
Laging Pumupunta ang Lalaki sa Kumbento ng mga Madre Tuwing Araw ng Linggo; May Nakakalungkot na Dahilan Pala Siya
Linggo nang hapon noon, gaya ng nakagawian, nagpupunta si Lando sa Pink Sisters upang doon mag-alay ng panalangin. Iyon kasi ang panahong inilalaan niya para magpasalamat sa lahat ng biyayang natanggap niya sa isang Linggong nagdaan. Kasabay nito ang paghingi ng gabay at proteksyon sa parating na Linggo.
Nang linggong iyon, sa may likod ng simbahan siya napaupo. Doon siya nagsimulang magdasal at magpasalamat. Napukaw ang kaniyang atensiyon sa isang madre na nagtuturo sa mga kabataan sa labas. Siguro ay mga nasa edad labing apat hanggang labing siyam ang mga edad ng tinuturuan nito. Nagtatawanan at nagkakantsawan pa ang mga ito.
Matapos manalangin, lumabas si Lando upang makinig sa madreng natatanaw niya mula sa hindi naman kalayuan. Usapang pag-ibig pala ang paksa kaya ganoon na lamang ang kantiyaw ng mga kabataan.
Nagsimulang magkwento ang madre. Napukaw ang atensyon niya.
“I used to love a guy.” panimula ng madre. “Gustong gusto ko siya. Araw-araw kong sinusulatan. May mga nakilala naman akong iba, ipinakilala ko rin sa kaniya. Pero parang wala lang sa kaniya. Nawalan ako ng lakas ng loob na magtapat sa kaniya kasi ang daming ibang nagkakagusto sa kaniya. Tapos kitang-kita ko kung paano siya magsuplado at umiwas sa mga babaeng nagkakandarapa sa kaniya. Parang wala siyang interes makipagrelasyon. Parang walang interes sa akin,” kwento ng madre.
“I still remember, malapit na akong magtapos sa pagmamadre. Hiningan ko siya ng sulat noon. Baka naman gusto niya rin ako. Kasi kung ganoon, lalabas ako sa pagmamadre! Mapagsisilbihan ko pa naman din ang Diyos kahit nasa labas na ako ng simbahan,” dagdag pa nito.
“Ano pong nangyari, sister? Tumugon po ba siya?” tanong ng isang dalagita na tila ba kilig na kilig sa kwento.
“Pinaunlakan naman ang sulat na hiniling ko. Ang sulat na iyon ang dahilan kung bakit ako nandito sa harapan ninyo ngayon. Tandang-tanda ko pa nga ang buod ng sulat na iyon e.”
Dear Sister (o, ayan Sister na, ituloy mo ha?)
Alam mo sa totoo lang, gusto kita. Gustong-gusto kita. Pero gusto kong ipagpatuloy mo ang pagmamadre mo. Hindi naman dahil natatakot ako na baka makahanap ka ng iba at kalimutan ako, pero magpatuloy ka dahil alam kong mas sasaya ka sa pagiging madre.
Tinawag ka upang maging instrumento ng Diyos, upang makatulong at ipahayag sa iba ang Kaniyang mga salita. Gusto kita, pero wala nang mas hahalaga pa kaysa paglingkuran ang Diyos Ama natin sa langit. Kaya sana ay piliin mo na ang bokasyon mo na sa una pa lang ay inilaan na talaga para sa’yo.
Mahal kita, pero mas mahal ka ng Diyos. At wala nang hihigit pa sa pagmamahal na nagmumula sa Kaniya. Karapatdapat kang maglingkod sa Kaniya. Doon ka nararapat at hindi sa akin.”
Naluluha pa rin ang madre habang inaalala ang nakasulat sa liham na natanggap noon.
“Itinuloy ko ang pagmamadre ko. Tama nga siya. Dito ko mas nakilala ang aking sarili at kung ano talaga ang aking gusto. Iyon ay ang ilaan ang bawa’t minuto ng buhay ko sa paglilingkod sa Panginoon. Sa kasuluk-sulukan ng puso ko, alam kong ang maglingkod sa Diyos ang tunay na nais ko hanggang sa dulo ng aking hininga.”
“Mga minamahal kong kabataan,” pagtutuloy ni Sister. “Nais ko lamang ipaunawa sa inyo na sa ating buhay ay may iba’t-ibang taong daraan. Kapag pinapalad tayo, may dumarating upang mas lalo tayong ilapit tayo sa Diyos. Tanggapin natin nang buong puso ang mga taong ito sa ating buhay. Gawin natin silang inspirasyon. Higit sa lahat, hanapin natin ang Diyos sa bawa’t taong nakakasalamuha natin dahil nandoon lamang Siya. Kapag pinili natin na makita ang Diyos sa bawat taong ating nakakasalamuha, doon mauubos at masusupil ang pagkamuhi. Alam kong ngayon ay sasang-ayon kayo kung sasabihin ko na, mas kailangan ng mundo ngayon ang tunay at malinis na pagmamahal,” saad pa ng madre.
“Pero sister, paano kung hindi naman pinalad na magtagpo gaya ng sa inyo, paano ang kailangan gawin doon?” tanong ng isang binata.
“Kailangan mo lang palayain at hayaan na ang Diyos ang magdikta sa kung anong nararapat para sa’yo. Mahirap sa una at mahirap tanggapin ang katotohanan na minsan may mga bagay na hindi puwede. Pero paraan lang iyon ng Diyos upang mailapit tayo sa kung ano ang naisin Niya para sa atin,” nakangiting tugon naman ni Sister.
Hindi namalayan ni Lando na naluha na pala siya. Pamilyar ang kwento at sulat na ibinahagi ni Sister. Natapos ang maikling pagbabahagi kaya’t naglakad ang lalaki papalapit sa Madre.
Abala si Sister, nakikipag-usap sa mga regular na taong naroroon. Tiningnan ni Lando ang Madre mula sa hindi kalayuan. Muli niyang natitigan ang mga mata at ngiting nagpatibok sa kaniyang puso, ilang taon na ang nakararaan.
Nakita niya ang kaisa-isang babaeng kaniyang minahal na naglilingkod sa Panginoon, gaya ng kung ano talaga ang inilaan para rito ng Diyos. May kirot man, pero maluwag sa pakiramdam niyang makita na ipinagpatuloy ng babaeng iniibig ang kaniyang bokasyon.
“Ang tunay na pag-ibig, nagpapalaya at nagpaparaya. Sa susunod na buhay, sana pagbigyan na tayo ng Panginoon…” mahinang sambit ni Lando.