Inday TrendingInday Trending
Aktibista ang Lalaki Kaya Ayaw sa Kaniya ng Tatay ng Kaniyang Nobya na Isang Diktador; Maipaglaban Kaya Niya ang Kaniyang Karapatang Mahalin ang Anak Nito?

Aktibista ang Lalaki Kaya Ayaw sa Kaniya ng Tatay ng Kaniyang Nobya na Isang Diktador; Maipaglaban Kaya Niya ang Kaniyang Karapatang Mahalin ang Anak Nito?

Natapos ang pananghalian. Habang iniimis ni Nanay ang mga pinagkainan, diniretso ni Tatay ang ipinakilalang nobyo ni Maymay na si Joey, na kapwa niya nagtapos sa isang state university, ngunit magkaiba sila ng prinsipyo. Kimi si Maymay, si Joey naman ay isang aktibista.

“May balak ka bang i-recruit sa samahan ninyo ang aking anak na si Maymay? Matagal ko nang sinusubaybayan ang mga lakad mo. Nakikita ko rin ang mga post mo sa social media. Masyadong marahas at palaban. Baka ipahamak mo ang anak ko.”

Nakita ni Maymay ang pagkabigla sa diretsahang mga salita ng kaniyang ama. Subalit kilala ni Maymay ang nobyo. Hindi ito papatinag.

“Hindi ko po siya inimbita at wala po akong balak na isali siya. Masyado pa ho siyang mahinhin para isama ko sa aming kilusan. Iginagalang ko po ang mga paniniwala niya, at ganoon din naman po siya. Wala naman po sigurong kaso kung…”

“Puwes, iho, tatapatin kita. Para sa akin, malaking bagay ‘yan. Sa ngayon, maayos kayo. Paano kung nagtagal na kayo? Nagsama sa iisang bubong? Ngayon lang iyang mga kilig-kilig na iyan. Kaya kung ako sa iyo, mag-isip-isip ka na, bata. Hindi sa buhay na pinipili mo ang nais ko sa dalaga namin.”

Natahimik si Joey.

“Kayong mga aktibista kayo, wala kayong kapayapaan sa puso. Lahat na lang sa inyo ay isyu. Sa bawat kibot ng mga nasa posisyon, may mga nasasabi kayo. Ano na lamang ang gagawin nila? Ayaw ninyong pumirmi sa mga inilalatag ng pamahalaan…”

“Sir, iginagalang ko po ang mga paniniwala ninyo, subalit nagpunta po ako rito para makilala kayo at makilala ninyo ako. Hindi naman po siguro maganda kung sa unang araw ng ating paghaharap, mga nagbabanggang ideolohiya na ang pag-uusapan natin, kasi wala pong nais magpatalo at baka mag-away lang po tayo. Mabuti ho’y tutuloy na ako upang makapagpahinga na rin po kayo. Salamat po sa napakasarap na pananghalian,” at tumayo na nga si Joey upang umuwi na.

“J-Joey…”

“Usap na lang tayo sa mga susunod na araw. Sige po, maraming salamat po.”

Pagkaalis ni Joey, kinompronta ni Maymay ang kaniyang Tatay.

“’Tay naman… akala ko ba ibabalato na ninyo sa akin ito? Bakit naman ganun? Pinahiya n’yo naman yung tao, yung mahal ko,” naiiyak na sabi ni Maymay.

“Hindi ko siya gusto para sa iyo, Maymay. Ilalagay ka lang sa peligro ng lalaking ‘yan. Maganda ka, matalino, titulado. May mahahanap ka pang iba.”

“Tatay, hindi po lahat ng bagay tungkol sa akin, kayo ang magdedesisyon. May sarili na po akong isip. Nasa hustong edad. Tapos na po ako ng pag-aaral at may trabaho na,” wika ni Maymay. Kahit kailan talaga, masyadong dominante at diktador na ama si Mang Paldo.

“Kapag sinabi kong hindi, hindi. Ayoko sa mga tumataliwas sa gusto ko, Maymay. Alam mo naman ‘yun. Saka, kailan ka pa natutong sumagot at pagsalitaan kami nang ganyan? Aha, alam ko na… dahil sa pagsama-sama mo sa lalaki na ‘yan, natuto ka nang mangatwiran. Lalo mo lang akong binibigyan ng dahilan para naising lumayo ka sa kaniya.”

“Tatay, kapag nasa katwiran, ipaglaban. Hindi po ako tinuruan ni Joey para maging bastos, ‘Tay. Desisyon ko pong sabihin ang mga ito, dahil ito po ang tama. Mahal na mahal ko kayo ni Nanay dahil mga magulang ko kayo, pero sana naman hayaan naman po ninyo akong magdesisyon para sa sarili ko,” pahayag ni Maymay.

“Aba’y kung ganyan pala katalas na ang bibig mo at matigas na ang mga buto mo, bukas ang pinto ng bahay na ito kung gusto mo nang mag-alsa balutan,” sabi ni Mang Poldo sabay tayo. Papasok na ito sa kuwarto. “Belinda, yung kape ko, bilisan mo!” utos nito sa asawa.

Iyan ang kaniyang tatay. Diktador. Machismo. Mababa ang tingin sa mga gaya niyang babae. Tingin niya sa mga babae ay hindi marunong magdesisyon para sa kanilang mga sarili. Alipin. Naniniwala siya na ang mga babaeng asawa, kailangang pasakop sa mga lalaking asawa, kahit na anong mangyari. Oo lang nang oo, kahit hindi mo na gusto.

Kaya bilib na bilib siya sa kaniyang nanay, na nakayanan nitong makisama sa kaniyang tatay, kahit ganoon ang ugali nito.

“Mahal ko ang tatay mo, anak. Pero mahal din kita. Magdesisyon ka na. Nasa hustong gulang ka na.”

Kinabukasan, nagulat na lamang si Mang Poldo na wala na ang mga gamit ni Maymay. Maging si Maymay. Nag-iwan ito ng sulat.

“Hindi po bukas ang pinto ng bahay kagabi, gaya ng sinabi ninyo, kaya dumaan po ako sa bintana. May basbas po ni Nanay na gawin ko ang desisyon ko. Sasama na po ako kay Joey. Ang inyong masunuring anak, Maymay.”

Walang nagawa si Mang Poldo kundi ang lamukusin ang papel. Lihim namang napangiti si Aling Belinda. Masaya siya para sa anak. Sa wakas, nagawa nito ang isang bagay na hindi niya nagawa.

Samantala, masayang-masaya sina Maymay at Joey… magkasama sila… doon sa bundok.

Balang araw, bababa sila at muling makikipagkita sa pamilya ni Maymay, pero sa ngayon, ipaglalaban muna nila ang kanilang pagmamahalan.

Advertisement