Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakapagtapos ang Lalaki ng Pag-aaral Dahil sa Hirap ng Buhay; Isang Mausok na Negosyo Lang Pala ang Mag-aahon sa Kaniya sa Kahirapan

Hindi Nakapagtapos ang Lalaki ng Pag-aaral Dahil sa Hirap ng Buhay; Isang Mausok na Negosyo Lang Pala ang Mag-aahon sa Kaniya sa Kahirapan

Galing si Akie sa isang mahirap na pamilya. Ang tatay niya ay manggagawa ng sirang appliances, ang nanay naman niya ay tindera ng gulay at kung ano-ano pa na pwedeng ibenta, minsan din ay labandera at plantsadora. Maghapong kumakayod ang mga magulang niya pero kahit anong pagsisikap nila, maswerte na kung makakain sila ng tatlong beses sa isang araw.

“Hindi maaaring mawala ako sa mundo ng ganito lang ang narating. Kailangan kong igapang ang sarili ko,” mahinang bulong nang binatilyo pa noong si Akie.

Kahit na mahirap, pinagsumikapan niyang makatapos ng highschool. Kahit na wala siyang ideya kung hanggang saan lamang siyang kayang dalhin ng kaniyang diploma.

Dala ang high school diploma, lakas loob na nagtungo sa Maynila si Akie at doon namasukan sa isang restawran bilang helper sa kusina.

Halos apat na taon siyang nagtrabaho doon kaya’t nang magkaroon ng sapat na ipon, nagtrabaho naman siya sa isang factory sa Laguna.

“P’re, may job opening akong alam ngayon. Baka gusto mong subukan?” saad ng kaibigan.

“Ano namang trabaho ‘yan, ‘tol?” sagot ni Akie.

“Sa mall, p’re. Tara subukan natin!” pag-aaya pa ng lalaki.

Sa kabutihang palad, natanggap noon si Akie. Pangarap din niyang makapagtrabaho sa mall dahil bukod sa malaki ang kinikita, buong araw pang naka-aircon. Iyon nga lang, tuwing natatapos ang kontrata niya, sa iba’t ibang mall siya nagpapalipat-lipat at namamasukan.

Ang akala niya’y hanggang sa mga mall na lamang ang kaniyang kapalaran. Niyaya siya ng isang kaibigan na subukan ang suwerte sa barko.

“Sigurado ka ba riyan? Wala akong experience sa pagbabarko. Baka hindi ako matanggap,” may pag-aalalang sabi ni Akie.

“Walang masama kung susubukan mo,” sagot ng kaibigan.

Hindi pa kumbinsido ang binata noon, dahil unang-una, hayskul lamang ang natapos niya, at pangalawa, wala siyang karanasan sa pagtra-trabaho sa barko.

Nagdesisyon lang siyang sumubok noong kinausap siya ng mismong may-ari ng agency at sinabing pwede siyang sumampa sa barko.

Matapos ang seaman’s training, kinailangan niyang mag-intay ng pitong buwan bago tuluyang nakaalis. Taong 2015, tuluyan na ngang nakasampa sa barko ang binatang may mataas na pangarap sa buhay.

“Ito na sana ang simula ng aking pagbangon,” sambit ng binata.

Nagtuloy-tuloy ang kaniyang pagbabarko. Ilang bansa ang nadaungan niya. Nakapunta siya sa mga lugar na hindi niya inakalang mapupuntahan niya sa buong buhay niya.

Maayos sana ang takbo ng kaniyang buhay ngunit hindi siya nakaipon. Maraming tukso sa paligid, magastos. Naubos din ang lahat ng kinita niya.

Isang pangyayari naman ang hindi inaasahan. Biglaang natambay ang binata nang halos isang taon. Wala siyang ipon, hindi rin sapat ang perang dala niya upang matustusan ang gastos sa bahay, pamilya, at sarili.

“Paano na ba ito? Paano ko mapagkakasya ang natitirang pera sa dami ng gastusin dito sa Pilipinas?” napapakamot na lamang sa ulo si Akie.

Isang gabi ay kinausap siya ng ina…

“Anak, eto o,” iniabot ng ginang ang isang booklet.

“Ano po ito, ‘nay?”

“Passbook. Sa tuwing nagpapadala ka kasi noon, pinipilit kong magsubi ng pera. Nag-ipon ako para kung sakaling kailanganin, may makukuhanan tayo ng pera,” nakangiting sabi ng ginang.

“’Nay… napakalaking bagay po nito,” naluluhang sabi ng lalaki. Hindi niya inaakalang nakapag-ipon ang ina nang ganoong kalaking halaga. Buong akala niya wala siyang paghuhugutan ‘pag dumating ang araw na natambay na lamang siya.

Mula sa maliit na halagang naipon, naisipan niyang magtayo ng isang simpleng negosyo para may pagkakitaan habang naghihintay na makasampa ulit sa barko.

Sa simple at maliit na negosyong pag-iihaw ay nakaipon siya. Bumili siya ng motor at nilagyan ng ihawan sa harapan. Pumatok ito at kumita kaya nakaipon pa siya nang mas malaki.

Gamit ang naipong pera, nagpatayo ng isang restawran si Akie. Ang dating niyang ihaw-ihaw sa mga kanto ay isa nang ganap at malaking kainan ngayon.

“’Nay, ‘tay, para sa inyo ang lahat ng ito,” sabi ng binata habang ginugupit ang ribbon sa kanila grand opening.

Pumatok pa ang negosyo niyang iyon kaya’t nakapagbukas siya ng dalawa pang branch sa magkaibang lugar.

Sa dami ng kaniyang pinagdaanang hirap sa buhay, isang bagay ang tumatak nang sobra sa kaniya. Kahit pala narito lamang sa Pilipinas ay mayroong pag-asang umasenso basta maging matiyaga at masipag lamang.

Patunay rin ang buhay ni Akie na hindi hadlang ang kakulangan ng kumpletong edukasyon upang umangat sa buhay. Lahat ay bawiin lamang sa tiyaga, sipag, at lakas ng loob. Higit sa lahat, ang dasal at matinding kapit sa Maykapal ay kailangan upang makausad sa mahirap na mundong ito. Kung nais talaga nating umahon sa hirap, maraming paraan.

Advertisement