
Akala ng Dalaga ay Magiging Maligaya Siya sa Piling ng Mabait na Kasintahan; Hindi Siya Makapaniwala nang Sumabog ang Itinatagong Lihim Nito
“Tatandang dalaga ka na, Jessica!” biro ng mga kaibigan ng dalaga. Magta-taltlumpu na kasi siya ngunit wala pa ring asawa o nobyo man lang. Nagkaroon naman siya ng mga kasintahan noon pero halos pitong taon siyang nagpahinga sa relasyon nang minsang masaktan.
Maganda si Jessica, pino ang balat at manipis ang labi. Talagang lilingunin mo kapag iyong nakita. Wala mang karelasyon, masaya naman siya sa ‘single life’ na pinili.
Buong pag-aakala niya’y hindi na muling mabubuksan ang puso niya para sa pag-ibig. Hanggang dumating ang araw na nagkayayaan ang kanilang barkada na pumunta sa isa bar upang doon ay magliwaliw.
Sa bar na iyon nakilala ni Jessica si Kenjie. Ipinakilala ito ng isa sa kaibigan nila. “Guys! Si Kenjie nga pala, best friend ko!” saad ng binata.
Chinito, maputi, matangos ang ilong, at nuknukan nang gwapo ang binata. Hindi tuloy maiwasang kiligin ang mga kadalagahang naroroon. Kaya’t pati si Jessica ay napukaw rin ang atensyon.
“Single pa ‘tong si Kenjie, kaya Jessica, may pag-asa ka pa!” pagbibiro naman ng binatang katrabaho.
“Pwede ba, tigilan mo nga ako! Wala akong time para diyan!” natatawang sabi ni Jessica.
Umupo si Kenjie sa bakanteng upuan na kalapit lamang ng kay Jessica.
“H-Hi?” pagbati ni Kenjie sa kay Jessica.
Tumango lamang ang dalaga bilang tugon.
“Nice to meet you pala,” dagdag pa ng binata.
Isang ngiti lang ang sinagot ng babae.
“Alam ko na kung bakit hanggang ngayon wala kang boyfriend, ang sungit mo kasi!” biro naman ni Kenjie.
Nanlaki naman ang mata ni Jessica nang marinig ito at tila ba umugong sa kaniyang tenga ang mga salitang iyon.
“Alam ko rin kung bakit wala kang girlfriend, ang gaspang kasi ng ugali mo. Akala mo naman gwapo!” inis na bulong ng babae bilang tugon.
“Ay, hindi ba? Kaya pala ang lagkit ng mga tingin mo sa’kin kanina,” pang-aasar pang muli ng binata.
“Alam mo, lumipat ka na lang ng upuan kasi nakakasira ka ng gabi!” saad ng dalaga na ngayo’y pulang-pula na ang mukha.
Hindi agad nagustuhan ni Jessica ang gwapong si Kenjie sa unang pagtatagpo nila. Para sa kaniya’y ubod ito ng yabang at presko, ‘yung tipo ng lalaking hindi niya magugustuhan. Pero lahat ng iyon ay nagbago nang masundan pa ang kanilang mga paglabas-labas.
Mas naging malapit ang dalawa sa isa’t isa. Napagtanto ni Jessica na mabait naman pala talaga si Kenjie. Alakasdor lamang ito pero ginto ang puso. Maginoo pero medyo bastos. Isa sa mga dahilan kung bakit unti-unti na siyang nahuhulog.
Hindi naglaon, naging magkasintahan din ang dalawa na noo’y animo aso’t pusa kung magbangayan. Sa pagkakataong ito, binuksan ni Jessica muli ang kaniyang puso para sa pag-ibig. Sa sandaling panahon na nagkasama ay mas lumalalim naman ang nararamdaman nila sa isa’t isa.
Lumipas nang mabilis ang mga araw, buwan at mga taon. Sumapit ang 4th anniversary ng magkasintahan.
Nag-date sila sa isang mamahaling restawran, gumala sa mall, nanood ng sine at tumuloy sa isang mamahaling hotel sa Maynila.
Magkayakap ang dalawa ngayon sa malambot at malaking kama. Amoy na amoy ang halimuyak ni Jessica na kagagaling lamang noon sa shower.
“Mahal kita, Jessica. Mahal na mahal,” bulong ni Kenjie.
“Mahal na mahal din kita, Kenjie,” tugon ng dalaga.
Naramdaman niya sa kaniyang likod ang mainit na hininga ng kasintahang lalaki. Lumalalim na ang gabi at mas umiinit na ang mga pangyayari.
“Puwede ko bang mas iparamdam ang pagmamahal ko sa’yo ngayon?” tanong ng binata.
Isang madiin na halik naman ang naging tugon ng dalaga. Ginantihan naman siya ng halik ng binata.
Ibinigay ni Jessica ang lahat noong gabing iyon sa lalaking iniibig. Ganun na lamang kalaki ang kaniyang pagmamahal at tiwala sa kasintahan.
Mas tumindi pa ang pagmamahal ng magkasintahan sa isa’t isa matapos ang gabing iyon, hanggang isang araw…
Habang naglalakad sa mall ay namasdan ni Jessica ang mga gamit na pambata. Napapangiti siya habang minamasdan ito at nag-i-imagine kapag dumating ang araw na magkakaroon sila ng anak ng kasintahan.
“Ganito ang bibilhin ko kapag baby boy ang unang baby namin,” nakangiting sabi ng babae habang nakatingin sa kulay asul na crib.
Naglakad pa siya ng konti nang mapansin ang isang pamilyar na mukha.
“Si Kenjie iyon ah? Ano’ng ginagawa niya rito?”
Dahan-dahan siyang naglakad upang sorpresahin sana ang nobyo, ngunit siya pala ang masusurpresa.
“Babe!” sigaw ng maputing babae na papalapit ngayon kay Kenjie. “Mas cute ‘tong mga ‘to, di ba?” tanong nito habang dala-dala ang mga laruang pambata.
“Parang mas maganda yung kaninang pinakita mo.” Nakangiting tugon ni Kenjie.
Naitigilan si Jessica sa nakita. Maputi ang babae, may hitsura din naman at maumbok na ang tiyan…
Sumikip ang kaniyang paghinga at parang hindi siya makipaniwala sa naririnig at nakikita. Napaurong siya at hindi sinasadyang natabig ang walker sa likuran. Nahulog ito at gumawa ng napakalakas na ingay.
“Sorry…” paghingi niya ng paumanhin sa sales lady.
Hindi na siya lumingon pa at tumakbo na palabas. Alam niyang nakita iyon ni Kenjie, alam niyang nakita siya ng kasintahan.
Naglakad-lakad muna siya noon sa parke at doon umiyak. Hanggang sa pakiramdam niya’y naubos na ang kaniyang luha.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Jessica habang nakatingin sa kasintahan.
“I’m sorry. Sinundan kita at tinatanaw lang mula sa ‘di kalayuan,” mahinang tugon ni Kenjie habang nakatungo.
“Sorry kasi nahuli kitang nagloloko? Iyon ba ‘yon?”
“Hindi ko sinasadya, Jessica…”
“P*t*ng in*! Kailan pa hindi sinadya ang makabuntis? Kailan pa hindi sinadya ang manloko? Ano? Hinawakan mo lang siya tapos nabuntis na?!”
“Nag-inuman kasi kami nung officemate ko sa bahay nila last year. Tapos lasing na lasing kami. Hindi ko alam, pero may nangyari sa’min ng kapatid niya. Gusto ng pamilya niya na pakasalan ko siya,” paliwanag ni Kenjie.
“Diyos ko!” napakapit na lang sa dibdib si Jessica.
“Pero ikaw ang mahal ko, Jessica. Magiging ama ako sa anak namin, pero hanggang dun na lang iyon. Ikaw ang gusto kong makasama,” at saka ito lumapit sa babae at yumakap.
Pinili ni Jessica na sundin ang kaniyang puso noon. Alam niyang masakit, pero mahal niya talaga si Kenjie. Kaya nag bulag-bulagan siya alang-alang sa pag-ibig.
Isang hapon habang naglalakad pauwi galing sa trabaho, sinalubong siya ng isang galit na galit na babae.
“Babaeng malandi! Baka pwedeng tigilan mo na si Kenjie? ‘Di ka ba nahihiya?” Iyon ang babaeng kasama ng nobyo sa mall.
“Ano’ng sabi mo?” tanong ni Jessica.
“Please lang, ‘wag mo na kaming guluhin. Magiging ama na siya ng anak ko. Kaya tigilan mo na siya. Nakapadesperada mo naman.”
Edukada si Jessica, pero sa pagkakataong ito, pinatulan niya ang babae.
“Ako pa talaga yung malandi? Ako pa yung desperada? E sino ba yung pumatol at nagpabuntis sa hindi naman niya boyfriend? Ako ba?” galit na galit niyang sagot.
“Magiging ama siya ng anak ko. ‘Di ka ba nakokonsensiya?”
“Anak lang ang meron kayo, pero ako ang mahal niya! Apat na taon kami. Nasa akin na siya bago mo pa siya makilala at bago ka pa magpagalaw!” pagdiin naman ni Jessica.
“Sa’yo na rin mismo nanggaling… magkakaanak na siya sa iba. Hahayaan mo bang lumaki ang batang ‘to na bastardo? Hahayaan mo bang lumaki siya nang walang ama?” saad pa ng babaeng buntis.
Biglang napatigil si Jessica. Parang sinampal siya ng katotohanan sa narinig. Kakayanin nga ba niyang matiis na may isang bata na sira ang pamilya dahil lamang sa kaniya?
“Pabayaan mo na kami. Hayaan mo na kaming maging buong pamilya, please…” pagpapakumbabang tono ng babae.
Mahal niya si Kenjie, mahal na mahal. Nasa tama siya dahil siya ang nobya, pero mali dahil magkakaanak na ito sa iba.
Pumatak ang mga luha niya at nakataas ang noong nilagpasan ang buntis na babae sa harapan.
Ilang araw at linggo pa siyang nagtiis, pero nawawalan na ng oras sa kaniya si Kenjie. Ang balita niya ay naging maselan ang pagbubuntis ng babaeng nadisgrasya nito.
Halos lahat ng oras at atensyon lalaki ay napunta sa babaeng kaniyang nabuntis.
“Ayoko na. Itigil na natin ‘to…” saad ni Jessica.
“Mahal kita, Jessica. ‘Wag naman ganun,” tugon ni Kenjie.
“Hindi sapat lang na mahal kita at mahal mo ako. Hindi lang dito iikot ang buhay natin. Magagawa mo rin siyang mahalin, lalo ngayon, malapit nang isilang ang magiging anak niyo.”
“Jessica…”
“Paalam na, Kenjie.”
Umiiyak na umalis si Jessica. Kailangan niyang magparaya dahil iyon ang tama. Para sa kapakanan ng bata, isinakripisyo niya ang kanilang relasyon. Nagresign siya sa trabaho. Hindi na rin niya kinausap pa si Kenjie mula noon.
Dalawang taon na rin ang lumipas. Natutunan na rin ni Jessica ang maging masaya muli. Paminsan-minsan ay tinitingnan niya ang profile ni Kenjie sa Facebook.
Tiningnan niya ang litrato sa Facebook ni Kenjie at nakita niyang kasal na ito sa babaeng nabuntis at mukhang masayang-masaya naman na dahil sa kanilang anak.
Napangiti lamang si Jessica nang makita ang picture ng dating nobyo na kasama ang anak na lalaki nito. Ibang ngiti at saya ang nakita niya kay Kenjie habang karga ang anak.
Hindi man sa maganda nagtapos ang relasyon nila noon, masaya si Jessica dahil natutunan niya kung ano ang tunay na ibig sabihin ng totoong pagmamahal, at iyon ay ang magparaya at magsakripisyo para sa kapakanan ng ibang tao.
Hindi naman din sa kalungkutan lang umikot ang buhay niya. Nakatagpo siya ng lalaking magmamahal sa kaniya nang totoo.
Ikinasal si Jessica sa isang Pinoy na Canadian citizen at ngayo’y nagdadalantao na. Mahal na mahal siya ng asawa at binigyan siya ng napakagandang buhay.
Ngayon ay naiintindihan na ni Jessica kung bakit hindi sila ang itinadhana ni Kenjie para sa isa’t isa, dahil may darating pala na mas maganda at ipaparamdam sa kaniya na karapatdapat siyang mahalin ng higit pa sa sobra-sobra.