
Pinagtatawanan ng mga Kaklase ang Batang Lalaki Dahil sa Pagiging Kalbo; Naisipan Niyang Magsuot ng Peluka, Subalit Naloka ang mga Magulang Niya
“Papa, bagay po ba sa akin ang buhok ko?”
Kapag ganito na ang sinabi ni Bok, mangingiti-ngiti na ang kaniyang Papa. Naglalambing na naman kasi ang kanilang kaisa-isang anak na si Bok. Inilagay ni Bok ang dilaw na hibla ng kanilang walis tambo sa kaniyang ulo. Nanlaki ang mga mata ng kaniyang Mama.
“Bebe naming mabait, marumi ‘yan, huwag mong ilagay sa mukha mo. Sige ka, mangangati ‘yan,” sasabihin ng kaniyang Mama.
“Mama, kailan po ba kasi ako magkakabuhok? Lagi na lang akong inaasar sa paaralan,” malungkot na itatanong ni Bok sa kaniyang Mama at Papa.
Makikita ni Bok na tititigan lamang siya ng kaniyang Mama at Papa, hindi niya maintindihan kung nakangiti ba talaga sila, o parang naiiyak, o parang nalulungkot. Lalo na ang kaniyang Mama.
Hahaplusin nito ang makinis niyang ulo. Sabi ng kaniyang mga kaklase, kumikinang daw ang ulo niya kapag tumatama rito ang liwanag ng bombilya sa silid-aralan nila. Kaya gustong-gusto na niyang magkabuhok sa ulo para hindi na siya napagtatawanan sa paaralan.
Ayaw na niyang bumisita kay Doktora, kasi lagi siyang pinaiinom ng mga gamot na hindi niya gusto ang lasa. Pero nagtataka siya, makapal, makintab, at malinis naman ang buhok ng kaniyang Mama at Papa.
May kakaiba raw siyang sakit, hindi naman daw delikado, pero hindi naman niya matandaan ang tawag. Sabi pa nito, baka nasa lahi raw talaga nila iyon at naipasa sa kaniya. Nagsisimula ito sa letrang A. Alo… alo… alopihan? Alomina? Hindi niya matandaan. Hindi niya mabigkas. Hindi niya matandaan ang bigkas.
“Bebe Bok namin, huwag mo na lang pansinin ang mga kaklase mo,” sasabihin ng kaniyang Mama.
Kaya naman, hinahayaan na lamang siya ng kaniyang Mama at Papa, kapag naglalagay si Bok ng sumbrero sa kaniyang ulo, lalo na kapag namamasyal sila sa mall.
Madalas, laging natatanong ni Bok ang kaniyang Mama at Papa kung bakit bukod-tanging siya lamang ang walang buhok na batang lalaki, hindi katulad sa kaniyang mga kaklase, kapitbahay, kalaro, at iba pang mga batang naglalakad sa mall.
“Ganoon talaga Bebe Bok, lahat ng batang gaya mo, may kaniya-kaniyang katangian,” laging sasabihin ng kaniyang Mama.
Hanggang isang araw, sa araw ng pamamasyal nila sa mall ay may kung anong mga bagay na nakakuha sa atensyon ni Bok. Nanlaki ang kaniyang mga mata.
Samo’t saring mga buhok ang nakita niya: may kulot, may itim na itim at mahabang may mga kulay.
“Ano pong tawag dito Mama, Papa?” usisa ni Bok.
“Peluka o wig ang tawag diyan, anak.”
“Puwede po ba akong gumamit niyan? Gusto ko po niyan!”
Kitang-kita ni Bok ang pananahimik at pagtitinginan ng kaniyang Mama at Papa.
“Sige na po Mama, Papa. Para magkaroon na po ako ng buhok, kahit ganyan lang!”
“Sige na nga Bebe Bok namin, dahil mahal na mahal ka namin ng Papa mo, piliin mo ang pelukang gusto mo,” nakangiting sabi ng kaniyang Mama.
Tuwang-tuwa naman si Bok. Napapalakpak siya at bahagyang napatili. Nakangiti tuloy sa kaniya ang aleng nagtitinda. Tatlong uri ng peluka ang pinili ni Bok.
Isang kulot na kulot na peluka.
Isang itim na itim at mahaba.
At isang iba-iba ang kulay, mahaba rin. Parang mga kulay sa bahaghari.
“Bebe Bok, anak… sigurado ka na ba sa mga napili mong peluka?” hindi matukoy ni Bok kung mangingiti, matatawa, o magagalit ang kaniyang Papa.
Tumango-tango si Bok.
“Baka naman may iba ka pang mapili, yung panlalaki at bagay na bagay para sa iyo,”pilit pa ng kaniyang Papa.
Umiling-iling si Bok.
“Hindi po. Wala na po akong ibang gusto, Papa. Okay na po sa akin ang mga ito.”
Kaya pagdating na pagdating sa kanilang bahay, agad na isinukat ni Bok sa kaniyang ulo ang kulot na kulot na peluka. Nagtatakbo siya sa kuwarto ng kaniyang Mama at Papa at humarap sa malaking salamin.
Ngiting-ngiti si Bok sa kaniyang nakita.
“Bagay pala sa akin ang buhok na kulot-kulot!” bulalas ni Bok.
Sunod naman niyang kinuha ang pelukang itim na itim at mahaba, katulad ng mahaba at makintab na buhok ng Mama niya na alagang-alaga sa shampoo.
Hindi kumukurap ang mga mata ni Bok nang makita niya ang sarili sa salamin.
Kamukhang-kamukha pala niya ang kaniyang Mama! Nahiling niya na sana ay talagang mahaba ang buhok niya.
At ang sunod naman niyang isinuot ay ang pelukang may iba-ibang kulay, na madalas ay nakikita niya sa mga manyika, kapag nagpupunta sila sa mall.
Halos lumuwa ang mga mata ni Bok nang makita na niya ang sarili habang suot ang pelukang may iba-ibang kulay. Parang talagang mga kulay na lumilitaw sa langit pagkatapos ng ulan.
Sinisipat-sipat pa ni Bok ang kaniyang sarili, hanggang sa hindi na niya mapigilan ang sayang nararamdaman.
“Ang ganda ko! Bongga!”
Kanina pa pala nakamasid sa kaniya ang Mama at Papa niya. Tahimik lamang silang nakatingin sa mga kilos at galaw ng kanilang Bebe Bok. Nilapitan nila ang kanilang Bebe Bok.
Bok na ngayon ay hindi na maalis ang pagkakatingin sa salamin.
“Bebe Bok namin, may tanong kami sa iyo ng Papa mo. Sagutin mo nang tapat ha?”
“Ano po ‘yon Mama?” inosenteng tanong ni Bok.
“Alam mo naman sigurong pambabae ang mga pelukang iyan, ‘di ba? Dapat babae ang gumagamit niyan.”
“Opo. Alam ko po,” nakangiting sagot ni Bok. Pupungay-pungay, papikit-pikit pa ang mga mata.
“Anong nararamdaman mo? Masaya ka bang kulot, itim na itim, o may kulay ang buhok mo? Na mahaba at makintab ito?” tanong naman ng kaniyang Papa.
May ilang segundo bago sumagot ang kanilang Bebe Bok.
“Opo. Masayang-masaya po. Sana po magkaroon na ako ng buhok na mahaba at bonggang-bongga!” tugon ni Bok. Tila may kislap ng bituin sa kaniyang mga mata.
Mahigpit siyang niyakap ng kaniyang Mama at Papa. Hinaplos-haplos ang kaniyang ulo, na noon ay may suot na pelukang may iba-ibang kulay.
“Bebe Bok, tatandaan mo ito, wala ka mang buhok o tubuan ka man ng buhok na kasinghaba ng buhok ng Mama mo, ano pa man ang kulay niyan, ano pa man ang gusto mo, tatandaan mong tanggap at mahal na mahal ka namin,” nakangiting sabi ng kaniyang Papa. Tumango-tango naman ang kaniyang Mama.
Kaya masayang-masaya si Bok. Alam niya, darating ang araw na magkakaroon din siya ng sarili, tunay, at bonggang-bonggang buhok!
Hindi naman alam ng mag-asawa kung tama ba ang kanilang ginagawa: subalit ang alam nila, masaya ang kanilang anak sa sarili nito, at sino ba sila upang ipagkait ito. Basta’t nariyan lamang sila sa tabi nito, anuman ang mangyari, at kung anuman ang nais nitong maging sa kaniyang paglaki.

Aktibista ang Lalaki Kaya Ayaw sa Kaniya ng Tatay ng Kaniyang Nobya na Isang Diktador; Maipaglaban Kaya Niya ang Kaniyang Karapatang Mahalin ang Anak Nito?
