Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Dalagita ang Trabaho ng Kaniyang Tatay Bilang Tagalinis ng Poso Negro; Mababago Pa Kaya ang Mababang Pagtingin Niya Rito?

Ikinahihiya ng Dalagita ang Trabaho ng Kaniyang Tatay Bilang Tagalinis ng Poso Negro; Mababago Pa Kaya ang Mababang Pagtingin Niya Rito?

“Anong trabaho ng mga magulang mo?”

Hindi napaghandaan ni Mica ang tanong ng kaniyang gurong tagapayo. Pasukan na naman. Gaya ng tradisyunal na gawain sa tuwing araw ng pasukan, isa-isang magpapakilala ang mga mag-aaral sa harapan ng klase, kahit ang totoo niyan, ilang taon na silang magkakakilala. Alam na nila ang likaw ng bituka ng isa’t isa.

Ngunit hindi masyadong nagbubukas ng kaniyang sarili si Mica sa kaniyang mga kaklase. Ikinahihiya niya ang kanilang maliit, magulo, at tagpi-tagping bahay. Ikinahihiya niya ang trabaho ng kaniyang tatay.

“K-Kuwan po… ang nanay ko po ay nasa bahay lang po, nag-aalaga sa mga kapatid ko. Ang tatay ko po, negosyante po.”

Kitang-kita ni Mica na nagkatinginan ang kaniyang mga kaklaseng maldita. May itatanong pa sana ang kaniyang guro ngunit tumunog na ang bell, hudyat na recess na. Nakahinga nang maluwag si Mica.

Maya-maya, nilapitan siya ng mga kaklaseng maldita na pinangungunahan ni Stephanie.

“Negosyante raw… sinungaling! Alam namin kung anong tunay na trabaho ng tatay mo. Wala namang kaso sa amin, pero ang magsinungaling ka sa harapan namin? Huwag kami!” parunggit ni Stephanie. Umalis na ito sa loob ng silid-aralan upang magtungo sa kantina ng paaralan.

Napaupo na lamang si Mica. Nagngingitngit na naman ang kaniyang kalooban. Hanggang ngayon, araw pa rin siyang isama ni Stephanie sa grupo nito, palibhasa raw ay hindi naman talaga siya tunay na ‘sosyal’ kahit na palaayos at mapostura si Mica. Kung titingnan si Mica, hindi mo aakalaing nakatira siya sa isang maliit at tagpi-tagping bahay, at ang tunay na trabaho ng kaniyang tatay ay tagalinis ng poso negro.

Naiinis siya sa trabaho ng kaniyang tatay. Naiinis siya sa hitsura ng kanilang bahay. Naiinis siya sa kanilang sitwasyon. Kaya naman, malamig ang pakikitungo niya sa kaniyang mga magulang. Tingin niya sa kanila, natapos na ang kanilang pangarap sa buhay, at ayaw nang mangarap nang mataas. Hanggang dito na lang ang kanilang sitwasyon.

Lalo siyang naiirita kapag nakikita niya ang kaniyang tatay. Marungis kasi itong tingnan. Pakiramdam niya, ang baho-baho nito. Hindi niya alam kung bakit sa dinami-rami ng mga trabaho, tagalinis pa ng poso negro ang pinili nitong gawin.

Sumusuot ang kaniyang tatay sa mismong poso negro. Nasisinghot lahat ng baho mula sa inilabas sa loob ng katawan ng tao, magmula sa ihi at dumi. Hindi niya alam kung paano nito nakakayanan ang gayong gawain. Patibayan na lamang ng sikmura, marahil.

Sa uwian, habang naglalakad si Mica pauwi, ay tila nakita siya ni Mang Lucas, ang kaniyang tatay. Kasama nito ang mga kasamahang tagalinis at taga-ayos ng poso negro. Mukhang may sinerbisyuhan sila na malapit sa paaralan. Tinawag nito si Mica.

“Mica, anak! Anak!”

Subalit nagkunwari si Mica na hindi niya naririnig at napapansin ang pagtawag sa kaniya nito. Ipinasak pa niya sa kaniyang mga tenga ang earphones upang kunwari ay nakikinig siya sa musika mula sa kaniyang cellphone, kahit ang totoo, kanina pa ito walang baterya.

Tuloy-tuloy siyang umuwi sa bahay. Naabutan niya ang kaniyang nanay na pinadedede ang kaniyang bunsong kapatid na sanggol.

“Oh Mica, dumating ka na pala. Kumain ka na. Binilhan tayo ng pansit ng Tatay mo. Saka nariyan na yung bagong sapatos na gusto mo sanang bilhin. Ginawan niya nang paraan.”

May kung anong kurot sa puso na naramdaman si Mica nang makita ang bagong sapatos na binili sa kaniya ni Mang Lucas. Sinabi niya ito sa kaniyang nanay, subalit heto na, ginawan nang paraan ng kaniyang tatay dahil alam nitong gagamitin niya sa paaralan.

“Alam mo ba ang tatay mo, nahilo raw noong isang araw dahil sa paglilinis ng poso negro. Ingatan mong mabuti iyan Mica. Hindi biro ang sinusuong na panganib ng tatay mo para mabilhan ka lang ng mga gamit sa paaralan at para makakain tayo sa araw-araw,” dagdag pa ng kaniyang nanay.

Nakonsensya naman si Mica nang marinig niya ang kuwento ng kaniyang nanay. Sa kabilang banda, kahit na kinaiinisan niya ang trabaho ng kaniyang tatay, sa hitsura ng kanilang bahay, sa kanilang sitwasyon, hindi niya maitatangging mahal na mahal niya ang mga ito.

Mahal na mahal din siya ni Mang Lucas.

Kung mahal mo, hindi mo dapat ikahiya.

Pagbalik ng kaniyang tatay sa kanilang bahay, may nakahaing adobong manok sa kanilang hapag-kainan. Niluto ito mismo ni Mica. Alam niyang paborito ng kaniyang tatay ang adobong manok. Hindi man siya masalita sa kung paano niya ipinakikita ang pagpapahalaga at pagmamahal dito, alam ng Diyos kung gaano niya kamahal ang tatay niyang tagalinis ng poso negro.

“Naku salamat anak… paborito ko ito,” nakangiting pasasalamat ni Mang Lucas. Naupo na ito sa hapag-kainan at sinimulang kainin ang niluto ng anak. Masayang-masaya naman si Mica habang pinapanood ang kaniyang tatay.

Kaya naman kinabukasan, sa pagpapatuloy ng kanilang pagpapakilala sa harapan ng klase kung saan hindi niya natapos ang sasabihin, buong pagmamalaki niyang inamin sa lahat ang tunay na trabaho ni Mang Lucas. Sa palagay niya, walang masama sa trabaho nito; ang masama, kung paano niya tinatanaw ito. Ipinagmamalaki niya ang kaniyang tatay!

Advertisement