Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Janitor ang Mahirap na Estudyante Noon; Grabe Pala ang Isusukli Nito sa Kaniya Ngayon

Tinulungan ng Janitor ang Mahirap na Estudyante Noon; Grabe Pala ang Isusukli Nito sa Kaniya Ngayon

Dahil mahirap pa sa daga, naging tampulan ng tukso noon si Arthur sa klase. Palagi kasing tuyo o ‘di kaya naman itlog ang kaniyang ulam. Kung minsan naman ay wala talaga.

“Sa susunod tutubuan ka na ng palikpik kaka-tuyo mo! O ‘di kaya naman, mangingitlog ka na rin kaka-itlog mo!” hagalpakan na tawa pa ng mga kaklase.

Mayroon kasing mga kaklase si Arthur na nakakaangat sa buhay at iyon ang mga palaging nang-aalaska sa kaniya.

“Balang-araw makakaahon din ako sa hirap!” sambit ng bata habang sinisipa-sipa ang buhangin sa labas ng silid-aralan.

“Tama iyan, hijo!” sabat naman ng isang lalaki na ikinagulat ng bata.

“P-po?” tanong ni Arthur.

“Sabi ko tama iyan! Gawin mong inspirasyon ang mga kaklase mo upang makaahon ka sa kahirapan. ‘Wag mong hayaang apak-apakan ka nila dahil sa estado mo sa buhay ngayon. Mag-aral kang mabuti upang makaahon sa hirap!” saad pa ng lalaki.

“S-salamat ho…”

“Mang Jose. Mang Jose ang tawag nila sa akin. Ako ang janitor dito,” pagpapakilala naman ng lalaki. “Palagi kitang nakikitang sa banyo kumakain ng tanghalian. Marahil dahil sa mga kaklase mo iyon, tama ba?”

“Wala po kasing puwang ang mahirap na tulad ko sa mga lamesa nila. Iyon po ang palagi nilang sinasabi,” halos maiyak na sabi ni Arthur.

“Pwes, sa lamesa ko mayroon. Halika, sumama ka sa akin. Kakain tayo,” pag-aaya ni Mang Jose.

Sa ilalim ng malaking punong mangga sila nagpahinga at kumain ng tanghalian noon.

Nagkwentuhan ang dalawa na tila ba hindi lamang ngayon nagkakilala. Palagay ang loob ni Arthur dahil mabait naman ang lalaki. Isa pa, wala na siyang magulang dahil pumanaw ang mga ito sa sunog sa squatter’s area noon kaya’t parang nakikita niya kay Mang Jose ang yumaong ama.

Tanging lolo at lola na lamang ang mayroon si Arthur.

“Lagi kong napapansin na umiiyak ka. Kapag ganoon, isumbong mo sa akin para pagalitan ko,” saad pa ng lalaki.

“Opo, Mang Jose. Salamat po. Papasok na po ako sa klase!” pagpapaalam naman ng bata.

Tuwing tanghalian ay palagi nang kasabay ni Arthur ang may edad na lalaki sa pagkain. Tila ba nakahanap siya ng ama at matalik na kaibigan sa katauhan ng kanilang janitor sa eskwelahan.

“O eto nagbaon ako ng gulay para sa’yo. Kumain ka ng marami para sa eksam mo mamaya. Nakita kong late ka nang umuwi kahapon kasi nag-aaral ka. Ipagpatuloy mo lang iyan para sa kinabukasan mo,” paalala pa ng lalaki.

“Opo… may hihilingin po sana ako sa inyo kung maaari lamang?” tanong ng bata.

“Ano iyon?”

“Maaari po bang tatay na lamang ang itawag ko sa inyo? Tutal wala na po ang tatay ko, kayo na lamang po ang ituturing kong parang sariling ama,” saad ng bata.

“Ito talagang batang ito o! Oo naman. Tatay Jose na lamang ang itawag mo sa akin!”

“Talaga ho?! Salamat po, ‘tay!” nagumiti at yumakap ang bata sa mabait na janitor.

“O sige na! Baka ma-late ka pa sa eksam. Galingan mo, anak ha?” paalala ni Mang Jose.

“Opo, ‘tay! Magiging proud po kayo sa akin!”

Mas naging malapit na ang dalawa dahil doon. Sa tuwing mapapaaway si Arthur, si Mang Jose ang pumupunta upang umawat o pumagitna. Siya rin ang humaharap kapag naga-guidance ito. Tila ba isang ama na talaga siya sa bata.

Lumipas pa ang mga taon, nagtapos ng elementarya si Arthur. Nakakalungkot na tagpo dahil iyon na rin ang huling beses niyang makakasama si Mang Jose. Lilipat na kasi sila ng Maynila upang doon sa kaniyang tiyahin sila tumira at doon na rin mag-aral.

“Salamat ho… kung hindi dahil sa inyo, baka naligaw na ako ng landas. Kayo na talaga ang tumayong ama ko kaya’t pangako, balang-araw, babawi ako sa inyo,” saad ni Arthur habang lumuluhang hawak ang medalya. “Para sa inyo ito, Tatay Jose…”

“Salamat din dahil lumaki kang maayos. Salamat at nakikinig ka sa akin. Naging malapit ka sa puso ko at itinuring kong tunay na anak na rin. Saan ka man makarating, huwag mo sana akong kakalimutan, anak,” naluluhang pahayag naman din ng matandang lalaki.

Iyon ang naging huling tagpo sa buhay ng dalawa. Walang pambili ng cell phone si Arthur kaya naman hindi rin niya magawang tawagan ang lalaki. Pero lagi itong laman ng kaniyang mga dasal.

Isa, dalawa, tatlo… hanggang halos dalawampung taon ang lumipas. Matanda na si Mang Jose at mahina na ang katawan. Sabayan pa ito ng mga karamdamang iniinda. Isang araw ay nawalan na lamang ito ng malay at bumagsak sa sahig.

“May mga baradong ugat na po sa puso ang ama ninyo. Kailangan na siyang maoperahan sa lalong madaling panahon,” pahayag ng doktor.

“Pero dok, wala po kaming pagkukunan ng malaking pera…” naluluhang sabi ng anak na babae ni Mang Jose.

“Kailangan na pong maoperahan ang pasyente. Baka hindi na po mailigtas kung hindi pa po natin gagawin,” nag-aalalang sabi pa ng doktor.

Dahil doon, nagpaskil sa Facebook account ang babae at saka humingi ng tulong. Kinabukasan…

“Okay na po ang pasyente. Ligtas na po,” saad ng doktor.

“P-pero dok… wala pa po kaming pambayad…”

“Bayad na po… Isang lalaki po ang nagtungo rito at binayaran nang buo ang hospital bills ng inyong ama.”

“P-pero sino po?” hindi makapaniwalang tanong ng babae.

“Babalik raw po siya kapag gising na ang inyong ama. ‘Wag na po kayong mag-alala, okay na po ang lahat,” paliwanag pa ng doktor.

Kinabukasan, gising na si Mang Jose nang may kumatok sa kaniyang pintuan.

“Magandang umaga po,” maaliwalas na bati ng isang lalaki.

“I-ikaw na ba iyan?” naluluhang sabi ng matanda.

“Tatay Jose…” saad naman ni Arthur. “Ako na nga ho ito.”

“Diyos ko! Ang anak ko, ang gwapo-gwapo at ang tangkad na,” pagluha pa ng matanda.

“Kayo po ang nagbayad ng lahat ng bills ni tatay?” tanong naman ng anak ni Mang Jose.

“Bayad na lahat ng iyon, dalawampung taon na ang nakalilipas. Sa mga kwento, aral, at kabutihang ipinakita sa’kin ni tatay. Siya ang dahilan kung bakit naging matagumpay na businessman ako ngayon,” paliwanag pa ng binata. “Sorry, ‘tay, natagalan ako. Kakauwi ko lamang po kasi dahil galing akong ibang bansa.”

“M-maraming salamat, anak… napakabuti talaga ng iyong puso.”

“Magmula ngayon, magiging maginhawa na rin ang buhay ninyo. Gaya ng lagi kong sinasabi sa inyo noon.”

Ibinili ni Arthur ng bagong bahay, sasakyan, at pinagpatayo ng negosyo ang matanda bilang pasasalamat sa kabutihang ipinakita sa kaniya nito noon. Nagtuloy-tuloy naman ang paggaling ni Mang Jose at ngayo’y malakas na malakas na.

Ang kabutihang ating itinanim noon ay siya rin nating aanihin pagdating ng panahon.

Advertisement