Inday TrendingInday Trending
Ikinainis ng Binatilyo ang Paglipat Nila ng Kaniyang Ama sa Isang Mas Maliit na Tirahan; Matatauhan Siya Kapag Nalaman Niya ang Katotohanan

Ikinainis ng Binatilyo ang Paglipat Nila ng Kaniyang Ama sa Isang Mas Maliit na Tirahan; Matatauhan Siya Kapag Nalaman Niya ang Katotohanan

“Eman, ilagay mo na ang mga gamit mo sa loob, sige na,” malumanay na utos ni Mang Felipe sa binatilyong anak na si Eman nang huminto ang jeep na siyang sinasakyan nila at siyang gamit din nila sa paglilipat ng bahay.

Hindi nakaligtas sa paningin niya ang lihim na tahasang pagsimangot ni Eman nang makita na nito ang bahay na lilipatan nila. Bukod doon ay padabog din itong bumaba ng sasakyan, dala ang kaniyang bag at dire-diretsong pumasok sa kanilang bagong tahanan. Napailing na lamang si Mang Felipe. Gustuhin man niyang kagalitan ang kaniyang anak ay alam niyang palalalain lang niyon ang hindi nila pagkakaunawaan ni Eman. Isa pa ay naiintindihan niya ang pinagmumulan nito. Doon kasi sa dati nilang tahanan namumuhay ang lahat ng alaala nilang mag-ama kasama ang ina ni Eman. Ang asawa niyang sumakabilang buhay dahil sa isang malubhang sakit, dalawang taon na ang nakalilipas. Buhat noon ay naging ganito na ang samahan nilang mag-ama. Hindi man magsalita si Eman, alam niya na siya ang sinisisi ng anak sa nangyari sa ina nito, dahil hindi niya nagawang dalhin ang kaniyang misis sa mas magandang pagamutan nang mga panahong iyon.

Lingid sa kaalaman ni Eman, tahasan ang naging pagtanggi ng kaniyang misis na dalhin siya sa isang mas maganda at mas mahal na ospital. Sinabi nito mismo sa kaniya na alam daw nitong hindi na siya tatagal kahit ano pa ang gawin nila, kaya mas mabuting ilaan na lamang sa pag-aaral ni Eman ang perang sana’y gagamitin nito sa pagpapagamot.

Walang nagawa si Mang Felipe noon kundi sundin ang kaniyang misis at ngayon ay hindi niya alam kung papaano niya iyon ipapaliwanag sa anak. Mas mabuti nang siya ang sisihin nito sa pagkawala ng ina, kaysa ibaling nito ang sisi sa sarili.

Buong maghapong nagkulong si Eman sa kwarto nang araw na iyon. Ni hindi man lamang pinagkaabalahang tulungan sa pag-aayos ng bago nilang bahay ang ama. Galit siya rito. Sa isip niya’y wala talaga itong ipinagbago. Noon ay hindi na nito nagawang ipagamot nang maayos ang kaniyang ina, ngayon naman ay bigla pa itong nagpasya na ibenta ang dati nilang tahanan at lumipat sa mas maliit na bahay! Nagsisimula nang maghinala si Eman na mayroon itong pinaglalaanan ng pera nito at isa lang ang posibilidad na kaniyang naiisip… may babae ito!

Nang sumapit na ang oras ng hapunan ay bumaba si Eman. Kung hindi lamang siya nakaramdam ng pagkalam ng sikmura ay hindi niya sasabayan sa pagkain ang ama ngayong gabi. Sa hapag ay nakita niyang nakahain na ang mainit na kanin at ang ulam nilang agad na nagpangiwi sa kaniya.

“Pasensya ka na, anak. Pagod na ako para magluto kaya nagbukas na lang muna ako ng sardinas. Babawi na lang ako bukas,” hinging-paumanhin sa kaniya ng ama, ngunit lalo lamang nainis si Eman.

“Babawi?” mapait niyang tinawanan ang ama. May halong insulto. “Huwag na. Sanay na akong tinitipid mo,” sabi pa ni Eman at padabog na umupo sa harap nito.

Dala ng pagod ay tila hindi naman nakapagpigil si Mang Felipe sa patuloy na pagpapakita sa kaniya ni Eman ng hindi magandang asal. “Huwag mo akong kakausapin nang ganiyan, Eman!” mataas ang tono ng boses na aniya sa anak.

Tila nagulat naman ang binatilyo. Iyon ang unang pagkakataon na nagalit sa kaniya ang ama, sa loob ng dalawang taon.

“Bakit kayo nagagalit? Hindi ba at totoo naman? Tinitipid n’yo ako!” ganting hiyaw ni Eman. “Bakit? Dahil ba sa babae, ha?” dagdag niya pa na siyang talagang ikinapikon ni Mang Felipe.

Umangat ang braso ng ama. Handa na sanang lumapat ang palad niya sa pisngi ng anak nang makaramdam siya ng pagkirot ng dibdib. Bigla niyang nasapo ’yon.

“E-Eman… ’yong gamot ko, k-kunin mo!” hinahapong aniya sa anak na tila nagulat at naguluhan naman sa nangyayari.

Tarantang hinanap ni Eman ang sinasabing gamot ng ama, at ganoon na lang ang gulat niya nang makitang… gamot iyon para sa sakit sa puso!

“Ito ang dahilan kung bakit nagtitipid ako, anak. May sakit ako. Ito ang naging bunga ng pagdamdam ko sa pagkawala ng ’yong ina. Natatakot akong maiwan kang mag-isa kaya naman ibinenta ko ang bahay at bumili ng mas maliit upang may maiwan ako sa ’yo. Ang pera’y gagamitin mo sa pagtatapos mo ng pag-aaral at hindi para sa pambababae ko.”

Natulala si Eman sa nalaman. Agad na nagsisi. Hindi niya namalayang sunod-sunod na pala ang pagtulo ng masaganang luha sa kaniyang mga pisngi! Maya-maya pa ay tinakbo na niya ang pwesto ng ama at niyakap ito nang mahigpit.

“Papa, huwag po… huwag n’yo po akong iwan! Magpagamot po kayo, please!” agad na pakiusap niya rito.

Mabuti na lang, matapos ang makabagbag damdaming tagpong iyon sa pagitan ng mag-ama ay nakumbinsi ni Eman si Mang Felipe na magpakonsulta sa mas magaling na espesyalista. Dahil doon ay nagkaroon sila ng pag-asa lalo na at hindi pa naman malala ang kalagayan ni Mang Felipe. Muli ring nanumbalik ang masaya nilang samahan. Mas nagkaroon sila ng malalim na pagkakaintindihan at masaya silang nabuhay nang magkasama, kahit sa maliit lang nilang bagong tahanan.

Advertisement