Inday TrendingInday Trending
Natanggal sa Trabaho ang Binatang Breadwinner ng Kaniyang Pamilya; Ano Kayang Diskarte ang Gagawin Niya Upang Maipagpatuloy ang Pang-araw-araw na Pamumuhay?

Natanggal sa Trabaho ang Binatang Breadwinner ng Kaniyang Pamilya; Ano Kayang Diskarte ang Gagawin Niya Upang Maipagpatuloy ang Pang-araw-araw na Pamumuhay?

Isang masipag na empleyado ng isang hotel si Charles. Sinisikap niyang maging mahusay sa kaniyang ginagawa dahil ayaw niyang biguin ang kaniyang pamilya. Alam niya ang hirap na kaniyang pinagdaanan upang makapagtapos lamang ng pag-aaral sa kolehiyo: karaniwang kuwento ng kasipagan, pinagsabay niya ang kaniyang pag-aaral at pag-aaral sa isang coffee shop.

Naging inspirasyon ni Charles na maiahon niya sa kahirapan ang kaniyang pamilya, dahil na rin sa hirap, sikap, at pagtitiyaga ng kaniyang amang si Mang Nanding na isang pedicab driver. Hindi matatapos ang pasasalamat niya sa kaniyang ama dahil sa pagsusumikap na maitaguyod sila sa pamamagitan ng pamamasada. At ngayong may edad na rin ang kaniyang mga magulang, pinahinto na niya ang mga ito sa paghahanapbuhay dahil siya na nga ang breadwinner.

Kaya naman ganoon na lamang ang pagkabigla ni Charles nang ipatawag sila ng kanilang manager sa hotel na pinagtatrabahuhan, at isa siya sa mga nakatanggap ng masamang balita, na kasama siya sa mga tatanggaling empleyado, dahil sa malaki ang nalugi ng kompanya dahil sa naidulot ng pandemya.

“Sir, matanong ko lang po… hindi naman po sa nagbubuhat ako ng sarili kong bangko, pero palagay ko po ay naging masipag at mabuting empleyado naman po ako, bakit ako po ang napasama sa mga natanggal?” naiiyak na tanong ni Charles.

“Charles, gustuhin ko man na panatilihin kayo rito, desisyon ito ng kompanya. Huwag kang mag-alala, dahil hindi mo pa nagagamit ang mga leave mo, medyo malaki-laki naman ang makukuha mong back pay, para makapagsimula ka nang panibago mong buhay,” sagot ng kanilang manager.

Masakit man sa kaniyang kalooban, tinanggap na lamang ni Charles ang lahat. Hindi niya alam ngayon kung paano niya sasabihin sa kaniyang pamilya na natanggal na siya sa trabaho. Tiyak na ikalulungkot nila iyon. Isa pa sa mga kinababahala niya ay ang paghahanap niya ulit ng trabaho.

“Wala na po akong trabaho ngayon. Natanggal po ako,” naiiyak na pahayag ni Charles nang harapin niya ang kaniyang mga magulang. Saglit na natahimik ang mga ito.

“Naku anak, huwag kang malungkot, tiyak na sa sipag at talino mo, may mahahanap ka pang trabaho. Hindi mo sila kawalan, ikaw ang kawalan nila. Hayaan mo, gagawan kita ng paborito mong sopas,” pampalubag-loob ng kaniyang inang si Aling Rosanna.

“Saka may ipon pa naman kami, iyan muna ang gamitin natin sa araw-araw na gastusin, anak. Iniipon namin ng Nanay mo ang mga perang ibinibigay mo sa amin, para may magamit tayo sa mahigpit na pangangailangan. Iyon na muna ang ipanggastos natin,” mungkahi naman ni Mang Nanding.

“Ay ‘Tay, pera n’yo ho iyan. Huwag na po. Nagbigay naman po sila ng back pay. Iyan na lang po muna ang gastusin natin habang naghahanap pa po ako ng ibang trabaho. Ang kalahati po ay iipunin natin.”

Hindi nagpatumpik-tumpik si Charles. Hindi siya nagsayang ng oras. Agad siyang naghanap ng trabaho sa iba pang mga hotel at kompanya. Masuwerte naman na tanggap siya sa isang 5-star hotel, kaya naman mapalad pa rin siya at hindi pinababayaan ng Panginoon.

Kaya lang, sa kaniyang pag-uwi ay naratnan niyang pinapaypayan ni Aling Rosanna si Mang Nanding. Nakaunat ang matandang lalaki sa kanilang kahoy na sofa.

“Ano’ng nangyari kay Tatay?” nag-aaalalang tanong ni Charles.

“Hayan, pagalitan mo nga! Napakakulit! Sinabi nang huwag nang ipilit ang sarili na mamasada, hayan tuloy… tumaas ang presyon ng dugo at nahilo!” kuwento ni Aling Rosanna.

“Tatay… hindi ba’t kabilin-bilinan ko sa inyo na huwag na po kayo pumadyak? Napakainit na po sa panahon ngayon, at hindi po makabubuti sa kalusugan ninyo.”

“Anak, pasensiya ka na at hindi lang kaya ng konsensya ko na wala akong gawin sa pamilya natin ngayong nawalan ka ng trabaho. Ayaw ko namang maging pabigat sa iyo,” naiiyak na sabi ni Mang Nanding.

“‘Tay, huwag na ho kayong mag-alala dahil nakahanap na po ako ng trabaho sa isang hotel, may ilang requirements lang na kailangang ipasa, pero ang mahalaga, tanggap na ako!” pagbabalita ni Charles sa kaniyang mga magulang na ikinagalak naman ng mga ito.

Habang nag-aasikaso ng kaniyang mga requirements, nag-isip ng paraan si Charles kung paano madaragdagan ang kaniyang kita. Hindi maaaring umasa lamang sa iisang trabaho o mapagkakakitaan sa panahon ngayon. Kailangang makaisip siya ng mga paraan upang madagdagan ang kaniyang kita.

Sa kaniyang kakaisip, dumako ang kaniyang paningin sa pedicab ng kaniyang tatay. Tila may bombilyang biglang nagningning sa itaas ng kaniyang ulo. May naisip siyang ideya!

Ipinagawa niya sa kaniyang kakilalang kapitbahay ang pedicab ni Mang Nanding, at mula sa kaniyang back pay, namili siya ng kaniyang mga kagamitan at rekado sa kaniyang gagawing negosyo: naisip niyang magtayo ng isang mobile cafe, tutal ay marunong naman siyang magtimpla ng kape, dahil nga nagtrabaho siya sa coffee shop noong panahong nag-aaral pa siya.

At pumatok naman ang kaniyang mobile coffee shop na ibinabyahe niya sa tuwing libre ang kaniyang oras, gayundin tuwing Sabado. Inilalaan naman niya ang kaniyang Linggo para sa pahinga. Nadagdagan ang kaniyang pinagkakakitaan. Tuwang-tuwa naman ang kaniyang mga magulang at nagpapasalamat sa Diyos dahil biniyayaan sila ng isang anak na masipag at madiskarte sa buhay!

Advertisement