Inday TrendingInday Trending
May Kondisyong Ibinigay ang Nililigawan Niyang Dalaga Para Makuha Niya ang Matamis na Oo Nito; Laking Gulat Niya nang Marinig Iyon

May Kondisyong Ibinigay ang Nililigawan Niyang Dalaga Para Makuha Niya ang Matamis na Oo Nito; Laking Gulat Niya nang Marinig Iyon

Hindi makapaniwala ang binatang si Harold sa kondisyong ibinigay sa kaniya ni Chelsea na mahigit apat na buwan na niyang nililigawan.

“Kung sasagutin kita, handa ka bang maging kasintahan mo rin ang kambal kong si Cassie?”

Napamaang si Harold sa rebelasyon ni Chelsea. Hindi niya alam na may kambal pala ito. Kaaamin lamang nito sa kaniya, at habang tinitingnan ni Harold sa cellphone nito ang larawan nila, magkamukhang-magkamukha nga sila. Identical twins. Inayos-ayos pa niya ang kaniyang salamin sa mata upang matiyak na hindi siya dinadaya ng kaniyang malabong paningin.

“May pangako kami sa isa’t isa ni Cassie. Package deal. Kaya sabi namin sa isa’t isa, hindi kami mag-aasawa. Kung magkakaroon man kami ng nobyo, kailangang dalawa kami ang magiging kasintahan. Weird, hindi ba? Pero ganyan kami ni Cassie. Mahilig kami sa mga kakaibang bagay. Kaya nasa iyo ang desisyon. Kapag pumayag ka sa set up, sasagutin nakita. Magiging kasintahan mo na kami.”

“K-Kung sakaling pumayag ako, ano-ano naman ang mga kondisyon?” tanong ni Harold.

“Puwede mo kaming pagsabaying isama. O kaya naman ay may araw na puwede mo kaming makasama nang magkahiwalay. Naikuwento na kita sa kaniya, at masasabi kong gusto ka rin niya. Kaya lang, hindi siya nakakalabas ng bahay. Ako lang ang may kakayahang makalabas ng bahay at maging normal ang pamumuhay,” saad ni Chelsea.

At nagpatuloy pa si Chelsea.

“Kailangan, pareho kaming bibigyan ng mga bagay na nais mong gawin sa amin. Kung anong mayroon ako, dapat mayroon din siya. Twin package deal ito.”

Dahil nahiwagahan si Harold sa alok na ito ni Chelsea at tila bago sa kaniyang pandinig, pumayag siya. Isang mariing halik sa labi ang iginawad ni Chelsea kay Harold, palatandaang sinasagot na niya ang binata. Kasabay rin nito, isinama na niya si Harold sa kanilang bahay upang ipakilala ang kaniyang kambal na si Cassie.

Malaki ang bahay nina Chelsea. Ayon sa kuwento ni Chelsea, nasa ibang bansa raw ang kanilang mga magulang. Silang kambal lamang daw ang nasa bahay na iyon.

Halos malula si Harold sa magagarang kagamitan sa loob ng bahay. Karamihan sa mga muwebles ay mahahalatang antigo at galing pa sa ibang bansa.

“Cassie, dito na kami.”

At lumabas na nga si Cassie. Kamukhang-kamukha ni Chelsea. Ngunit nanlaki ang mga mata ni Harold nang makita ang ibabang bahagi ng katawan nito. Kakaiba ang mga paa nito, parang pinagdikit ang dalawang hita at binti nito ngunit dalawa naman ang mga paa. Bukod dito, kitang-kita ang kalungkutan sa mga mata nito. Kaibang-kaiba kay Chelsea na masiyahin.

“Iyan ang kondisyon ni Cassie. Sabi ng mga matatanda, dahi daw iyan sa paglilihi ni Mommy sa isda noong pinagbubuntis niya kami. Sabi ng mga doktor, hindi na raw mapaghihiwalay ang mga hita at binti niya dahil iisa lamang ang buto. Kaya hindi siya nakalalabas ng bahay dahil sa kondisyon niyang iyan,” paliwanag ni Chelsea.

“Hello Harold, ako nga pala si Cassie…” nakangiting pagpapakilala ni Cassie kay Harold. Magkaboses din sila ni Chelsea. Kinamayan naman niya si Cassie.

At doon na nagsimula ang kanilang kakaibang relasyon. Kung ano ang ibinibigay ni Harold kay Chelsea, gayundin ang ibinibigay niya kay Cassie. Kung ano ang mga ginagawa ni Harold para kay Chelsea, gayundin ang ginagawa niya kay Cassie.

Ngunit dumating sa puntong nagkakaselosan na rin sina Chelsea at Cassie. Sila na mismo ang tila naalibadbaran sa kanilang set-up. Si Chelsea ang unang sumuko gayong siya naman ang nagsabi nito kay Harold. Hanggang isang, dumating na sa puntong pinapili niya si Harold kung sino ang pipiliin niya sa kanilang dalawang magkapatid. Mahal na mahal na rin ni Cassie si Harold.

“Mamili ka sa aming dalawa, Harold. Ako o si Cassie? Tandaan mo, ako ang una mong nakilala. Ako naman talaga ang niligawan mo,” sabi ni Chelsea.

“Harold, alam mong sa aming dalawa ni Chelsea, ako ang tahimik at mas mabait. Samantalang siya, mabunganga at selosa. Mahal na mahal kita,” pagtatanggol naman ni Cassie sa kaniyang sarili.

“Ngayon, mamili ka na sa aming dalawa, Harold. Sino ang pipiliin mo sa aming dalawa?”

At ibinigay ni Harold ang kaniyang desisyon.

“Wala akong pipiliin sa inyong dalawa. Pareho ko kayong mahal. Pero hindi maaatim ng konsensya ko na magkakasiraan kayong dalawa bilang magkapatid, bilang kambal, nang dahil sa akin. Magiging komplikado ang lahat kung isa sa inyo ang pipiliin ko,” sagot ni Harold.

“Nagsisisi akong pumayag ako sa ganitong kakaibang set up. Akala ko noong una, laro-laro lang. Pero hindi eh. Hindi ko kayang magmahal ng dalawa, magkapatid pa. Patawarin ninyo ako kung pumayag ako sa ganitong sitwasyon, hindi ko sinasadya. Kaya habang hindi pa malaki ang nagagawa nitong lamat sa relasyon ninyong magkapatid, itigil na natin ito.”

Walang nagawa sin Chelsea at Cassie nang pareho silang iwanan ni harold. Minabuti niyang mangibang-bansa na lamang upang wala nang dahilan si Chelsea upang guluhin pa siya.

Samantala, nagkaayos naman sina Chelsea at Cassie. Napagtanto nilang dalawa na mali ang kanilang ginawa. Nagawa lamang naman nila iyon dahil natakot si Chelsea na kung mag-aasawa siya, sino na ang titingin at mag-aalaga kay Cassie? Paano ito makakakilala ng taong mamahalin nito at makakasama habambuhay?

Minabuti na lamang ni Chelsea na pagtuunan na lamang ng pansin ang pag-aalaga kay Cassie. Panalangin na lamang niya na may lalaking magmamahal dito nang tapat sa kabila ng kalagayan nito. Sa ngayon, siya muna ang titingin at mag-aalaga sa kaniyang kapatid. Kung talagang ukol, bubukol.

Advertisement