
Dahil sa Hirap ng Buhay, Nagawang Ipamigay ng Babae ang Nag-iisang Anak; Hanggang Saan Masusukat ang Kaniyang Pagmamahal Para sa Sariling Anak?
“Walang kwenta. Pabayang ina. Dapat hindi na lamang nagpabuntis,” ilan lamang iyan sa mga salitang pumapasok sa tainga ni Jobelle mula sa taong kakilala. Maski na sariling pamilya ay ganoon na lamang din kung magsalita sa kaniya.
Pero ano nga bang pagpipilian niya? Ano bang magagawa niya? Napakasakit para sa isang ina na masdang nagugutom ang anak niya dahil walang gatas na mapainom. Napakasakit na walang pera upang matustusan ang mga pangangailangan nito.
Nagkaroon ng nobyo noon si Jobelle. Halos anim na taon din silang nagsama. Sobra ang pagmamahal niya rito kaya’t isinuko niya ang lahat-lahat para sa kasintahan.
Ginawa naman niya ang lahat, ngunit nagawa pa rin siyang lokohin nito. Buntis na noon si Jobelle nang malaman niyang may ibang babae ang nobyo. Ang masaklap pa noon, nagdadalantao rin pala ang kabit nito.
“Saan ako nagkulang? Saan ako nagkamali?” tanong ni Jobelle.
“Aksidente lamang iyon. Maniwala ka!” tugon naman ng lalaki.
“Bakit iyan na lamang palagi ang inyong dahilan? Wala na bang iba? Sinungaling!”
Hindi makapagsalita ang lalaki, pero bakas sa mukha nito ang pagka-guilty sa nangyari. Tinalikuran siya ni Jobelle at umalis. Dala-dala nito ang ilang mga gamit at damit.
Lumipas ang mga araw. Sinubukang bumalik ng babae sa bahay ng dating kasintahan, ngunit hindi niya inaasahan ang nakita. Ibinabahay na pala nito ang bagong babae. Nagsasama na pala ang dalawa.
Buntis din si Jobelle at alam niyang may karapatan din siya sa ama ng dinadala, pero pinili niyang itago na lamang ito.
Habang dinadala sa sinapupunan ang kaniyang anak, wala siyang ibang ginawa kundi ang umiyak. Tila ba sa luha na ipinaglihi ang bata.
“Sa paanong paraan ba ako magiging isang ina? Ano bang nalalaman ko sa pagiging isang ina?” naluluhang tanong ni Jobelle sa sarili.
Paano na nga ba sila ng kaniyang magiging supling? Ulila na siya sa magulang, kaya’t walang papatnubay at gagabay sa kaniya sa problemang kinakaharap.
Lumaki si Jobelle sa pangangalaga ng kaniyang lola na ngayo’y animnapu’t siyam na taong gulang na.
Lumipas ang ilang linggo at buwan, at nanganak na rin siya.
“Ang ganda-ganda ng baby ko,” mga unang salitang binigkas ni Jobelle matapos magsilang.
Tila ba ang lahat ng pagod at hirap ay napawi nang unang beses niyang masilayan ang anak na babae.
Inaruga ng babae ang sanggol sa paraang alam niya. Minahal niya ito ng sobra-sobra na higit pa sa kaniyang buhay.
“Lola, bakit wala pong gatas na lumalabas sa sakin?” tanong ng babae sa kaniyang lola.
“Nako apo, ‘di ata maganda ang gatas mo. Hindi makakakain ang anak mo ‘pag ganiyan,” saad naman ng matanda.
“Ano pong dapat kong gawin ‘pag ganito, lola?” muli niyang tanong.
“Mas maganda siguro kung sa bote mo na padedehin ang anak mo. Mas makakuha siya ng sapat na nutrisyon kapag ganoon.”
Dahil nga walang lumalabas na gatas sa kaniya, minabuti ni Jobelle na sundin na lamang ang payo ng lola.
Kahit said na ang laman ng pitaka ay pinipilit niyang makabili ng mumurahing gatas para sa anak. Wala siyang trabaho at hindi pa siya pwedeng kumayod, dahil kapapanganak lamang niya. Hindi naman din niya pwedeng iwan ang kaniyang lola dahil matanda na ito.
Sakit na sakit ang kaniyang kalooban na pagmasdang umiiyak ang anak dahil kinakabagan ito sa hindi hiyang na gatas na iniinom.
“Diyos ko. Ano po bang magagawa ko kung eto lamang ang kaya ko?” naiiyak na bulong niya habang pinapatahan ang sanggol.
Napansin naman niyang nagkakaroon ng mga rashes sa may parteng puwet ang anak. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Malamang ay dahil ito sa mumurahing diaper na kaniyang binibili.
Minabuti ni Jobelle na kapalan ang mukhang lumapit sa mga kakilala at kamag-anak, pero hindi niya inaasahan ang mga maririnig…
“Pinili mo ‘yan tapos hindi mo naman pala kayang palamunin?! Makati ka kasi kaya ‘yan ang napala mo!” sigaw ng kaniyang tiyuhin.
“Dapat inisip mo ‘yan bago ka bum*k@ka sa kama!” husga naman ng pinsan.
“Dapat lamang sa’yo ‘yan! Aanak-anak ka tapos mambubulabog ka ng ibang tao dahil wala kang mapakain!” saad naman ng isa pang kamag-anak.
Walang ibang magawa si Jobelle kundi ang tanggapin ang mga masasakit na salitang ibinabato sa kaniya. Ina na siya at kailangan niyang maging malakas para sa anak.
Naging laman siya ng mga chismisan ng mga kapitbahay na mismong kamag-anak pa niya ang nagkakalat.
Nakatitig na lamang siya sa anak habang umiiyak ito. Wala na siyang magawa kundi umiyak muli.
“Anak ko, sorry ha? Patawarin mo si nanay…” mga salitang paulit-ulit niyang sinasambit.
Isang araw… tanghaling tapat noon nang marinig niyang may kumakatok. Pagbukas niya ay bumungad ang nakangiting babae, si Joy, matalik niyang kaibigan.
“Halika, pasok ka! Pasensiya na medyo magulo ang bahay namin. Bakit ka pala naparito?” tanong kaagad ni Jobelle.
“Kumusta ka na, friendship?” tanong ng babae.
Isang buntong hininga at ngiti lamang ang naisagot ni Jobelle.
“May sasabihin sana ako sa’yo pero huwag kang magagalit ha? Nag-aalala lang naman ako sa’yo at sa anak mo,” biglang naging seryoso ang mukha ng kaibigan.
“Ano iyon?”
“Yung amo ko kasi, mayaman at mabait na mag-asawa iyon, naghahanap kasi sila ng batang babae na pwedeng ampunin, naisip ko na baka… baka lang naman naiisip mo rin na bigyan pa ng mas magandang buhay ang anak mo?”
Naitigilan naman si Jobelle sa narinig.
“Joke ba ‘yan?” seryosong tanong ng babae sa kaibigan. “Oo, naghihirap kami, pero hindi aso ang anak ko para ipamigay ko lamang.”
“Pasensiya ka na, Jobelle. Gusto ko lang naman makatulong. Kung magbago ang isip mo, eto ang number ng mag-asawa. Kausapin mo na lamang sila.”
“Mauna na ako friendship ha? Pag-isipan mong mabuti para sa anak mo. Mauna na ako.”
Tumango lamang siya at hindi na nagsalita pa. Hinatid niya ang kaibigan hanggang sa makalabas ito sa pintuan.
Mataas ang pride ni Jobelle at kahit kailan eh hinding-hindi niya ipamimigay ang anak, ngunit mapaglaro ang pagkakataon.
Iyak nang iyak ang sanggol at hindi ito mapatahan. Lahat ay ginawa na niya ngunit ayaw pa rin tumigil nito sa pag-iyak.
Hinipo niya ang sanggol at naramdamang mainit ito. May lagnat ang anak niya. Wala siyang pera at wala siyang makukuhaan ng pera. Hindi niya malaman ang gagawin.
Ang bente pesos na natitira sa kaniyang pitaka ay ginamit niya upang ipang-load sa kaniyang cellphone. Kinuha niya ito, inilagay ang mga numerong nasa maliit na papel at pikit matang tinawagan ito…
Ilang oras pa ang lumipas at dumating na ang mag-asawa kasama ni Joy. Base sa pananamit nito, mayaman nga ang mag-asawa.
“Wala kang dapat ipag-alala, mamahalin namin at ituturing na sariling anak ang sanggol,” pahayag ng babae habang mata sa matang nakatingin kay Jobelle.
“Bibigyan namin siya ng magandang buhay at pag-aaralin sa magandang paaralan,” saad naman ng lalaki.
Tumango na lamang si Jobelle. Hindi niya magawang magsalita dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman ngayon. Isang salita lang at bubuhos ang mga luha niyang kanina pang pinipigilang bumagsak.
Tumayo siya at inayos ang gamit ng sanggol. Ibinigay niya ito sa mag-asawa upang ipabaon sa pag-alis.
Binuhat niya ang sanggol na ngayo’y nagpapahinga at tila ba pagod na sa pag-iyak. Hinagkan niya ito sa huling pagkakataon. Tila ba bagyong bumuhos naman ang kaniyang mga luha.
“Mahal na mahal kita, anak. Mahal ka ni nanay kaya ko ginagawa ito ha? Patawarin mo sana ako…”
Labag man sa kalooban, ipinamigay niya ang sariling anak sa hindi naman kakilala. Nilunok niya ang pride at nagtiwala na lamang. Ano pa bang pwede niyang pagpilian? Tumalikod na lamang siya at hindi na sumulyap pa, dahil baka hindi niya ito kayanin.
Ilang oras pa ang lumipas, nakatanggap siya ng tawag galing sa mag-asawa.
Dinala raw muna nila sa doctor ang sanggol. Medyo malala na pala ang sakit nito. Nagkaroon ng allergic reaction ang sanggol sa gatas na iniinom nito. Kung hindi raw nadala kagaad ang bata ay baka mas lumala pa ang kalagayan nito.
“Ayos na siya ngayon. ‘Wag ka nang mag-alala pa. Nagpapahinga na lamang si baby. Nabilhan na rin namin siya ng damit at ibang mga gamit na kailangan,” saad ng babaeng nag-ampon habang nasa telepono.
“M-maraming salamat po,” nauutal na tugon ni Jobelle. Iyon na lamang ang naisagot niya dahil nagbabadya na namang pumatak ang mga luha niya.
Lumipas pa ang mga araw at gabi, labis na lungkot ang nararadaman ni Jobelle.
Labis niyang naaalala ang anak lalo na sa pagtulog. Tila ba napakalaking kirot ng nangyaring iyon sa kaniyang puso. Natutulog siyang umiiyak at gumigising na may luha pa rin sa mga mata.
Hindi naman pinutol ng mag-asawang nag-ampon sa kaniyang anak ang kanilang komunikasyon. Patuloy nilang tinatawagan si Jobelle para balitaan tungkol sa bata.
Minsan ay nagpapadala ito ng mga litrato at videos. Malaki na ang bata at lumalaking matalino ito. Mababait ang nag-ampon sa kaniyang anak kaya nakampante siya.
Maaaring tama nga ang desisyong kaniyang ginawa para sa anak.
Napatunayan naman niyang mababait ang nag ampon at mahal na mahal ng mga ito ang kaniyang anak. Nangako naman ang mga ito na hindi nila ipagkakait ang pagkakataong makita ni Jobelle ang anak, pero sa tamang panahon lamang daw.
Nais lamang talaga ni Jobelle na mabigyan ng magandang buhay ang anak. Kaya kahit abot hanggang langit ang chismis na kumakalat sa kaniya, kahit na grabeng panghuhusga ang tinatamo niya, buong lakas niyang tinatanggap ito. Para sa kaniya, wala nang mas mahalaga pa sa kapakanan ng sariling anak.
Sabihin man na walang siyang kwentang ina, pero napakalaking sakripisyo ang kaniyang ginawa. Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa maghangad ng mabuti para sa sariling anak.
Walang makatutumbas sa sakit na naramdaman niya nung ipinamigay ang anak, pero mas walang makatutumbas sa sakit na nararamdaman ng isang ina para sa anak na hindi kayang mabigyan ng magandang buhay.
“Balang araw, mayayakap at mahahagkan din kita, anak…” sambit ni Jobelle habang nagpupunas ng luha. “Patawad, pero para sa’yo rin ang lahat ng sakripisyong ito.”

Ipinatawag ng Mayamang Don ang Kaniyang Tatlong Anak na Lalaki Para Pumili ng Mamanahing Negosyo; Sino Kaya sa Kanila ang Magiging Matagumpay sa Pangangasiwa?
