
Hindi Akalain ng Dalaga na Makikilala Niya ang ‘Crush ng Bayan’ sa Hindi Inaasahang Pagkakataon; Ito na Kaya ang Simula ng Kanilang Relasyon?
“Oh my gosh friend, hayan na yung pinakaguwapo nating schoolmate… napakakinis niya talaga! Ano kayang skin care niya? Para siyang Korean star sa pinanonood kong Korean drama! Kinikilig ako, friend!”
Natigil naman si Rhea sa kaniyang ginagawang pagbabasa bilang pagbabalik-aral sa kanilang mahabang pagsusulit sa isa nilang asignatura. Sinulyapan ang lalaking tinutukoy ng kaniyang kaibigan. Si Jabee, ang maituturing na ‘crush ng bayan’ sa kanilang campus. Napakaguwapo, matalino, matangkad, pero suplado. Masyadong introvert at parang ilag sa mga tao. Dumiretso ito sa isang tagong couch sa silid-aklatan at tahimik na nagbasa ng aklat.
Kapansin-pansin ang taglay na kaguwapuhan nito, palibhasa, patok na patok ang panonood ngayon ng mga Korean drama. Sa totoo lang, nakararamdam din ng atraksyon si Rhea para sa binatang ito, subalit hindi na lamang niya pinapansin dahil mas nakatuon ang kaniyang pansin sa kaniyang pag-aaral. Isa pa, pakiramdam naman niya ay hindi siya mapapansin nito.
Isa pa, nabalitaan daw niya na hindi raw ito marunong magbasketball, kaya nagkaroon siya ng konklusyon sa kaniyang sarili na hindi babae ang hanap nito. Hindi niya alam, subalit ganoon talaga ang pakiramdam niya sa mga lalaking hindi marunong maglaro ng basketball.
“Hay naku Lot, tigilan mo na iyan. Hindi ka type niyan, at hindi babae ang hanap niyan,” pambabara na lamang ni Rhea sa kaniyang kaibigan.
“Grabe ka naman kay Baby Boy! Paano mo naman nasabi na hindi babae ang hanap niya? Masyado ka namang mapanghusga,” sansala naman ni Lotlot.
“Nabalitaan ko lang, hindi raw ‘yan marunong mag-basketball,” tipid na tugon ni Rhea habang ipinagpapatuloy ang kaniyang pagbabasa.
“Grabe ka naman, friend! Porke’t hindi lang marunong maglaro ng basketball, hindi na straight? Nakapamapanghusga mo talaga!” naiinis na saway niu Lotlot sa kaniyang kaibigan.
“Eh sa iyon ang basa ko sa kaniya eh. Tingnan mo naman ang mukha niya, daig pa ang babae sa pagiging banidoso. Ilang patong kaya ng foundation ang inilagay niya sa mukha niya. Talo pa ang babae sa paglalagay ng whitening cream. Hindi gan’yang lalaki ang mga gusto ko,” giit pa ni Rhea.
“Hay naku friend, baka mamaya niyan siya pa ang mapangasawa mo. Huwag kang gan’yan, ikaw rin…”
Tila nagkatotoo nga ang sinabi ni Lotlot. Hindi niya akalaing magtatagpo ang kanilang landas ni Jabee sa hindi inaasahang pagkakataon at panahon.
Hindi na namalayan ni Rhea na umabot na pala siya ng oras sa paggamit ng silid-aklatan sa kanilang pamantasan, kung hindi pa siya sinita ng librarian ay hindi pa siya lalabas.
Nagkataon namang tinatawag na pala siya ng kalikasan. Duming-dumi na siya. Hindi na niya kakayaning magpigil. Kailangan na niyang ilabas ang sama ng loob. Kaya lang, wala na siyang makitang bukas na palikuran ng mga babae.
“Paano kaya ito? Hindi ko na kaya,” nag-aalalang sabi ni Rhea. Kung pupunta naman at maglalakad pa siya sa mall na malapit lamang doon, baka hindi na niya kayanin.
Isang palikuran na lamang ang hindi niya malaman kung bakit bukas pa, ang palikuran ng mga lalaki. Luminga-linga siya sa paligid. Wala naman na sigurong pupunta roon. Nag-aalangan siyang pumasok at baka may gagamit pa, subalit hindi na niya kayang pigilan.
Papasok na sana siya sa loob subalit naudlot dahil sa pagpasok ng pamilyar na lalaki, walang iba kundi si Jabee… mukhang gagamit ito ng palikuran, subalit napahinto rin ito nang makita siyang papasok sa palikuran.
“Miss, panlalaki itong CR na ‘to,” saad nito.
Tila nais lumubog sa kaniyang kinatatayuan si Rhea. Sana’y lamunin na lamang siya ng lupa. Sa dinami-rami naman ng araw na makakaengkuwentro niya ang crush niya, bakit sa ganito pang sitwasyon? Ngunit duming-dumi na talaga siya, hindi na niya kaya.
“O-Oo, puwede ba akong makigamit kasi…”
At hindi na natapos ni Rhea ang kaniyang sasabihin. Isang malakas na tunog ang pumailanlang. Natahimik siya. Natahimik din si Jabee.
“S-Sige miss, gumamit ka na, ako nang bahalang magbantay rito sa labas para maabisuhan ko kung may gagamit mang lalaki,” saad ni Jabee.
Nang marinig ito ni Rhea, agad na siyang pumasok sa isa sa mga cubicle, ibinaba ang kaniyang pang-ibabang uniporme, at pagkaupong-pagkaupo niya ay pinakawalan na niya ang kaniyang sama ng loob. Dinig na dinig ang pagbulwak nito dahil siya lamang ang nasa loob. Wala na siyang pakialam kung ano ang iisipin ni Jabee sa kaniya, mas grabe pa nga ang nangyaring nautot siya nang malakas sa harapan nito!
Maya-maya, pakiramdam ni Rhea ay nailabas na niya ang sama ng loob. Kaya lang, napagtanto niyang may problema siya, dahil hindi siya nakapagdala ng tabong may tubig sa loob! Paano siya makakapaghugas? Hindi siya sanay sa tissue paper o wet wipes.
Naalala niya, nasa labas pala si jabee. Kakapalan na niya ang mukha niya.
“Mister… p-puwede ba akong humingi ng pabor sa iyo? W-Wala kasing… tabo rito…”
Maya-maya, naramdaman ni Rhea ang pagpasok nito sa loob ng palikuran, tila kumuha ito ng tabo at nilagyan ng tubig. Inilapag ni Jabee ang tabong may lamang tubig sa pinto ng cubicle.
“Miss, heto na yung tabo, may laman na rin ‘yang tubig,” saad ni Jabee. Agad itong kinuha ni Rhea at naghugas na siya.
Lumabas siya ng cubicle na hiyang-hiya kay Jabee. Hindi siya makatingin nang diretso sa mukha nito.
“S-Salamat, Mister… maraming salamat talaga, una na ako…” hiyang-hiyang pasasalamat ni Rhea sabay alis na. Habang nasa biyahe, hindi pa rin niya maalis sa isipan ang mga nangyari. Pakiramdam niya, hindi pa siya nakapagpasalamat nang maayos kay Jabee.
Kaya naman sa pag-uwi niya, naglakas-loob siyang magpadala ng mensahe ng pasasalamat kay Jabee sa peysbuk nito. Makalipas ang dalawang minuto, tumugon na ito, at doon na nagsimula ang kanilang mga pag-uusap araw-araw.
Nagkapalagayang-loob sila, hanggang sa nagkikita at nag-uusap na rin sa pamantasan. Niligawan ni Jabee si Rhea hanggang sa sinagot niya ito. Hindi na ininda ni Rhea ang anumang sasabihin ng ibang tao tungkol sa kaniya. Ang mahalaga, mahal nila ang isa’t isa. Tumagal ang kanilang relasyon hanggang sa sila ay makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho at makapag-ipon.
Inamin ni Rhea ang nabuong paghuhusga niya kay Jabee noong hindi pa sila magkakilala.
“Hindi ako beki. At patutunayan ko sa iyo ‘yan ngayong gabi,” saad ni Jabee, ang kaniyang mister, pagkauwi nila sa kanilang bahay, kung saan sila magsasama bilang mag-asawa.
Makalipas ang ilang buwan, nagbunga na ang kanilang pagsasama. Masayang-masaya si Rhea dahil nakatadhana pala sa kaniya ang lalaking sinisipat-sipat lamang niya noon, at nakilala niya sa hindi inaasahan at nakatatawang pagkakataon.