
Bukod sa Pagiging Domestic Helper ay Nangangalkal Din ng Basura ang Babae sa Amerika; Doon Niya Makikilala ang Guwapong ‘Kano na Magpapakilig sa Kaniya
Dahil sa kahirapan ay nagpasiya si Thelma na mangibang bansa para doon magtrabaho. Pangingisda ang ikinabubuhay ng kanyang pamilya sa probinsya na kulang pa ang kinikita sa pang-araw-araw nilang gastusin kaya namasukan siyang domestic helper sa Amerika.
Masuwerte naman siyang natanggap at kasalukuyang nangangamuhan sa isang matandang dalagang banyaga. Wala siyang naging problema sa amo dahil mabait ito at palakaibigan sa mga Pinoy na gaya niya kaya naging maayos ang relasyon nila.
Bukod sa paninilbihan ay may iba pang raket si Thelma sa Amerika. Kapag day off niya o hindi masyadong abala sa trabaho ay namumulot siya ng mga basura na itinatapon ng mga kapitbahay nila.
“Wow, ang gaganda pa ng mga ito! Itong mga damit, sapatos at gadget na itinapon ay mga bago at hindi pa sira. Pati itong mga dinispatsang mga de lata, noodles, mga tsokolate at iba pa ay maaari pang kainin,” gulat niyang sabi habang naghahalungkat sa basurahan.
Ang mga nakukuha niya ay itinatabi niya para magamit pa at ang iba naman ay inilalagay niya sa kahon para ipadala sa Pilipinas. Mula noon ay naging trabaho na rin niya ang mamulot ng mga basura sa lugar nila at ang mga mapapakinabangan ay ibinibigay niya sa pamilya niya at ang iba ay ipinamimigay niya sa mga kasama niyang OFW doon.
“Naku, Salamat Thelma at naisip mong bigyan kami ng mga ganito. Pandagdag din ang mga napupulot mong mga gamit at pagkain sa mga ipapadala namin sa ‘Pinas,” sabi ng isa niyang kaibigang domestic helper.
“Wala iyon mare, sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo ring mga Pinoy, ‘di ba? Hindi naman siguro masama ang ginagawa kong pangunguha ng mga itinapon nilang mga basura na maaari pang pakinabangan. Sayang kasi, eh, mga bago pa ang iba riyan at parang hindi pa nagagamit. Yun ngang mga pagkain na napupulot ko’y mga mukhang bagong bili lang. Itong mga dela lata at cup noodles ay next year pa ang expiration date. Sayang naman kung itatapon lang, ‘di ba? Marami ngayon ang nagugutom lalo na ang mga kababayan natin sa ‘Pinas, may pandemya pa naman, siguradong malaking tulong din ‘yan,” sagot ni Thelma.
Ipinagpatuloy niya ang gayong gawain hanggang sa isa sa mga kapitbahay nila ang nakaalam sa ginagawa niya. Isang araw, habang nangangalkal siya ng basura ay nahuli siya ng kapitbahay nilang ‘Kano nang magbukas ito ng gate.
“Hey, what are you doing?” sabi nito.
Hindi siya nakakibo sa sobrang pagkabigla. Napahiya pa siya nang makita nitong kumukuha siya ng mga bagay na itinapon na nito sa labas.
“A, eh, w-wala po, namamasura lang po,” sambit niya na hindi niya namalayan na nakapagsalita siya ng Tagalog. Mas lalo tuloy siyang napahiya sa sinabi niya dahil siguradong hindi siya maiintindihan ng ‘Kanong ito.
Tumawa nang malakas ang lalaki na napansin niyang napaka-guwapo pala, matangkad at matipuno ang pangangatawan.
“Akala mo siguro ay hindi ko maiintindihan ang sinabi mo, ano? Marunong akong makaunawa at nakakapagsalita ako ng Tagalog dahil ang nanay ko’y isang Pinay din,” wika ng lalaki.
Napamulagat si Thelma sa sinabi ng ‘Kano. Namangha siya dahil ngayon lang siya nakakilala ng Amerikanong matatas sa pagsasalita ng Tagalog. Wala kasi sa itsura ng lalaki na may lahi itong Pinoy. Banyagang-banyaga ang anyo nito na napaka-guwapo talaga. Makalaglag p*nty ‘ika nga, kaya hindi niya tuloy napigilan ang sarili na humanga rito.
“Uy, miss natulala ka na riyan,” sabi pa ng lalaki nang mapansing titig na titig siya.
“A, eh, w-wala, nagulat lang ako kasi ang husay mong magsalita ng Tagalog. P-pasensya ka na ha kung naghahalungkat ako sa basurahan niyo. May mga itinatapon kasi kayong mga gamit at mga pagkain na puwede pang mapakinabangan, nasasayangan kasi ako kaya pinupulot ko. H-huwag mo akong isusumbong ha? Malaki kasing tulong ang mga ito sa mga kagaya kong mahirap lang saka maraming nakikinabang sa mga itinatapon ninyong iyan,” sabi niya.
Napangiti ulit ang lalaki na animong pinagmamasdan siyang mabuti.
“Ako nga pala si Robert, Robert Anderson. Mag-isa lang ako ngayong nakatira diyan sa bahay ko. Matagal nang namayapa ang tatay kong ‘Kano kaya sa aming mag-ina ipinamana ang bahay na iyan. Ang nanay ko naman ay nasa Chicago, inaasikaso ang business niya roon. Paminsan-minsan lang siya kung umuuwi rito. Dahil naabutan kita sa ginagawa mo sa mga itinapon kong basura ay nais kong lubos ka pang makilala, miss. Ano ang pangalan mo at saan ka nakatira rito?” tanong ng lalaki.
Biglang nakaramdam ng kilig si Thelma sa tinuran ng ‘Kano.
“T-Thelma a-ang pangalan ko. Sa bahay na iyon ako namamasukan bilang domestic helper sa amo kong si Ms. Brown,” aniya sabay turo sa bahay ng amo niyang babae.
Napahagikgik pa ang lalaki.
“A, doon ka pala naninilbihan sa matandang dalaga na iyon,” natatawang sabi nito.
Mula noon ay naging magkaibigan na sila ni Robert. Palagi rin itong dumadalaw sa bahay ng amo niya para makita siya. Kapag wala naman siyang trabaho ay niyayaya siya nitong mamasyal at kumain sa labas. Habang tumatagal ay unti-unting nahuhulog ang loob niya sa lalaki ngunit isang gabi, habang nagtatapon siya ng basura sa labas ay nakita niya ito na may kasamang napakagandang Amerikana. Magkaakbay ang dalawa na ang sweet sweet pa sa isa’t isa. Pumasok ang mga ito sa bahay at hindi na niya alam kung ano pa ang ginawa ng mga ito. Nakaramdam ng matinding selos si Thelma sa natuklasan niya. May girlfriend pala si Robert pero bakit palagi siya nitong niyayayang lumabas sila? Sa isip niya ay niloloko lang siya ng lalaki at pinaglalaruan dahil isa lamang siyang hamak na domestic helper. Nagkamali siya ng pagtitiwala kay Robert, ang akala niya ay matino itong lalaki, isa rin pala itong playboy na ‘Kano gaya ng pagkakakilala niya sa ibang kalahi nito.
Iniwasan na niya si Robert. Kapag dumadalaw ito sa bahay ng amo ay hindi na niya ito hinaharap. Palagi niyang palusot ay marami siyang ginagawa. Mabuti na hanggang maaga ay kalimutan na niya ang nararamdaman niya rito. Oo, iniibig na niya si Robert, kahit kaunting panahon palang niya itong nakikilala ay napamahal na ito sa kanya. Pero sa pagkakataong iyon ay dapat na niyang itigil ang kahibangan niya dahil hindi naman siya ang gusto nito, mayroong ibang babaeng kinahuhumalingan si Robert at hindi siya iyon.
Itinuloy niya ang buhay sa Amerika. Kapag day off niya at walang trabaho ay namumulot pa rin siya ng mga basurang maaari pang pakinabangan ng iba. Kapag marami na naman siyang nakolekta ay dagdag iyon sa mga ipapadala niya sa Pilipinas at ang iba ay ibibigay niya sa kapwa niya OFW.
Ngunit isang gabi, muling dumalaw si Robert sa bahay ng amo niya. Bihis na bihis ito at may dala pang pumpon ng mga bulaklak, may kasama rin itong may edad na babae. Nagulat siya nang sabihin ng amo niya na may mga bisita siya. Dahil hindi na siya makalusot ay napilitan siyang harapin ang mga ito.
“A-ano pang ginagawa mo rito? ‘D-di ba may girlfriend ka na? Tigilan mo na ako, Robert. Mas atupagin mo ang girlfriend mo, baka pagselosan pa niya ako kapupunta mo rito. At saka nakakahiya na sa amo ko, nakakaistorbo ka,” sabi niya.
Parang nagulumihanan ang mukha ni Robert sa sinabi niya.
“What do you mean? A-anong girlfriend? Wala akong girlfriend, Thelma,” sambit ng lalaki na may halong pagtataka ang tono.
“H-hindi mo girlfriend ‘yung magandang Amerikana na kasama mo noong nakaraang linggo? Nakita ko kayo na magkasama at panay pa ang lampungan ninyo,” sabi niya na pinamewangan pa ang lalaki.
Natawa si Robert sa tinuran niya.
“A, siya ba? She is Madelaine, my stepsister. Anak siya ng tatay ko sa una niyang asawa na yumao na, pero kahit magkaiba ang aming mga ina ay sobrang close kaming magkapatid. Napakabait din niya kapag na-meet mo. Huwag kang mag-alala, ipapakilala kita sa kanya kapag dumalaw ulit siya sa bahay. Siya ba ang dahilan kung bakit ilang araw mo akong hindi hinaharap at kinakausap?” tanong ni Robert.
Biglang napahiya si Thelma sa nalaman niya. Hindi naman pala girlfriend ang kasama nito. Mas lalo tuloy siyang napaghalataan na nagseselos siya.
“Totoo ang sinasabi ng anak ko, hija. Kahit kailan ay hindi pa siya nagkaroon ng nobya. Kaya nga nagulat ako nang sabihin niya sa akin na may nagugustuhan na raw siya at balak niyang ligawan,” sabad ng kasamang babae ni Robert.
Nagulat siya nang magsalita na ang may edad na babae. Saka pa lamang niya napagtanto kung sino ito.
“Nga pala, nais kong ipakilala sa iyo ang pinakamamahal kong nanay. Pinilit ko talaga siya na isama rito para makilala niya ang kauna-unahang babae na liligawan ko. Thelma, meet my Nanay Anselma, ‘Nay, meet Thelma ang babaeng gusto kong maging girlfriend,” sambit ni Robert na inayos pa ang suot na kurbata, halatang nagpapa-pogi.
Napakagat-labi si Thelma sa ipinagtapat ng lalaki. Kahit nahihiya ay nakipagkamay siya sa ginang.
Hindi lang siya kinamayan nito, niyakap pa siya ng nanay ni Robert.
“Nice meeting you, hija. Masaya akong nakilala ka, puro kasi magagandang katangian mo ang ikinukuwento nitong anak ko sa akin, eh,” wika nito.
“A-ano po ang sinasabi niya tungkol sa a-akin?” tanong niya.
“Ang tungkol sa pangunguha mo ng mga basura. Alam mo ba na matagal ka na niyang gustong makilala? Bago ‘yung araw na nagkakilala kayong dalawa ay palagi ka na niyang pinagmamasdan sa tuwing nangunguha ka ng mga basura sa labas ng bahay namin. Sa tuwing nakikita ka niya mula sa bintana ng aming bahay ay tinatawagan niya ako’t ikinukuwento ang ginagawa mo. Ipinagtataka nga niya ang halos araw-araw mong pagkuha mo sa mga itinapon niyang mga gamit at pagkain, pero nang malaman niya ang dahilan kung bakit mo iyon ginagawa ay mas lalo siyang nagka-interes sa iyo. Ang sabi ng anak ko’y napaka-madiskarte mo raw at mabuting tao na handang tumulong sa iyong pamilya at sa iyong kapwa. Ang katangian mong iyon ang nagustuhan ni Robert, hija,” paliwanag ng ginang.
Tila napipi na si Thelma sa mga narining niya sa nanay ng lalaki. Maya-maya ay si Robert naman ang lumapit sa kanya at iniabot ang hawak nitong pumpon ng mga bulaklak.
“Iyon ang dahilan kung bakit kita minahal, Thelma. Naiiba kang babae, hindi mo iniisip kung ano ang maaaring sabihin sa iyo ng iba basta makatulong ka sa iyong kapwa at sa mga mahal mo sa buhay. Sobra mo akong napahanga. Kaya Thelma, maaari ba akong manligaw?” seryosong tanong ni Robert na lumuhod na sa harap niya.
Napaluha na si Thelma sa nangyayaring iyon sa kanya. Para siyang nakalutang sa ulap dahil hindi lang pala siya ang nagmamahal, pareho rin pala sila nang nararamdaman ni Robert. Pareho nilang mahal ang isa’t isa.
Sinagot niya si Robert at sila ay pormal na naging magkasintahan. Tuwang-tuwa ang Amerikana niyang amo at ang nanay ni Robert sa relasyon nila. ‘Di nagtagal ay niyaya na siya nitong magpakasal. Nang maging mag-asawa sila ni Robert ay pinatigil na siya nito sa pagtatrabaho dahil ang lalaki na ang nagbigay suporta sa kanya at sa pamilya niya na nasa Pilipinas.
Napag-alaman din ni Thelma na hindi pala basta-basta ang napangasawa niya, isa palang mayamang piloto si Robert na tagapagmana ng malaking paliparan sa Amerika. Ang sinabi ng lalaki noon na negosyo ng nanay nito sa Chicago ay ang kilalang paliparan doon na ipinamana ng yumao nitong mayamang amang ‘Kano. ‘Di siya makapaniwala na mula sa pagiging domestic helper na nangangalkal ng basura ay buhay reyna na siya sa piling ng kanyang guwapo at mapagmahal na mister.