
Nang Yumao ang Kaniyang Kaibigan ay Agad na Inahas ng Dalaga ang Asawa Nito, Malutong na Sampal ang Inabot Niya sa Kaniyang Ina
“Sis, nakikiramay ako sa pagkawala ng matalik mong kaibigan, ha? Sayang, ‘no, kakakasal lang nila ng asawa niya, hindi man lang niya nasulit ang mga araw na kasama niya ang taong minamahal niya,” malungkot na sambit ni Kila, isang umaga nang pumutok ang balitang pagkawala ng matalik nitong kaibigan na katrabaho nila sa kanilang opisina.
“Bakit ka nakikiramay sa akin? Hindi naman ako nagluluksa! Bukod pa roon, bakit ka manghihinayang? Dapat lang sa kaniya ‘yon!” tugon ni Mindy habang patawa-tawa pa.
“Hoy, anong ibig mong sabihin d’yan? Umiiral na naman ang pagkadem*nya mo, ha!” sigaw nito sa kaniya dahilan para siya’y mapangisi.
“Inagaw niya lang naman sa akin ang binatang iyon, kaya siguro hindi siya binigyan ng pagkakataong makasama ‘yon nang matagal!” wika niya pa habang iiling-iling.
“Teka, naguguluhan ako! Akala ko ba, ayos na sa’yo ‘yon? Dumalo ka pa nga sa kasal nila, hindi ba?” pang-uusisa nito.
“Siyempre, pakitang tao lang ‘yon! Alam kong darating ang panahon na mapapasakamay ko nang tuluyan ang binatang iyon at tingnan mo ngayon, makukuha ko na siyang muli,” kumpiyansado niya pang tugon habang winawagayway ang kaniyang mahabang buhok.
“Diyos ko! Umayos ka nga! Hindi ka desperada, Windy!” inis na sambit nito sa kaniya saka siya bahagyang sinabunutan.
Imbis na magluksa, nagdiwang pa ang dalagang si Windy nang malaman niyang tuluyan nang sumakabilang buhay ang kaniyang kababata dahil sa sakit sa dibdib.
Nagsimulang manabang ang relasyon niya sa kaibigan niyang ito nang bigla niya na lang nalamang nobyo na nito ang binatang pinapantasya niya noon pa mang sila ay nasa hayskul.
Labis siyang nagalit dito simula nang araw na ‘yon, ngunit dahil malakas ang pakiramdam niyang mapapasakamay niya ang binatang nobyo nito balang araw, tiniis niya ang mga masasakit na pagkakataong nakikita niya kung paano maglambingan ang dalawang ito, makita niya lamang at magawang makausap ang binatang iyon.
Sa katunayan, siya pa ang bride’s maid sa kasal ng dalawa. Kahit na tutol siya rito hindi niya magawang awatin ang kasal na ito dahil nandoon din ang kaniyang mga magulang na tuwang-tuwa rin sa dalagang ito, pasimple niya na lamang na sinusumpang balang araw, maghihiwalay rin ang dalawang ito.
Kaya naman, nang malaman na niyang wala na nga ang kaibigan, nang araw ding ‘yon pagkatapos ng kaniyang trabaho, agad niyang pinuntahan ang pinapangarap niyang lalaki sa bahay ng mga ito.
Naabutan niya itong nagbabalot ng mga pagkaing dadalhin sa lugar kung saan nakaburol ang kaniyang kaibigan.
“O, Windy, bakit ka nandito? Nasa kapilya ang labi ng asawa ko,” mahinang wika nito.
“Ikaw ang sinadya ko, ayos ka lang ba? Kumusta ka?” tanong niya rito dahilan para magsimula na itong umiyak at doon na niya nga sinamantala ang pagkakataon.
Niyakap niya nang mahigpit ang lalaking ito at habang umiiyak ito, iniangat niya ang mukha nito at sinabing, “Nandito pa ako,” saka niya ito hinalikan nang sapilitan.
Ginawa niya ang lahat upang gumanti ito ng halik at tila nagtagumpay nga siya nang unti-unti na siya nitong tanggalan ng damit hanggang sa mangyari na ang nais niyang mangyari sa pagitan nilang dalawa.
Pagkatapos ng pangyayaring iyon, agad na silang nagpunta sa burol ng kaniyang kababata at isang malakas na sampal mula sa kaniyang ina ang natanggap niya.
“Ba-bakit po, mama?” nagtataka niyang tanong.
“Kitang-kita ng kumare ko kung anong ginawa mo sa asawa ng kaibigan mo! Nakakonekta sa selpon niya ang CCTV ng bahay na iyon! Nakakahiya ka! Hindi mo muna hinayaang magluksa ang pamilya niya!” sigaw nito dahilan para labis siyang mapahiya sa mga taong naroon kabilang na ang ilan niyang katrabaho.
Nakita niya ring tungong-tungo ang naturang lalaki habang pinagagalitan ng mga magulang ng kaibigan niya na labis niyang ikinakonsensya.
Sa sobrang galit ng kaniyang ina, agad siya nitong hinila palabas at isinakay sa kanilang sasakyan. Pagkauwi nila ng bahay, agad nitong itinapon palabas ang kaniyang mga gamit at siya’y pinapalayas.
“Ayokong makita ang pagmumukha ng isang katulad mo sa bahay ko! Wala kang konsensya, nakakahiya ka, Windy!” sigaw pa nito habang awat-awat ito ng kaniyang ama.
Sobra-sobrang pagsisisi ang naramdaman niya nang mga oras na ‘yon. Ni walang kakilala ang nais kumupkop o tumulong sa kaniya dahil sa ginawa niyang kababuyan.
“Bakit kasi gustong-gusto ko ang lalaking iyon? Pati pagkawala ng kaibigan ko, hindi ko nirespeto!” iyak niya habang siya’y nakatulala sa loob ng panuluyang inupahan niya, sising-sisi sa nagawa niya.