
Kung Kailan Kailangang-Kailangan ng Pera, Napulot Naman ng Kaherang Ito ang Pitaka na Naiwan ng Isang Kustomer; Maisasalba Ba Nito ang Problema Niya sa Bahay?
Maluwag ang pagkakangiti at magiliw sa kaniyang mga kustomer si Amy, isang kahera sa isang supermarket. Aligaga ang lahat. Malapit na naman kasi ang Pasko, kaya nagpapanic buying na ang mga tao. Akala mo, mauubusan.
Ngunit si Amy, nagpapanic na rin. Hindi sa buying, kung hindi sa bayarin. Marami siyang mga bayaring kailangang intindihin. Bukod sa buwanang hulog niya para sa amortisasyon ng kaniyang bahay na hinuhulugan upang mapasakaniya na sa loob ng 10 taon, parating na rin ang bill sa kuryente, tubig, internet sa bahay na ginagamit ng kaniyang mga kapatid, panggastos sa pagkain, at ‘bitamina’ ng kaniyang ina.
Maliit lamang ang kinikita niya sa pagiging kahera. Minsan, kapag kulang ang benta dahil may namaling sukli, kinakaltas sa suweldo nila. Iyak-tawa. Subalit wala naman siyang magawa. Mahirap umalis sa trabaho at ura-uradang humanap ng kapalit. Mahirap ang buhay ngayon.
Subalit kahit na maraming iniintindi, hindi ito makikita sa awra ni Amy. Paano’y bukod sa maganda na, sadyang palangiti at magaan ang disposisyon niya sa mga bagay-bagay.
Pagkatapos ng kaniyang duty sa supermarket, agad siyang nagtutungo sa likod na bahagi ng supermarket upang rumaket bilang serbidora sa isang maliit na karinderya.
Nakahinga nang maluwag si Amy nang mabakante na rin siya sa mga kustomer. Balak niya ay ayusin ang mga pera sa loob ng kaha. Ngunit dumako ang paningin niya sa isang matambok na pouch na nakapatong sa counter, nasa tantiya niya ay naiwan ng may-aring nagbayad kanina.
Luminga-linga siya sa paligid. Tiningnan kung may nakatingin sa kaniya. Abala ang lahat sa kanilang mga ginagawa. Kinuha ni Amy ang pouch. Kinapa-kapa. Mukhang maraming laman.
Hindi nga siya nagkamali. Bungkos ng pera ang tumambad sa kaniya. Sa tantiya niya ay aabot sa 7,000 piso.
Sapat upang mabayaran niya ang kuryente at tubig.
Sapat upang mabigyan ng mas malaki-laking budget ang kaniyang ina para sa pagkain sa bahay.
Sapat upang mabayaran ang mga utang sa tindahan.
Parang may daga sa dibdib ni Amy. Agad niyang itinago ang pouch. Malakas ang panalangin niyang huwag na sanang bumalik ang may-ari nito. Sana, lumipas na ang araw na iyon, para wala nang magpunta sa kanila at magtanong kung may nahulog na pouch.
Iniisip niya ngayon kung paano maipupuslit ang mga pera. Bago kasi sila umalis sa puwesto ay kinakapkapan sila sa mga bulsa nila. Protocol iyon.
Bibilutin niya ang mga perang papel na kagaya ng sigarilyo.
Palihim niya itong isusuksok sa mga espasyong makikita sa bulsa ng kaniyang pantalon.
Magtutungo siya sa palikuran at ilalagay sa bulsa ng kaniyang panty ang ilan.
Paano kung mahuli siya? Mawawalan siya ng trabaho.
Bahala na…
“Nawawala kasi yung pitaka ko eh…”
Napatingin si Amy sa isang matabang ginang na tila naghahanap ng nawawalang pitaka. Kinabahan si Amy. Paano na ang mga nakaplano niyang paglalaanan sa napulot na pera?
“Ano po bang kulay ng pitaka ninyo?” tanong rito ng isang kasamahang salesman.
“Kulay-pink. May Hello Kitty.”
Sinulyapan niya nang palihim ang nakatagong pouch sa palumpon ng mga plastic bags. Kulay-itim. Nakahinga nang maluwag si Amy. Hindi ito ang hinahanap niya. Kunwari ay p*tay-malisya siya dahil abala sa ginagawang pagbibilang ng pera sa kaha.
Naalala niya ang kaniyang nanay. Tiyak na matutuwa ito kapag binigyan niya ito ng mas malaki-laking budget. Pero tiyak na tatanungin siya nito kung saan kumuha ng malaking pera. May lusot na siyang naiisip. Paluwagan. Sasabihin niya, sumahod siya sa paluwagan.
Ngunit nawala ang mga nabubuong eksena sa kaniyang isipan. Sumagi sa isipan niya ang laging binabanggit nito.
“’Di bale nang magdildil tayo ng asin, basta marangal ang perang kinita natin. Basta yung wala tayong tinatapakang ibang tao, at hindi tayo nakakasakit ng iba. Huwag na huwag ninyong aangkinin ang mga bagay na hindi sa inyo at pagmamay-ari ng iba…”
Napangiti si Amy.
“Naku Miss, maraming-maraming salamat sa iyo! Isa kang tapat na empleyado,” naiiyak na sabi ng may-ari ng pouch. Bumalik ito sa kanila upang hanapin ang nawawala nitong pouch.
Hindi nagtagumpay ang demonyong bumubulong kay Amy; salamat sa mga pangaral ng kaniyang nanay na tumimo sa kaniyang isipan, simula pagkabata nilang magkakapatid.
“Walang anuman ho iyon, Ma’am. Ingat po kayo,” nakangiting saad ni Amy. Lumulundag ang kaniyang puso sa kagalakan.
Hindi niya tinanggap ang alok na tip nito.
“Ma’am, hindi naman po ako nagpapabayad, saka ganoon po kasi ang turo ng mga magulang ko sa amin. Ayos lang ho,” nakangiting pahayag ni Amy.
“Maganda ang pagpapalaki sa iyo ng mga magulang mo. Dito na talaga ako mag-go-grocery kasi mababait at tapat ang mga empleyado.
Sa pag-time out ni Amy, pinatawag siya ng manager sa opisina. May iniabot ito sa kaniya.
“Natuwa yung may-ari ng pouch, kaya may pabuya siya sa iyo kasi ayaw mo raw tanggapin. Nagbigay rin siya ng tarheta, kung sakaling kailanganin mo raw siya.”
Nanlaki ang mga mata ni Amy. Binigyan siya ng 5,000 piso nito! Nakalagay rin sa tarheta nito o calling card na kung kailangan niya ng dagdag na raket, handa siya nitong tulungan.
Napangiti na lamang si Amy. Tunay na mabait pa rin ang Diyos sa mga sumusunod sa Kaniyang kalooban.