
Nakipaghiwalay ang Babae sa Nobyo Nito Dahil sa Maraming Dahilan; Paglipas ng Ilang Taon ay Muling Pinagtagpo ang Kanilang mga Landas
Elementarya pa lamang si Gigi noon nang makilala niya si Jericho. Transferee ito mula sa ibang paaralan. Una pa lamang e, nakuha na agad ng gwapong bata ang musmos na puso ni Gigi.
“Hi, I’m Gigi, and you are?” sabi ng babae.
“J-Jericho…” tipid na sagot naman ng lalaki na halatang nahihiya pa.
Iyon ang araw kung saan nagsimula ang magandang pagkakaibigan ng dalawa. Parati silang magkasama at halos hindi na mapaghiwalay. Pero dumating ang hayskul at kinailangan nilang maghiwalay ng eskwela, dahil ipinasok si Jericho ng kaniyang magulang sa isang ‘all boys school’ sa San Juan.
“Pangako, parati pa rin akong magpapadala ng mensahe sa’yo. Tatawag din ako kapag puwede. Basta ‘wag mo akong kakalimutan ha?” sabi ng binatilyo kay Gigi.
“Lagi rin kitang iintayin hanggang sa muling pagkikita natin. Mag-iingat ka palagi!” naluluhang tugon naman ng dalagita kay Jericho.
Lumipas pa ang mga araw at nagpatuloy pa rin ang komunikasyon ng dalawa. Pero hindi na ito nagustuhan ng magulang ng babae. Napapabayaan na kasi nito ang pag-aaral dahil sa kakagamit ng cell phone at pagmumuni-muni tungkol sa binata.
“Gigi, sinasabi ko sa’yo, kapag hindi mo pa itinigil ‘yan, malilintikan ka na sa akin!” sabi ng ama ng dalagita.
“O-opo, papa…”
Isa araw, niyaya ni Jericho ang kaibigang babae na gumala sa isang mall. Agad naman pumayag ang babae. Imbes na pumasok sa iskuwela noon, sa mall dumiretso ang dalagita at nakipagkita sa kaibigang kay tagal din inasam na makita at makasama. Iyon ang desisyong kahit kailan ay hindi niya pinagsisihan.
“Salamat naman at nakarating ka! Hindi ka ba mapapagalitan niyan?” nag-aalalang tanong ni Jericho.
“Okay lang. Ang mahalaga’y nakita kita,” tugon naman ni Gigi.
“Tara kain tayo? Sagot ko!” pag-aaya pa ng binatilyo.
Kumain at nagkwentuhan ang dalawa hanggang sa naging seryoso ang usapan.
“Gi, matagal ko na sanang ginawa ‘to, pero natatakot akong masira ang pagkakaibigan natin. Gusto kong malaman mo na matagal na kitang gusto. Mahal na nga kita e. Gusto sana kitang maging girlfriend. Maaari ba?” nahihiyang tanong ng lalaki.
Namula naman ang mga pisngi ng babae at bahagyang napaluha. “Ang totoo niyan, elementarya pa lamang tayo, gusto na rin kita. Mahal din kita, Jericho… at oo, magmula ngayon, girlfriend mo na ako.”
Isang malaking ngiti naman ang kumurba sa mukha ng lalaki. Napatayo ito at saka humalik sa noo ng dalaga.
“Sa wakas! Girlfriend na kita!”
Natakpan ng labis na saya ang takot na nadarama ni Gigi mula sa kaniyang ama. Ang alam lamang niya, masaya siya at walang makakapigil sa kanilang damdamin nang mga panahong iyon. Si Jericho rin ang naging takbuhan niya kapag inuusig siya ng mundo. Siya ang naging karamay ni Gigi kapag ayaw nitong umuwi dahil natatakot siya sa kaniyang ama.
Maganda ang naging takbo ng relasyon nilang dalawa, bagama’t hindi na gaanong nagkikita dahil parehong abala sa eskuwela at graduating na, pero napanatili nila ang tiwala at pagmamahal sa kanilang mga puso. Hanggang isang araw…
“Ano ito, Gigi ha? Sinabihan na hindi, ‘di ba?! Bakit sinuway mo pa rin ako?” galit na tanong ng ama ni Gigi habang hawak ang cell phone ng dalaga.
“P-papa… Sorry po.”
Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Gigi. “Hiwalayan mo ito ngayon din! Sinabi ko na sa’yong mag-aral ka muna, pero inuna mo ang pagbo-boyfriend mo! Ngayon, mamili ka kung mag-aaral ka ng kolehiyo o ikukulong ka namin dito sa bahay kapag hindi mo hiniwalayan ito!” sigaw pa ng ama ng dalaga.
“Hi-hiwalayan na po, papa…” takot na takot na sabi ni Gigi.
Agad kinuha ng babae ang cell phone at tumawag habang kaharap ang ama.
“Hello?”
“J-Jericho… may gusto sana akong sabihin…”
“Ano ‘yon, mahal? Sorry nasa practice kasi ako ng graduation.”
“G-gusto ko nang makipaghiwalay sa’yo,” napahagulgol na sabi ng dalaga.
“Bakit? Anong problema? Gusto mo ba magkita tayo? Mag-usap tayo?”
“Hindi. Ayoko. Kailangan ko na rin magseryoso sa pag-aaral at hindi ka nakakatulong. Mayroon na rin akong ibang nagugustuhan kaya tigilan na natin ‘to,” pagsisinungaling pa ng babae.
“Totoo ba iyan? Paano nangyari ‘yon? Gigi naman…” naiiyak na sabi ng binata.
Bago pa man muling magsalita at hinablot na ng ama ni Gigi ang kaniyang cell phone at saka tinapos ang tawag.
“Magmula ngayon, hindi ka na muna gagamit ng cell phone! Diyan sa malapit na kolehiyo ka mag-aaral at bantay-sarado ka magmula ngayon!” pagbabanta ng ama ng dalaga.
Tumango na lamang si Gigi habang patuloy ang pagpatak ng luha mula sa kaniyang mga mata. Alam niyang nasaktan niya si Jericho. Iyon na rin ang naging huli nilang pag-uusap. Hindi na sila nagkita pagkatapos noon. Hindi na rin niya ito hinanap. Pinigilan niyang pagbigyan ang isinisigaw ng kaniyang puso. Pinili niya na gawin ang tama sa mata ng mga magulang niya.
Lumipas ang mga araw, linggo, buwan, hanggang ilang taon, pero hindi nawala sa puso at isipan ni Gigi ang dating kasintahan. Pero kailangan niyang pilitin ang sarili na lumimot. Para sa kaniya rin naman iyon at para na rin sa pangako sa magulang.
Fourth year college siya nang makilala niya si Jenny. Naging matalik silang magkaibigan. Para bang kapatid sa ibang magulang ang naging turingan nilang dalawa. Magkasama sila araw-araw, simula pagpasok hanggang uwian. Makwento si Jenny, lahat ng sikreto nito ay alam ng best friend niya. Madalas nga ang lalaging laman ng usapan nila ay yung manliligaw nito na halos tatlong taon na, hindi pa nito sinasagot.
“Girl, may celebration mamaya ha? Gusto ko pumunta ka. Papakilala ko sa’yo ‘yung boyfriend ko,” pag-iimbita ni Jenny.
“Oh my God! Finally sinagot mo na ‘yung misteryosong manliligaw mo? Sige, text mo sa akin yung address tapos pupuntahan ko kayo. Makiki-third wheel na lang ako,” tugon naman ni Gigi.
Tandang tanda ni Gigi ang oras. 12:09 PM. Pumasok sa restawran ang isang gwapong lalaki na ang mga mata at ngiti ay pamilyar na pamilyar sa kaniya. Ngumiti ito nang malaki, ngiting ang tagal nang hindi nakikita na Gigi.
“Bestie, si Jericho, boyfriend ko,” pagpapakilala ni Jenny sa nobyo. “Babe, si Gigi pala, best friend ko.”
“H-hi…” nauutal na sabi ni Gigi habang inilalahad ang kamay. Isang beses pa niyang nadama ang mainit na palad ng dating kaniya lang hinahawakan tuwing may problema.
Bakas sa mga mata ni Jericho ang pinaghalo-halong gulat, tuwa at lungkot. “Jericho…” sabi nito habang nakikipagkamay.
Gusto ni Gigi na umiyak at yakapin ang dating kasintahan, pero para saan pa? May mahal na syang iba. Sinaktan niya ito dati at wala na siyang karapatang masaktan sa nakikita ngayon.
Naunang magpaalam si Gigi noon, dahilan niya’y sumama raw ang kaniyang pakiramdam.
“Pasensiya na ha? Medyo ‘di kasi mabuti ang pakiramdam ko bigla. Mauna na muna ako,” saad ng dalaga.
“Aga naman, girl! Pero magpahinga ka ha?” sabi naman ni Jenny.
Bahagyang nagkatitigan naman ang dating magkasintahan. “It was nice meeting you, Gigi…” sabi ni Jericho habang nakatingin sa mga mata ni Gigi na nagbabadya nang lumuha.
Hindi mapakali ang dalaga nang makauwi kaya agad niyang tinawagan si Jenny upang sabihin ang totoo. Hindi siya makapaniwala sa narinig…
“I know the truth na, bestie. Ipinagtapat sa akin ni Jericho kanina. ‘Wag kang mag-alala, hindi ako galit. I was surprised pa nga. I am sorry. I had no idea rin, but I love him, kaya sana ‘wag makaapekto ang nakaraan ninyo sa pagkakaibigan natin,” saad ni Jenny.
“Salamat, bestie… I know awkward ito, pero kailangan na lang natin tanggapin lahat. Wala na kami at ikaw na ‘yung mahal niya, kaya masaya ako para sa inyo. Don’t worry, besties for life pa rin tayo,” sagot naman ng dalaga.
Ilang araw pa ang lumipas, nagkasalubong sina Jericho at Gigi sa isang coffee shop sa mall.
“Gi!” pagtawag ni Jericho.
“Oh, hi!” nahihiyang sambit naman ng dalaga.
“Puwede ba tayong mag-usap sandali?”
Tumango si Gigi at saka umupo sa isang silya malapit roon.
“Kumusta ka?” tanong ng dalaga.
“Okay naman na ako. I am happy. Ikaw?”
“Okay naman na din. Eto graduate na. Nag-a-apply sa mga companies.”
“Gi,” seryosong sabi ng binata. What happened before?”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Bakit bigla mo akong iniwan?”
“I’m sorry…” biglang pumatak ang mga luha ni Gigi. “Natakot kasi ako. Pinapili ako ng magulang ko kung ikaw o future ko. I chose my future over you. Sorry, natakot lang ako. Hindi ko sinasadyang iwanan ka. Hindi ko ginusto pero kailangan.”
“Tingin mo hindi ko kayang mag-intay? Ganoon ba kababaw ‘yung tingin mo sa akin, Gi? You hurt me more than I deserve. Sana pinag-intay mo ako. Sana sinabi mo ‘yong totoo. Sana wala tayo sa ganitong sitwasyon ngayon.”
“Please forgive me… I am sorry. Pinagsisisihan ko na lahat. And maybe, kaya tayo pinagtagpong muli ay para sa closure na ito. Sana mapatawad mo ako…” lumuluhang pahayag ng babae.
“I forgive you, pero more than that, forgive yourself. Masyado kang maraming baggage na dala-dala sa puso mo. I hope you find peace within you dahil pinatawad na kita, matagal na. I just want you to be happy again. I want you to find love. Yung love na hindi mo na isusuko ulit. Please, be happy… Gusto ko lang na makita kang masaya ulit, Gigi. Kahit hindi na ako ‘yung dahilan ng mga magiging ngiti at tawa mo. Maging masaya ka ulit, para sa sarili mo. Deserve mo ‘yun,” madamdaming pahayag ni Jericho habang pumapatak ang mga luha.
Isang mahigpit na yakap na lang ang ibinigay ni Gigi…
“Sa susunod na buhay, hahanapin kita ulit. Pangako, ilalaban na kita. Eto na siguro ‘yung iniintay ko para makausad na, ‘yung closure. Minsan iniisip ko, sana sumugal ako. Sana hindi ko pinigilan ang nararamdaman ko. Sana sinunod ko ang puso. Kung naging matapang siguro ako, baka hindi ako dinudurog ng lungkot. Pero ngayong alam ko nang masaya ka, may dahilan na rin ako para umusad nang tuluyan. I’m sorry and thank you dahil napatawad mo ako. I wish you and Jenny happiness. Salamat sa lahat, Jericho. Salamat sa pagmamahal. Paalam, mahal…”
Kinuha ng dalaga ang dala-dalang gamit at saka patakbong umalis sa coffee shop. Umiyak siya nang umiyak. Pero alam niya sa sarili niyang malaya na siya. Malaya na siya mula sa pagkakabilanggo ng nakaraan. Ngayon, kailangan na niyang hanapin muli ang sarili at subukang maging masaya ulit.
Minsan ang tunay na pagmamahal ay hindi binabase sa kung sino’ng ang nananatili at lumalaban, dahil ang tunay na pagmamahal ay nasusukat sa kung sino ang kayang magparaya para sa ikabubuti at ikaliligaya ng taong minamahal.