Inday TrendingInday Trending
Palaging Napagkakaisahan sa Eskwelahan ang Kaniyang Anak kaya’t Tinuruan Niya Itong Gumanti; Kalaunan ay Pagsisisihan Niya Pala Ito

Palaging Napagkakaisahan sa Eskwelahan ang Kaniyang Anak kaya’t Tinuruan Niya Itong Gumanti; Kalaunan ay Pagsisisihan Niya Pala Ito

Napakunot na naman ang noo ni Betty. Nakadungaw siya noon sa bintana at tinatanaw ang anak na si Patrick habang bumababa ito sa tricycle na siyang service nito papasok at pauwi galing sa eskwela. Umiiyak na naman si Patrick. Marumi na naman ang puting polo na suot nito. Dahil doon ay agad siyang napatakbo papunta sa pintuan ng kanilang bahay upang salubungin ang anak na nasa ikaapat na baitang pa lamang sa elementarya.

“Anak, ano na naman ang nangyari?!” tanong niya sa anak. Ang totoo ay hindi lang kasi ito ang unang pagkakataon na umuwing umiiyak si Patrick. Ang totoo’y ikatlong araw na ngayon, simula pa nang mag-umpisa ang klase ngayong taon.

“Mama, inaway na naman po ako n’ong kaklase kong matangkad!” pupungas-pungas sa sariling matang sagot naman ni Patrick sa kaniya.

Bumakas ang awa sa mukha ni Betty para sa anak. Hinaplos niya ang mukha nito hanggang sa pawisan nitong dibdib. Ngunit sa tagpong iyon ay hindi rin nakaligtas sa kaniyang paningin ang kulang na namang butones sa polo ng anak. Nang tanungin niya si Patrick kung ano ang nangyayari sa kaniyang uniform, doon niya nalamang palagi pala itong kinukuwelyuhan ng bully nitong kaklase!

Sa galit ni Betty ay kinausap niya nang masinsinan si Patrick. “Sa susunod na gawin sa ’yo ’yan ng kaklase mo, suntukin mo siya sa mukha! O hindi kaya’y sipain mo nang madala!” sabi pa niya.

Nang mahimasmasan si Betty ay huli na para bawiin niya ang itinuro sa anak. Namalayan na lamang niya na nakapasok na ulit ito sa eskuwela.

Nang hapong iyon ay muling inabangan ni Betty ang anak na si Patrick na makauwi sa eskuwelahan. Nais niya itong kausapin. Nagpasya siyang samahan na lamang itong pumasok kinabukasan sa eskwelahan upang maipagbigay-alam sa guro nito ang nangyayari sa kaniyang anak. Tutal ay day-off naman ng kaniyang mister bukas at pwede niyang maiwan dito ang kanilang tatlong taong gulang na bunso.

Ngunit nang hapong iyon ay umuwi si Patrick nang hindi umiiyak. Sa katunayan ay masaya ito, sa pagkakataong iyon ay masaya nitong ibinalita sa kaniya na hindi na raw siya ’di umano aawaying muli ng bully sa kanilang eskwelahan dahil sinunod niya ang utos ng kaniyang ina. Ginantihan niya ito ng suntok sa mukha!

Dahil doon ay inisip ni Betty na mukhang ayos naman ang naging resulta ng payo niya sa anak kahit na nabigla lamang naman siya kaya niya nasabi iyon. Nagpasya siyang huwag na lamang ituloy ang pagpunta sa eskwelahan nito at hinayaan na lamang ang mga nangyari.

Ngunit isang araw, hapon nang sabadong iyon. Walang pasok si Patrick sa eskwela kaya naman nasa bahay lamang ito. Naglalaba nang mga sandaling iyon si Betty nang marinig niyang bigla na lang pumalahaw nang malakas na iyak ang bunso niyang anak! Agad siyang kumaripas nang takbo at namataan niyang magkasama sina Patrick at ang tatlong taong gulang niyang bunso na si Angelo. Laking gulat ni Betty nang makitang may malaking pasa sa pisngi si Angelo!

“Patrick, ano’ng nangyari sa kapatid mo?!” tarantang tanong ni Betty sa kaniyang panganay habang kinakarga ang kaniyang bunso.

“E, mama, pinukpok po ako ni Angelo ng laruan sa ulo kaya ginantihan ko siya. Sinuntok ko po siya sa mukha,” inosente namang sagot ni Patrick na noon ay bakas na rin ang takot sa mukha.

“Ano?!”

Nasapo ni Betty ang kaniyang noo. Agad siyang napailing. Kasalanan niya ito! Talagang mali na hinayaan niyang isipin ng kaniyang anak na tama lang ang gumanti at manakit! Hindi niya tuloy ito magawang pagalitan dahil sa totoo lang ay siya ang dapat sisihin kung bakit nito nagawa iyon sa kapatid nito. Dahil doon ay nagpasya na lamang siyang kausapin nang masinsinan ang anak.

“Anak, naalala mo ba ’yong itinuro ko sa ’yo noon? Na kapag sinaktan ka ulit ng bully sa school n’yo ay gumanti ka at saktan din siya?” panimula ni Betty. Agad namang tumango si Patrick.

“Anak, mali ’yon. Bad ’yong manakit ka ng kapwa mo. Nagkamali ng turo si mama sa ’yo,” agad na pag-amin niya sa anak. “Hindi masamang ipagtanggol mo ang sarili mo, anak, pero mali na manakit ka rin katulad nila. Huwag mo nang uulitin ’yon, anak, ha? Bukas na bukas, pupuntahan natin ang teacher mo para isumbong ang ginawa sa ’yo ng kaklase mo, kasi, gan’on dapat ang tamang gawin, okay?” Agad namang tumangong muli si Patrick at humingi ng tawad. Niyapos at hinagkan din nito ang kapatid habang umiiyak at nangakong hindi na ulit siya mananakit.

Matapos ang pangyayaring iyon ay palagi nang nag-iingat si Betty sa mga sinasabi at itinuturo niya sa anak. Ipinangako niya sa sarili na hindi na muling uulitin ang maling pagtuturo sa anak upang hindi niya iyon pagsisihan sa huli.

Advertisement