
Ipinatawag ng Mayamang Don ang Kaniyang Tatlong Anak na Lalaki Para Pumili ng Mamanahing Negosyo; Sino Kaya sa Kanila ang Magiging Matagumpay sa Pangangasiwa?
Pinatawag ni Don Fabio ang kaniyang tatlong anak na lalaki upang tanungin ang mga ito kung ano ang gusto nilang pangasiwaan kung sakaling wala na siya sa mundong ibabaw. Bukod sa paghahatian ng mga ito ang kaniyang pera, may tatlo siyang kompanya: isang restawran, isang pabrika ng mga sabon, at isang malawak na lupain o hacienda.
“Ako ang panganay kaya ako ang nararapat mauna,” saad ni Calixto, 29 na taong gulang. Kukunin ko ang pinaka-kumikitang kompanya, siyempre ang restawran. Isa pa, ako lang naman dito ang mahusay magluto kaya alam kong mapapalago ko ang negosyong ito, kung sakali man.”
“Sigurado ka na ba, Calixto, sa napili mo?” tanong ni Don Fabio.
“Oo naman, Papa. Sigurado na ako diyan,” tiyak na tiyak ang tinig ni Calixto.
“Ikaw naman Sergio, ano naman ang pipiliin mo?” tanong ni Don Fabio sa kaniyang ikalawang anak.
“Mas pipiliin ko po ang pabrika ng sabon kaysa naman sa hacienda na hindi naman kumikita. Doon na po ako sa siguradong hindi malulugi,” nakangising sabi naman ni Sergio.
“Samakatuwid, kay Timoteo mapupunta ang hacienda,” sabi ni Don Fabio sa kaniyang bunsong anak.
“Ayos lang naman po sa akin, Papa. Mahal ko naman po ang hacienda. Saka, wala naman po akong magagawa kasi iyon naman po ang natira para sa akin,” magalang na sagot ni Timoteo sa kaniyang ama.
Sanay na siya sa kaniyang dalawang kuya. Kahit noong mga bata pa sila, madalas ay lagi na siyang inuunahan ng mga ito, palibhasa ay paborito siya ng kanilang yumaong Mama, at mas mapagkumbaba talaga siya.
“Kung gayon, kayo na ang mga bagong may-ari ng mga kompanyang iyan. Huwag ninyo akong bibiguin,” habilin ni Don Fabio. Inakbayan niya ang kaniyang tatlong anak habang nakatanaw sila sa kanilang malawak na hacienda.
Makalipas ang isang linggo, isang nakalulungkot na pangyayari ang bumungad sa magkakapatid. Hindi na nagising sa pagkakahimbing ang kanilang ama. Atake raw sa puso habang natutulog, ayon sa autopsiya. Para bang pinaghandaaan na nito ang lahat.
Gaya ng kanilang ipinangako sa kanilang ama, sinimulan na nga nilang pangasiwaan ang kanilang mga kompanya batay sa kanilang mga napili.
Malakas ang restawran ni Calixto dahil nga mabenta naman talaga sa mga tao ang pagkain. Mga mayayamang tao at middle-class ang kadalasang customers nila.
Masigla rin ang produksyon at sales ng pabrika ng sabon na pinili naman ni Sergio.
Samantala, talagang nagtiyaga si Timoteo sa pagpapasaka sa kanilang hacienda. Nagpatanim siya ng iba’t ibang mga punong alam niyang mamumunga nang marami at maaari niyang ipabenta sa pamilihan. gayundin, nagtayo rin siya ng manukan, babuyan, at kambingan. Pinasok na niya ang pag-aalaga ng mga ito.
Hanggang sa dumating ang panahon na hindi inaasahan ng lahat. Nagkaroon ng isang malawakang outbreak ng sakit sa buong mundo, pandemya kung tawagin. Marami sa mga establisyimiento ang nagsara. Nauna na rito ang pabrika ng sabon ni Sergio, sumunod ang restawran ni Calixto. Pansamantala muna silang tumigil sa kanilang operasyon. Dahil hindi rin nila napamahalaan nang maayos ang mga negosyong ito.
Samantala, nagbunga na ang paghihirap ni Timoteo sa kanilang hacienda. Namunga na ang mga gulay at prutas na kaniyang ipinatanim at naibebenta na ito sa mga pamilihan kaya patuloy na lumago rin ito. Naging mas malakasan naman ang pag-order sa kaniyang mga manukan at babuyan.
Kaya nang magkita-kita ang magkakapatid, si Timoteo ang siyang bumida. Humingi ng tulong sina Calixto at Sergio sa kaniya. Umuutang sila kay Timoteo upang nang sa gayon ay makadagdag sa kanilang puhunan upang makapagpatuloy sa kanilang operasyon.
“Nahihiya kami sa iyo, Timoteo. Kung tutuusin, ang restawran at ang pabrika ng sabon ang dalawa sa mga negosyo ng Papa na talaga namang kumikita, at ngayong pandemya, humina ang kita namin. Ayaw naman naming isara nang tuluyan dahil pinaghirapan ito ng ating pamilya,” saad ni Calixto.
“Oo nga, Timoteo. Patawarin mo kami kung naging mayabang kami at mapagmataas sa iyo noong mga bata pa tayo, at kahit na sa panahon na namili na tayo ng kompanyang aariin natin. Masyado naming minaliit ang hacienda. Ngayon, napalago mo ito dahil sa kasipagan at kahusayan mo,” saad naman ni Sergio.
“Wala iyan mga kuya. Huwag na nating isipin iyan. Magkakapatid tayo kaya magtutulungan tayo. Malulungkot sina Papa at Mama kapag tuluyang nagsara ang restawran at pabrika. Kaya bibigyan ko na lamang kayo ng puhunan para kahit paano, makapagsimula kayo ulit at makaahon mula sa pagkalugmok nang dahil sa pandemyang ito,” sabi naman ni Timoteo.
At unti-unti, dahil sa ibinigay na perang pamuhunan ni Timoteo ay nakabalik sa operasyon ang restawran at pabrika ng sabon. Naging magkakasundo na rin ang tatlong magkakapatid. Sino pa nga ba ang magtutulungan sa mahigpit na pangangailangan kundi sila-sila rin, hindi ba?

Natanggal sa Trabaho ang Binatang Breadwinner ng Kaniyang Pamilya; Ano Kayang Diskarte ang Gagawin Niya Upang Maipagpatuloy ang Pang-araw-araw na Pamumuhay?
