
Nagulat ang mga Empleyado ng Kompanya Nang Magkaroon ng Party para sa Kanila ang May-ari at CEO Nito; May Kailangan bang Ipagdiwang?
Magaling na istrikto—seryosong matalino. Iyan ang mga madalas na katangiang binabanggit ng mga empleyado ni Arturo sa kaniya. Siya ang CEO ng kaniyang sariling kompanya. Pinangingilagan siya ng lahat dahil kapag oras ng trabaho, talaga namang nakapokus siya.
Halos buong isang linggo siya kung magtrabaho at dinaig pa niya ang isang 24/7 na convenience store. Tila ba hindi siya napapagod. Aniya, masaya siyang nagtatrabaho. Kaysa magliwaliw ay mas nanaisin pa raw niyang tapusin ang mga bagay na kailangan niyang tapusin, para sa pagpapalago ng kaniyang kompanya.
Hanggang isang araw, nagulat na lamang ang lahat nang mabalitaan nila na may party raw na idaraos sa kompanya. Mahalagang okasyon umano ito. Lahat ay kailangang dumalo.
“Baka may naisarang deal.”
“Baka mag-eexpand na tayo?”
“Baka ikakasal na siya sa jowa niya? Ay wala pala siyang jowa!”
“Trip lang niya? Bagot sa buhay?”
“Sana naman mag-anunsyo siya na may bonus tayo!”
Iba-iba ang espekulasyon ng mga tao. Hindi malinaw sa lahat kung para saan ang salusalong ito. Maging ang iba pang mga nakatataas na opisyal, maging ang mga miyembro ng board, walang kaide-ideya kung bakit kailangan ito.
Hanggang sa sumapit na ang itinakdang araw ng salusalo.
Magarbo ang pagkakaayos sa bulwagan ng kanilang kompanya. Pawang masasarap din ang mga pagkaing ipinahanda ng kanilang boss, na ipinaluto sa isang mahusay na catering services. Hindi nito ipinaasikaso sa mga staff niya, o kahit na kaninong empleyado sa kompanya, ang naturang pagdiriwang. Maging ang personal secretary, nahihiwagahan din sa kaniyang boss. Sadyang matalino talaga ito dahil naisip nito na isang tao lang ang mapagsabihan niya sa mga mangyayari, tila apoy sa kagubatan na mabilis itong kakalat at lalaganap.
Matapos ang masayang kainan at kuwentuhan, dumako na ang palatuntunan ng kasiyahan sa pagtatalumpati ni Arturo bilang CEO. Lahat ay tahimik na nakamata sa kaniya.
“Natutuwa akong makita kayong lahat sa salusalong ito. Natutuwa ako na kasama ko ngayon sa iisang hapag, kayo na kasama ko at nakatulong nang malaki sa pagpapaunlad ng aking kompanya. Ngayon, may makakahula ba kung bakit ako nagkaroon ng party?” tanong ni Arturo sa lahat.
Tahimik ang lahat. Walang gustong sumagot dahil wala naman talaga silang ideya.
“Tahimik ah. Sige, bibigyan ko ng 5,000 pesos ang sinumang makakahula.”
Nang marinig ang halaga ng pera, isa-isang nagtaasan ng kamay ang ilan, Nagkatawanan naman ang lahat.
“Basta talaga sa pera mabilis kayo ah. Sige, let me call you one by one.”
Subalit lahat ng mga nagtangkang sumagot, lahat sila ay mali.
Walang nakahula.
“Sir, huling kain na po ba namin ito dahil tatanggalin na ninyo kami, o isasara na ninyo ang kompanya?”
Nagtawanan ang lahat sa biro ng naturang empleyado. Lalo silang natuwa nang makitang humahalakhak ang kanilang seryoso at istriktong CEO. Masaya ang lahat. Pinakalma na ni Arturo ang mga empleyado at nagsimula na ulit magsalita.
“Okay, sige… sisimplehan ko lang ang lahat. Listen to me,” saad ni Arturo. “I was… I was diagnosed with stage 4 c*ncer. Mawawala na ako sa mundong ito.”
Nagitla ang lahat. Natigilan ang mga nagbubulungan na nagtatangka pang hulaan ang tunay na dahilan ng pagtitipong iyon. Napanganga ang marami. Napakunot ang noo. Napahawak sa bibig.
“Yes, you are right. You heard it clearly, you heard it right. Malapit na akong kunin ni San Pedro, o yung tagapagbantay sa ibaba. Either of them. At bilang kayo na ang naging pamilya ko sa loob ng maraming mga taong paggugol ko sa oras, panahon, at buhay ko para sa kompanyang ito, gusto kong makasama kayong lahat sa huling oras na nalalabi sa buhay ko.”
Natahimik ang lahat. Nagsimulang mapaluha ang mga empleyadong matatagal na sa kaniya. Isa-isa silang binanggit at pinasalamatan ni Arturo.
Ang kaninang masayang salusalo, kainan, at kuwentuhan, naging malungkot at binabahang iyakan.
“Ngayon, ang tunay na highlight sa gabing ito, ay ang eulogy. Gusto kong marinig ang mga nais ninyong sabihin sa akin bago man lamang ako mawala. Sabihin na ninyo lahat sa akin: kung may galit kayo, may tampo… everything! Gusto kong malaman ang mga sasabihin ninyo sa eulogy ko para alam ko na…”
At isa-isa na ngang nagbigay ng kanilang papuri at pasasalamat sa kanilang CEO na kahit nakilala bilang magaling na istrikto at seryosong matalino ay naging inspirasyon sa kanila.
“Inihahabilin ko na sa aking kaibigang si Charles na siyang COO ngayon ang pagiging CEO ng kompanya,” saad ni Arturo. Nagpalakpakan naman ang lahat ngunit palakpak na hindi mataginting, hindi dahil sa ayaw nila kay Charles, kundi dahil sa malungkot na balitang hatid ni Arturo. “I know that my company will be safe in your hands, my friend.”
“Kaya kayo… sinasabi ninyong idolo ninyo ako at inspirasyon ako sa inyo… pero ako na ang nagsasabi sa inyo: huwag ninyo akong gayahin. Umikot ang buhay ko sa trabaho. Umikot ang buhay ko sa kompanya. Nakalimutan kong tao pala ako, hindi robot. Hindi ko na-enjoy ang kahit isang minutong pagtingin sa mga bulaklak sa bakuran, o makita man lamang ang paglubog ng araw sa Kanluran. Nawalan ako ng oras sa pamilya, kaibigan, at sarili. Napabayaan ko ang kalusugan ko. Hindi ko nga alam sa kahuli-hulihang pagkakataon na may sakit na pala ako, kasi hindi ko pinapansin ang mga iniinda ko. Huwag ninyo akong gayahin.”
Tahimik na lumuluha ang kaniyang mga empleyado. Ninanamnam ang kaniyang mga butil ng karunungan.
“Maglaan kayo ng panahon para sa mga pamilya ninyo, kaibigan, asawa, anak, kapatid, kasintahan… sa inyong sarili. Huwag ninyong kakalimutang alagaan ang inyong mga sarili, iyan ang pinakamahalagang kayamanan sa mundong ito. Kapag tayo ay sumakabilang-buhay na, lahat ng pera ay hindi natin madadala sa hukay. Mauuwi lang ang lahat sa wala.”
May isang matandang lalaking nagtaas ng kamay. Si Mang Lando, ang pinakamatagal at pinakamatandang janitor sa kompanya. Tinawag ito ni Arturo.
“Sir, huwag po ninyong sabihing mauuwi lang ang lahat sa wala. Hindi man ninyo madadala sa hukay ang pera at kayamanan ninyo, marami naman kami na natulungan ninyo. Nakapagdadala kami ng pagkain sa aming mga hapag. Nadadamitan namin ang aming mga sarili at mga anak. Napagpatayo o nakapagpakumpuni ng bahay. Nakapagpatapos ng mga anak. Mawala man kayo sir, mananatili kayong buhay sa aming puso at isipan. Kami at ang aming mga pamilya ang dakilang legacy ninyo, sir,” madamdaming pahayag ni Mang Lando.
At nagpalakpakan ang lahat ng mga empleyado, at tumayo pa sila para bigyang-pugay ang kanilang CEO.
Makalipas ang isang linggo, halos mapuno ang memorial park sa mga empleyado, kaibigan, kasosyo, at iba pang mga kaanak na naghatid sa huling hantungan ng kanilang pinakamamahal na CEO. Nagpaiwan si Charles, ang bagong CEO ng kompanya.
Pangako nila sa kanilang sarili, hinding-hindi nila pababayaan ang kompanyang itinaguyod nito, bagkus ay mas palalaguin pa.