Inday TrendingInday Trending
Nagsilbing ‘Kaharian’ ng Mag-Lolo ang Puno ng Acacia sa Tapat ng Kanilang Bahay; Isang Araw, Nahinto ang Kanilang Pagtungo Roon

Nagsilbing ‘Kaharian’ ng Mag-Lolo ang Puno ng Acacia sa Tapat ng Kanilang Bahay; Isang Araw, Nahinto ang Kanilang Pagtungo Roon

Para kay Rojan, hindi lamang basta puno ang puno ng acacia sa kanilang bakuran. Ito ang kaharian nila ni Lolo Jose, na nag-alaga sa kaniya simula noong maliit pa siya.

Sa paggising sa umaga, pagkatapos ng kanilang agahan, magtutungo na sina Rojan at Lolo Jose sa puno ng acacia na lagi nilang tinatambayan upang maglaro. Nakakatuwa na kayang-kaya pang umakyat sa puno ng kaniyang Lolo Jose sa kabila ng edad nito.

“Oh apo, ikaw ang mag-ingat sa pag-akyat, kasi ang Lolo Jose mo, bata pa lang ay talagang mahilig na siya sa pag-akyat ng mga puno,” paalala sa kaniya ng inay na si Aling Merlinda. “Eksperto yata iyan sa pag-akyat!”

“Talaga po, Lolo Jose?” manghang tanong ni Rojan sa kaniyang lolo na idolo niya.

“Oo, apo. Noong araw, nagtatayo ako ng tree house at iyon ang nagsisilbi naming palaruan ng mga kalaro ko. Talagang sinusulit namin ang mga oras na nasa itaas kami. Napakasarap sa pakiramdam ng dapyo ng hangin sa aming mga balat. Kay sarap talagang mamuhay noong araw,” kuwento ni Lolo Jose.

At magkukuwento na naman si Lolo Jose ng maraming mga salaysayin noong bata pa siya. Siyang-siya talaga si Rojan habang nakaupo silang dalawa ni Lolo Jose sa isa sa mga malalabay na sanga ng acacia, habang siya ay nakasandig sa dibdib nito.

Dahil dito, mas nahihilig pa si Rojan sa mga larong lansangan gaya ng piko, tumbang preso, patintero, luksong baka, at iba pa, kaysa sa mga kasing-edad niyang mga bata, na puro gadgets na lamang ang hawak: karamihan, may mga salamin na sa mata.

“Lolo Jose, kung kayo po ang tatanungin ko, kung hindi po kayo tao, ano pong bagay sa kalikasan ang gusto ninyong maging?” inosenteng tanong ni Rojan.

Napangiti naman si Lolo Jose sa kakaibang tanong ng apo.

“Aba’y napakalalim naman ng tanong ng aking apo. Saan mo ba natutuhan iyan?”

“Sa titser ko po. Iyan ang tanong niya sa amin kanina. Kayo po, kung kayo ang tatanungin, anong bagay po ang naiisip ninyo?”

Saglit na tumahimik si Lolo Jose. Saglit na nag-isip.

“Hindi na ako lalayo… nais kong maging puno! Kagaya nitong puno ng acacia kung saan tayo tumatambay at nagpapalipas ng oras. Kasi, pakiramdam ko, ang puno ay matibay. Ang isang puno, mananatiling nakatayo habang nakamasid lamang sa lahat. Mawala man o maputol ang puno, nagbubunga naman ito, kaya may makakain ang tao, hayop, o kaya ay mga ibon,” paliwanag ni Lolo Jose.

“Eh Lolo Jose, hindi naman po lahat ng puno ay may bunga eh,” sansala naman ni Rojan.

“Ah ganoon ba? Eh ‘di… ugat na lang!” biro ni Lolo Jose. At nagkatawanan sila.

Isang araw ng Sabado, kakaiba ang araw na ito dahil hindi lumabas ng kuwarto ang kaniyang Lolo Jose. Dinadalhan ito ng pagkain ng kaniyang inay. Hindi rin sila puwedeng umakyat sa puno ng acacia.

“Bukas po puwede na?” tanong ni Rojan.

“Kapag maayos na si Lolo Jose mo, oo naman. Pero hangga’t hindi pa siya magaling, hindi pa puwede.”

“Mga isang araw lang po ba iyan?”

“Siguro. Sana, anak…”

Ngunit ang isang araw ay naging isang linggo, dalawang linggo, tatlong linggo, hanggang sa naging isang buwan. Minsan, naiiyak na lamang si Rojan kapag nakikita niya ang lolo na tila hirap na hirap sa iniinda nito.

Inip na inip na si Rojan subalit kapag nakikita niya si Lolo Jose na hindi makatayo sa higaan nito, nakakaramdam siya ng awa. Sa tuwing naririnig niya ang matanda na tila ba umiiyak sa sakit na nararamdaman, parang nais niyang hilahin ito patungo sa acacia kung saan sila tumatambay at nagkukuwentuhan.

“Rojan, bantayan mo muna ang lolo mo ha, pupunta lamang ako saglit sa bayan, kailangan kong mamalengke at mauubusan na tayo ng pagkain,” sabi ng kaniyang inay.

Pagkaalis ng kaniyang inay, lumabas ng kaniyang kuwarto si Lolo Jose. Tuwang-tuwa si Rojan. Sa wakas, nakita na rin niyang nakatayo ang pinakamamahal niyang si Lolo Jose!

“Lolo, magaling na po kayo?”

Hindi sumagot ang kaniyang lolo. Napansin niyang tila pumayat ito nang malubha, parang nanghihina pa. Nanginginig-nginig ang mga kamay.

“Huwag kang maingay sa nanay mo na lumabas at tumayo ako. Gusto kong bisitahin ang kaharian natin, samahan mo ako, apo…”

“Magagalit po si Inay. Sabi po niya, bawal po munang magpunta sa acacia.”

Hindi na sumagot si Lolo Jose. Hinila na ang kaniyang kamay. Isinama sa acacia. Tinangka nitong umakyat, subalit hindi na kaya ng mga tuhod niya. Naupo na lamang siya lupa at sumandal dito.

“Halika apo… mahiga ka rito sa aking kandungan. Gusto kong kuwentuhan mo ako ng mga ginawa mo sa loob ng isang buwang hindi tayo nagtungo rito sa acacia. Makikinig lamang ako habang nagpapahinga.”

At nagsimula na ngang magkuwento si Rojan. Naikuwento niya na natalo niya sa tumbang preso ang mga kalaro, na muntik nang mag-away ang mga kalaro niya dahil lang sa bangsak, at kung ano-ano pa.

Napansin niyang tila nakatulog na ang kaniyang lolo… nakayukayok na ang ulo nito.

“Lolo Jose… tulog na po kayo?”

Hindi tumugon ang matanda. Niyugyog niya ito.

“Rojan? Itay! Itay!”

Nagulat si Rojan sa tili ng kaniyang inay…

Tatlong araw at dalawang gabi ang itinagal ng lamay para kay Lolo Jose. Malungkot na malungkot ang kaniyang inay. Hindi naman siya pinagalitan noong isalaysay niya na si Lolo Jose ang nag-aya sa kaniyang magtungo sila sa acacia, noong araw na sumakabilang-buhay na ito.

Hindi naman mapigilan ni Rojan na malungkot sa tuwing nakikita ang puno ng acacia, na sa palagay niya ay nangitim ang kulay. Tila ba’y nagluluksa.

Isang araw, isang malakas na ulan ang dumaan sa kanila. Hindi nila alam kung bakit natumba ang kanilang puno ng acacia na alam naman nilang matibay na puno. Sa pagkakataong iyon, ito ay tuluyan nang gumupo, na para bang nakikidalamhati sa pagkawala ng kaniyang Lolo Jose.

“Mabuti pa, gawin nating mga muwebles at kasangkapan sa bahay,” ani Aling Merlinda.

Sa halip na gawing panggatong, ipinapagawa ni Aling Merlinda ng maraming mga kasangkapan sa kanilang bahay ang kahoy na nagmumula sa punong acacia: nakagawa ng mga upuan, mesa, bangkito, at higit sa lahat, ay tumba-tumba.

Sa tuwing umuupo sa upuan o tumba-tumba si Rojan, naaalala niya ang paghehele sa kaniya ni Lolo Jose habang sila ay nakaupo sa isa sa mga sanga ng punong acacia. Hanggang sa magkukuwento na ito, at sasandal na siya sa dibdib nito.

Nawala man si Lolo Jose, alam niyang buhay na buhay pa rin ang mga alaala nila sa punong acacia—sa pamamagitan ng mga kasangkapang iyon!

Advertisement