na ang luha niya.
“Naku, hindi na po!” wika niya habang todo tago siya sa luhang pumapatak na.
“Huwag kang umiyak! Mahirap man ang buhay, lalaban tayo!” sambit pa nito na lalo niyang ikinaiyak.
Doon na niya sinabi sa naturang matanda ang totoong intensyon niya bakit siya nanghihingi. Napangiti lang ito at sinabing, “Totoong mas mapagbigay ang mga mahihirap na katulad namin, dahil alam namin ang pakiramdam nang mawalan, ineng,” saka nito giniit na kuhanin na niya ang bigay nitong mansanas.
Umuwi siyang sobrang taba ng puso. Hindi siya makapaniwala sa naranasan niya ngayon na labis na ikinatuwa ng pinsan niya.
Pagkauwi niya, agad siyang nagbukas ng social media upang ibahagi ang naranasan niya. Ngunit pagkabukas niya, isang balita tungkol sa iniidolo niya ang bumungad sa kaniya.
May sinigawan daw itong matanda nang minsan manghingi ng limos. May bidyo pang katunayan dahilan para labis siyang madismaya rito.
“Tama ka nga, hindi lahat ng artista, mabait kapag wala nang kamera,” inis niyang sambit saka niya itinuloy ang pagbida sa matandang tumulong sa kaniya.
Maraming naantig sa kwento niya dahilan para dumugin ang matanda ng tulong mula sa iba’t ibang mga tao. Labis itong nagpasalamat sa kaniya at sa pinsan niyang ugat ng lahat ng ito.
Simula noon, hindi na siya agad-agad nagpapaniwala sa sinasabi ng media lalo na kapag tungkol sa mga artistang alam niyang may ibang ugali kapag wala na ang kamera. Bagaman marami pa ring mga sikat na personalidad sa telebisyon ang bukal sa loob kung tumulong sa mahihirap, mas iniidolo niya na ngayon ang mga kapus-palad na palaging handang tumulong sa kapwa.