
Kinaiinggitan ang Lalaki Dahil Sunod Palagi ang Luho Niya sa Nakatatandang Kapatid; Isang Binatilyo ang Magpapahiya sa Kaniya
Kaarawan na naman bukas ni Chito kaya marami na naman sa mga kaibigan niya ang naiinggit sa kaniya at ramdam na ramdam niya iyon.
“Uy, siguradong hindi ka na naman makatulog ngayon dahil birthday mo bukas, ‘di ba, Chito?” wika ng kaibigan niyang si Lourd.
“Sinabi mo pa! Iniisip ko kasi kung pagbibigyan ni Kuya Calix ang regalong hihingin ko,” tatawa-tawang sagot ng binata.
“Wow, eh kailan ka ba naman hindi pinagbigyan ng kuya mo? E, mahal na mahal ka niyon.”
“Napakasuwerte ko talaga dahil may kapatid akong gaya niya.”
Ang suwerteng dumapo kay Chito ay dahil mayroon siyang kapatid na mabait na nga, mapera pa kaya kahit kailan ay hindi siya nito binigo o hiniya sa mga kahilingan niya lalo na kapag sumasapit ang kaarawan niya.
Kinaumagahan ay tinanong siya ni Calix kung ano ang gusto niyang regalo.
“O, Chito, sabihin mo na agad kung ano ang gusto mong gift ko para sa iyo? Maaga akong aalis dahil may board meeting pa kami sa opisina,” tanong ng nakatatanda niyang kapatid.
“Eh, n-nahihiya ako, kuya, baka hindi mo kaya,” sagot niya.
Napapailing ang kapatid niyang si Calix.
“Ano nga iyon, eh, paano ko masasabi kung kaya kong ibigay kung ‘di mo sasabihin sa akin kung ano ang gusto mo?”
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Chito at sinabi na ang pinakaaasam niyang regalo para sa kaarawan niya.
“K-kotse sana, kuya! Kung mabibigyan mo ako ng kotse, kahit sa susunod na taon, ayos lang sa akin kahit wala na akong matanggap na gift,” hayag niya.
Hindi napahiya si Chito sa kuya niya.
“Okay, basta be sure na marunong kang magmaneho. Sige, you can have it!” tugon ni Calix sa kanya.
“Yahooo! Ang bait at ang galante mo talaga, kuya! Thank you!”
Tuwang-tuwa si Chito dahil pinagbigyan ng kapatid niya ang hiling niya. Wala talagang imposible sa kuya niya kapag humihiling siya rito. Lahat ay ibinibigay sa kaniya.
Nang magkaroon siya ng maganda at bagung-bagong kotse ay mas dumami ang mga kaibigan at kakilala niya na nainggit sa kaniya. Ginamit naman niya ang sasakyan para magpa-cute at magpahanga sa mga babaeng nagkakandarapa sa kaniya sa kanilang lugar. Isang araw ay pinaalalahanan siya ng inang si Giselle tungkol sa pagiging masyado niyang pagdepende sa Kuya Calix niya.
“Matuto kang huwag umasa sa kuya mo, paano kung nagkaroon ka na ng sarili mong pamilya, sa kaniya mo pa rin ba iaasa?” tanong ng ina.
“Huwag niyo po munang isipin ‘yon, mommy, basta ngayon ini-enjoy ko muna ang pagiging bunsong kapatid ni Kuya Calix. Masarap paglambingan si kuya, eh,” sagot niya rito.
Kahit na kinausap siya ng ina ay hindi lang niya iyon pinansin at isinawalang bahala lang.
“Kung anu’t anuman, tiyak namang hindi ako papabayaan ni Kuya Calix,” sambit niya sa sarili habang minamaneho ang bago niyang kotse.
Maya maya ay ipinarada niya iyon sa labas ng isang restawran. Nakaramdam na kasi siya ng gutom kaya naisip niyang kumain na muna. Biglang may binatilyo na lumapit sa kaniya.
“Boss, baka gusto mong pabantayan sa akin ‘yang magara mong kotse? Mahirap na, baka pagtripan ‘yan dito sa labas ng mga loko. Huwag kang mag-alala, magaling akong watcher!”
“Sige, boy! Ingatan mo itong sasakyan ko, ha? Bagung-bago ito, baka may bumakbak ng pintura o may magbasag ng salamin,” aniya.
“Areglado, boss!” tugon ng binatilyo.
Matapos kumain ay lumabas na siya sa restaurant at pinuntahan ang sasakyan niya. Pagbalik niya sa parking lot ay napansin niya ang binatilyong nagbabantay sa kotse niya.
“Titig na titig sa kotse ko ang loko! Pinakamagara kasi sa lahat ng sasakyan na narito,” sabi niya sa isip.
Binayaran niya ang binatilyo sa serbisyo nito.
“O, eto ang bayad mo, boy! Salamat sa matiyaga mong pagbabantay, ha?”
“Salamat, boss! Natutuwa nga ako dahil ang kotse niyo ang binantayan ko. Isa po ‘yan sa pinakamagarang kotseng nabantayan ko rito. Mahal po siguro ang bili niyo riyan!” sagot ng binatilyo.
“H-hindi naman ako ang bumili niyan. Bigay sa akin ng kuya ko ang kotseng ‘yan noong birthday ko,” sabi ni Chito sa kausap.
“Wow! Ang galing naman, sana ako rin…” manghang sabi ng binatilyo.
“Sana ay may kapatid ka rin na gaya ng kuya ko?” natatawang tanong ni Chito.
Ngunit hindi niya inasahan ang itutugon ng binatilyo sa kanya.
“Hindi po. Ang ibig ko pong sabihin… sana tulad ako ng kuya niyo,” anito.
Nagulat si Chito at hindi nakapagsalita sa isinagot ng kausap niya.
“May kapatid din po kasi ako na sunod sa akin na madalas humingi ng kung anu-ano. Kung mapera akong tulad ng kuya niyo ay mapapaligaya ko rin ang kapatid ko, maibibigay ko rin sa kaniya ang lahat ng gusto niya. Kaya nga po umeekstra ako ng pagkayod sa umaga at nag-aaral naman po ako sa gabi para balang araw ay maging katulad ako ng kuya niyo,” hayag pa ng binatilyo.
Napag-isip isip ni Chito na hindi pala lahat ay naiinggit sa kaniya dahil may nagbibigay sa kaniya sa lahat ng naisin niya. Mayroon din palang naiinggit sa nagbibigay gaya ng kuya niya.
Ilang taon ang lumipas, kahit na nakapagtapos na sa kolehiyo ay wala pa ring trabaho si Chito at patuloy pa ring umaasa sa kapatid niya. Nang minsang kumain siya sa restawran na kinainan niya noon ay hindi sinasadyang nakabungguan niya ang binatilyong nakilala niya sa labas ng parking lot.
“O, boy, ikaw na ba yan? Natatandaan mo pa ba ako? Ako ‘yung may-ari ng kotse na binantayan mo noon,” sabi niya sa lalaki na maayos na ang pananamit.
“Oo, kuya, natatandaan po kita! Ikaw po yung may-ari ng magandang sasakyan! Kumusta na? Ako po ay may magandang trabaho na sa Makati. Nakapagtapos na po ako sa pag-aral at sa ngayon ay maayos na ang buhay ng aming pamilya. Nabibili ko na po ng mga bagong gamit ang magulang ko at mga kapatid. Nakabili na rin po ako ng sarili kong kotse na ginagamit ko sa pagpasok sa trabaho. Natupad ko po ang pangarap ko na maging katulad ng kuya niyo!” sambit ng lalaki na nagpakilalang si Josef.
Parang sinampal si Chito sa sinabi ng kaharap. Ang binatilyong nagbabantay lang noon ng mga kotse sa parking lot ay asensado na at may sarili na ring sasakyan na nagmula sa sariling pagsisikap nito samantalang siya ay wala pa ring trabaho at umaasa pa rin sa Kuya Calix niya. Labis siyang nakonsensiya at nakaramdam pa ng matinding hiya at panliliit kaya ngayon ay buo na ang loob niya na magbago.
“Mabuti pa siya, maganda na ang buhay. Kung nakinig lang ako sa kaniya noon,” bulong ni Chito sa sarili habang nagmamaneho pauwi sa kanilang bahay.
Sa kaniyang pag-uwi ay naabutan niya roon ang Kuya Calix niya at minsan pa’y humingi ulit siya rito.
“K-kuya, puwede bang may hilingin ulit ako sa iyo?” tanong niya.
“Aba, natiyempuhan mo talaga na dadalaw ako rito ha? Sure! Anong hiling mo?” natatawang tugon ng kapatid niya.
“Tulungan mo naman ako kung paano makahanap ng trabaho? Ayaw ko na kasing umasa sa iyo. Gusto kong magkaroon ng sarili kong pera para ako naman ang magbigay sa iyo at kina mommy,” sagot niya.
“Are you sick, Chito? Naiba yata ang ihip ng hangin? Pero natutuwa ako sa iyo dahil naisip mo ‘yan! Huwag kang mag-alala at tutulungan kita,” sagot naman ni Calix na masaya sa pagbabago ng kapatid.
Nagpatulong lang si Chito sa kuya niya kung paano ang tamang paghahanap ng trabaho. Hindi siya nagpatulong rito para makapasok sa kumpanya kung saan ito nagtatrabaho, sa ibang kumpanya siya nag-apply at masuwerteng natanggap naman siya roon. Dahil may sarili nang trabaho ay hindi na siya umaasa sa kuya niya. Siya na ang nagbibigay ng regalo at kung anu-ano sa kaniyang pamilya. Kahit maliit lang ang sahod niya ay ayos lang sa kaniya dahil pagsusumikapan niya ito upang ma-promote siya at tumaas ang kaniyang posisyon at sahod sa kumpanya.
Dahil sa pagtitiyaga at magandang rekord sa trabaho, ‘di nagtagal ay umasenso rin siya at nakabili rin ng sarili niyang sasakyan. Ipinagawa rin niya ang kanilang bahay at gaya ng kuya niya ay nabibili na niya anuman ang naisin niya. Laking pasasalamat niya kay Josef dahil ito ang nagmulat sa kaniya na huwag umasa lang sa biyaya ng iba at matutong tumayo sa sariling mga paa.