Inday TrendingInday Trending
Inagawan ng Raket ang Dalagang Ito ng Kaniyang Katrabaho; Paano na kaya ang Gastusin Niyang Higit pa sa Sinusweldo Niya?

Inagawan ng Raket ang Dalagang Ito ng Kaniyang Katrabaho; Paano na kaya ang Gastusin Niyang Higit pa sa Sinusweldo Niya?

Kayod kalabaw ang ginagawa ni Shaine para lamang kumita ng pera na sasagot sa lahat ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya. Siya kasi ang gumagastos para sa pagkain ng kanilang mag-anak at pambili ng mga gamot ng kaniyang ina. Bukod pa roon, siya rin ang nagbabayad ng mga bayarin sa tubig, kuryente, at internet connection ng kanilang bahay na ginagamit ng kaniyang mga kapatid para sa online class.

Ito ang dahilan para kahit may permanente na siyang trabaho sa isang kumpanya ng gatas, nagagawa niya pang maghanap ng raket para umayon lamang ang perang kikitain niya sa laki ng gastusin niya sa bahay.

Minsan, siya’y naglilinis ng kuko ng kaniyang mga katrabaho, nag-aayos sa buhok at make-up ng mga ito tuwing may dadaluhan silang pagdiriwang, at kung ano pang pupwedeng pagkakitaan dahilan para kaniyang maitawid ang isang buwang gastusin ng kanilang pamilya.

Nang malaman ng isa sa mga amo niyang Intsik ang ginagawa niyang mga raket upang kumita nang mas malaki, sa kaniya na rin ito nagpalaba ng mga damit na talaga nga namang kaniyang ikinatuwa.

Sa loob kasi ng isang linggo, tatlong beses itong nagpapalaba ng damit sa kaniya. Ang tatlo hanggang limang damit at pantalon na pinalalaba nito ay may kapalit na isang libong piso na malaking tulong para sa kaniya.

Kaya lang, dahil nga malaki-laki na ang kinikita niya kumpara sa iba niyang katrabaho, dumami ang nainggit sa kaniya.

Ang iba’y nanunulot ng kaniyang mga kustomer sa pedicure at manicure, habang ang iba naman, sinisiraan na siya. Ngunit dahil nga likas ang kabaitan niya, lahat ng ito ay pinapalampas niya lamang dahil nga may labada pa siyang mas malaki ang kita kumpara sa mga raket na nasulot sa kaniya.

Pero isang araw, hindi niya labis na inakala na pati ang raket niyang paglalabada, magagawang maagaw ng isa sa mga kadikit niyang empleyado.

“Shaine, hindi na ako papalaba sa’yo,” bungad ng amo niyang Instik, isang araw nang sadyain siya nito sa pwesto niya sa naturang pabrika.

“Ay, bakit po, sir? May problema po ba sa paglalaba ko? May naiwan po bang dumi o baho sa damit niyo kaya hindi na po kayo magpapalaba sa akin? Huwag kayong mag-alala, sir, mas kukuskusin at ibababad ko pa sa fabric conditioner ang mga damit niyo. Huwag niyo lang pong itigil ang pagpapalaba sa akin,” tuloy-tuloy niyang sabi rito.

“Pasensya na ikaw, Shaine, ako bigla naawa kay Monica. May dalawa siya baby na dapat suportahan. Tingin ko siya dapat aking tulungan,” sagot nito na talagang ikinaguho ng mundo niya.

Agad siyang napatingin sa katrabaho niyang si Monica matapos marinig iyon, nakangisi ito at pasimpleng tumitingin sa naturang Intsik na tila ito’y inaakit. Napailing na lang siya nang makita iyon at agad na nagtungo sa palikuran upang doon umiyak.

“Bakit ba ganito kayo sa akin? Naghahanap buhay nang maayos ‘yong tao, aagawan niyo ng pagkakakitaan!” sigaw niya roon habang humagulgol.

“Para sa mga mahihina lang ang pag-iyak at pagrereklamo, hija,” sabat ng isang ginang doon at siya’y labis na napabalikwas nang mapagtanto ito ang pinakamay-ari ng naturang pabrika, “Marami akong napagdaang gan’yang problema noong nagsimula akong magtrabaho at magnegosyo, pero dahil hindi ako sumuko at nagpatalo, ito na ako ngayon,” dagdag pa nito sabay kindat sa kaniya.

“Pa-pasensya na po kayo,” tugon nito saka tumungo.

“Naghahanap ako ng sekretaryang sasama sa akin sa business trip ko bukas, pupwede ka ba? Magaling ka ba?” tanong nito na agad na ikinalaki ng mga mata niya.

“Opo! Magaling po ako! Matatas po akong magsalita ng ingles, maganda po akong manamit, kayang-kaya ko pong…” pagbibida niya sa sarili.

“Tama na, abangan mo na lang ako rito sa pabrika bukas ng alas siyete ng umaga. Magdala ka rin ng ilang mga damit, isang linggo tayo sa Cebu simula bukas,” sabi pa nito na talagang ikinaiyak niya sa tuwa.

Hindi niya pinalampas ang pagkakataong iyon upang magpasikat sa naturang ginang. Ginawa niya ang lahat upang matuwa ito sa trabaho at ugaling pinapakita niya.

Hindi nga siya nagkamali, dahil pagkalipas ng isang linggong pagtatrabaho niya sa ginang, siya nga ay tuluyan na nitong kinuha bilang sekretarya.

Kasabay ng pagtaas ng posisyon niya ay ang pagtaas din ng sahod niya dahilan upang maliban sa umalwan na ang buhay ng kaniyang pamilya, hindi niya pa kailangang rumaket sa iba at magdoble kayod.

“Kapag talaga may nawawala sa’yong oportunidad, may mas magandang darating sa’yo,” sabi niya sa sarili habang naglalakad sa pabirkang dating pinagpapaguran kasama ang ginang na tiwalang-tiwala sa kaniya.

Advertisement