Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Pakikipagkompitensya sa Kinaiinggitang Kapitbahay ay Napilitan Siyang Tumulong; Iyon Pala ang Magpapabago sa Buhay Niya

Dahil sa Pakikipagkompitensya sa Kinaiinggitang Kapitbahay ay Napilitan Siyang Tumulong; Iyon Pala ang Magpapabago sa Buhay Niya

Kagigising lamang ni Tessa nang umagang ’yon. Mag-isa na naman siya sa bahay dahil ang asawa’t dalawa niyang anak ay pare-pareho nang nagsipasok sa trabaho’t eskuwela. Nag-iinat pa siya habang binubuksan ang mga nakasarang kurtina ng kanilang salas, nang bigla niyang matanawan ang tila mahabang pila sa tapat ng kanilang kapitbahay.

“Ano kayang meron?” takang tanong ni Tessa sa sarili. “Ano na naman kayang pakulo nito ni Marites?” kunot-noo pang dagdag niya.

Hindi pa man siya nakapaghihilamos o nakapagmumumog man lang ay dali-dali na siyang lumabas ng kanilang bahay upang usisain kung ano ang ginagawa ng kanilang kapitbahay. Sa kaniyang paglabas ay agad siyang sinalubong ng isang malaking karatula na nakapaskil sa gate ng bahay nina Marites.

“Libreng Groceries Para sa Nangangailangan!” ayon sa naturang karatula na siyang dahilan pala kung bakit napakaaga pa ngunit napakahaba na ng pila sa tapat ng bahay ng mga ito. Iyon pala ang dahilan kung bakit naparaming ipinamili nina Marites kahapon!

Halos lahat ng bagay tungkol sa kanilang kapitbahay ay alam ni Tessa. Paano ay matagal na siyang inggit na inggit dito sa hindi malamang dahilan, ngunit hindi niya iyon maamin sa kaniyang sarili. Kung tutuusin ay hindi hamak namang mas mayaman ang pamilya nila rito. Mas maganda ang bahay niya at mas maganda ang trabaho ng kaniyang asawa ngunit tila ba palagi na lamang nakalalamang sa kanila ang pamilya nina Marites!

Dahil doon ay naisipan ni Tessa, bakit kaya hindi niya tularan ang istratehiya ng kapitbahay nila? Kokompitensyahin niya ito sa pagpapasikat na ginagawa nito!

Nang araw ding iyon ay agad na nagpatulong si Tessa sa kaniyang mga kumare sa pamimili ng mga groceries na ipamimigay nila sa mga mahihirap upang tapatan ang ginagawa nina Marites. Agad naman siyang pinaunlakan ng mga ito at tinulungan pa sa pag-aakalang maganda ang kaniyang hangarin. Sinigurado niyang lahat ng kaniyang ipamimigay ay mas marami at mas lamang sa ipinamigay nina Marites.

Matapos ang napakahirap na pamimili, pagre-repack at paghahanda para sa pamimigay nila ng mga naturang groceries ay dumating na ang araw na ipamimigay niya ito. Tuwang-tuwa ang kaniyang mga anak at sa unang pagkakataon ay narinig niyang pinuri siya ng asawa!

“Hindi ko alam kung ano ang naisipan mo at ginawa mo ito, mahal, pero proud ako sa ’yo. Sana, noon mo pa ito ginawa. Matuto tayong magbahagi ng mga biyayang natatanggap natin,” sabi nito sa kaniya bago siya nito hinagkan sa noo.

Labis ang naging tuwa ni Tessa nang mga sandaling iyon kaya naman tila puno siya ng enerhiya habang ipinamimigay nila ang mga groceries. Nakadagdag pa roon ang pagsalubong sa kaniya ng masasayang ngiti mula sa mga taong nakatatanggap ng biyaya mula sa kaniya. Dahil doon ay unti-unti nang nakalimutan ni Tessa na ang dahilan lamang ng kaniyang ginagawang pamimigay ay upang kompitensyahin ang kinaiinggitang kapitbahay.

“Tessa!” Isang tawag ang nakapagpahinto sa kaniya sa ginagawa. Nang lingunin niya ito ay nakita niya si Marites, ang kinaiinggitang kapitbahay, habang nakangiti’t papalapit sa kaniyang pwesto.

“Grabe, napakarami ng ipinamimigay mo! Napakabait mo, Tessa. Sana ay marami pang katulad mo rito sa lugar natin. Kami kasi ay kakaunti lang ang nakayanan. Pero ikaw… sobrang dami! Handa kang maglabas ng malaking pera para lang makatulong!” manghang-manghang ani Marites sa kaniya. Doon ay tila nakadama ng kahihiyan si Tessa sa sarili. Pinupuri siya ng taong gusto niyang kalabanin. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit siya naiinggit kay Marites. Iyon ay dahil nagagawa nitong maging kontento at maging mapagpasalamat sa kung ano ang mayroon ito, hindi katulad niya na palaging naghahangad ng mga bagay na mayroon ang iba.

Ngunit ngayon ay tila nagbabago ang pananaw niya. Habang namimigay siya, sa unang pagkakataon ay nakadama siya ng kakuntentuhan sa kaniyang puso. Lalo na habang pinagmamasdan ang masasayang mukha ng kaniyang mag-aama habang tinutulungan siya ng mga ito sa kaniyang pagtulong. Pagod man ang kanilang mga mukha, bakas naman doon ang matinding saya. Totoo pala na kahit ang pinakamaliliit lang na akto ng kabutihan ay kayang magpabago ng buhay ng tao? Iyon ang napatunayan ni Tessa sa kaniyang sarili.

Dahil doon, ang pagtulong nina Tessa ay nasundan pa nang ilang ulit at hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin. Ngunit sa pagkakataong ito, ang dating itinuturing niyang kakompitensya ay kasangga na rin niya sa pagtulong sa iba.

Advertisement