
Hinandugan ng Lalaki ng Malaki at Magandang Bahay ang Misis; Lingid sa Kaalaman ng Babae ay May Balak sa Kaniya ang Asawa
Bagong kasal sina Mike at Alyana kaya bongga ang regalo ng mister sa kanyang misis na bahay at lupa na nabili nito sa malaking halaga. Matagal na pinag-ipunan ng lalaki ang handog na iyon sa asawa para sa pagbuo nila ng pamilya.
“Yan ang regalo ko sa iyo, darling,” wika ni Mike nang dalhin niya si Alyana sa bago nilang tahanan.
“H-huh? Ang laki naman niyan, darling! Tayo lang dalawa ang titira riyan?” gulat na tanong ng misis.
“Yes, pero kapag nagkaroon na tayo ng mga anak ay marami na tayong titira sa bahay natin. Maganda ba? Hindi nakakahiyang sabihing ‘yan ang pugad ng ating pagmamahalan at lalakihan ng ating mga magiging supling.”
“O, Mike… napakaganda nitong regalo mo. Nasorpresa mo talaga ako, darling,” tugon ni Alyana sabay yakap nang mahigpit sa asawa. “At hindi lang itong bahay ang superb kundi pati location. Maganda itong napili mo, malayo sa polusyon at tahimik ang lugar na ito,” dagdag pa niya.
“Talagang pinaghandaan ko ito para sa iyo, mahal ko,” sabi ni Mike na hinagkan ang misis sa pisngi.
Naging masaya ang pagtira nila sa maganda at malaki nilang bahay kahit na dalawa lamang sila. Hindi na muna kumuha ng kasambahay ang mag-asawa dahil kaya naman ni Alyana ang mga gawain doon kapag wala ang mister.
“Sayang, kung pumayag ka lang na bumalik ako sa pagtatrabaho sa bangko, sabay na sana tayong aalis na tulad ngayon,” wika niya habang nagpapaalam kay Mike na papasok na sa opisina.
“No, no, no, darling. Hindi ka na ulit magtatrabaho. Tama na sa iyo ang pagandahin ang ating munting pugad,” sagot ng lalaki pagkatapos ay hinalikan siya nito sa labi bago sumakay sa kotse .
Nang makaalis ang asawa ay naisip ni Alyana na magwalis-walis muna sa bakuran para maalis ang inip niya. Maya-maya ay may narinig siyang tumawag sa pangalan niya.
“Hello, Alyana!”
Napalingon siya sa gate at nakita ang lalaking nakatayo sa labas niyon. Laking gulat niya nang mapagsino kung sino ang nagmamay-ari ng boses.
“N-Nelson?”
Dahil malapit siya sa gate ay hindi niya naiwasan ang lalaki.
“Kumusta ka na? Hindi pa rin kumukupas ang iyong kagandahan…tulad noon,” sambit nito.
“A-anong ginagawa mo rito?” tanong niya.
“Ikaw nga ang gusto kong tanungin, anong ginagawa mo rito sa subdivision na ito? Diyan ako nakatira sa kabilang bahay. Kanina ay nakita ko na may umalis na sasakyan dito kaya sabi ko’y may bago pala akong kapitbahay. Pumunta ako rito para makipagkilala, pero matagal ko na palang kilala ang bagong lipat dito. Nang makita kitang nagwawalis, hindi ako maaaring magkamali nang masilayan ko ang maganda mong mukha, sabi ko na nga ba ikaw ‘yan, Alyana,” sabi ng lalaki na tuwang-tuwang nakita siya.
Hindi nakapagsalita si Alyana sa muli nilang pagkikita ni Nelson.
Sukat sa tinuran nito ay bigla ang paglalakbay ng kanyang diwa sa nakaraan. Bagong pasok pa lamang siya noon sa pinagtatrabahuhang bangko at kaarawan ng isa niyang kasamahan na staff din doon. Niyaya siya nito na mag-party sa bahay nito at doon niya nakilala ang lalaki na pinsan ng katrabaho niya.
“Ang pogi naman ng lalaking ito,” sambit niya sa isip nang ipakilala siya rito ng kanyang ka-opisina.
“Napakaganda niya,” bulong naman ni Nelson nang makita siya.
Mula noon ay naging malapit na sila, naging magkaibigan hanggang sa humantong sa mas malalim na relasyon.
Dahil sa labis na minahal ni Alyana ang lalaki ay ibinigay niya rito ang lahat-lahat, pati ang pinakaiingatan niyang pagkababae.
Nagsumpaan din sila na magiging tapat sa isa’t isa.
“Siguraduhin mo lang na wala kang sabit dahil kapag nalaman kong may asawa ka na ay kasusuklaman kita, Nelson kaya sumumpa ka na ako lamang ang nag-iisang babae sa buhay mo,” sabi niya.
“Pambihira ka, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na binata ako. Sige, para sa ikapapanatag ng loob mo, sumusumpa ako Alyana, sumusumpa ako,” sagot naman ng lalaki.
Ngunit ang sumpaan nilang iyon ay biglang gumuho nang gimbalin siya ng isang katotohanan.
“Ikaw ba si Alyana? Ako ang bayaw ni Nelson. Layuan mo na siya, wala kang mapapala sa kanya dahil may asawa na siya at kapatid ko ang misis niya,” sabi ng isang lalaking nagpunta sa bangkong pinagtatrabahuhan niya at kinausap siya.
Nasirang lahat ang pangarap niya. Hindi niya akalain na lolokohin siya’t paglalaruan ng kauna-unahang lalaking pinag-alayan niya ng buong pagmamahal. Nakipaghiwalay siya kay Nelson dahil hindi niya maaatim na maging kabit. Ilang taon ang nagdaan bago siya tuluyang nakalimot at muling umibig at ang lalaking muling nagpatibok sa kanyang puso ay ang kanyang asawa na si Mike.
Nagbalik sa kasalukuyan ang gunita ni Alyana.
“Nung nakipagkalas ka sa akin, kahit kailan ay hindi pa rin kita nakakalimutan. Mahal pa rin kita, Alyana. Ngayong nagkita na ulit tayo, puwede ba nating dugtungan ang nakaraan? Handa kong iwanan ang asawa ko para sa iyo,” pagtatapat ni Nelson.
Hindi napigilan ni Alyana na maluha ‘di dahil sa mahal pa rin niya ito, ang mga luha sa kanyang mga mata ay dahil masakit pa rin sa kanya ang ginawa nitong panloloko.
“Matagal nang tapos ang lahat sa atin, Nelson. May asawa na rin ako at napakabuting tao ni Mike kaya hinding-hindi mangyayari ang gusto mo!”
Dahil sa labis na galit ay nagtatakbo siya papasok sa loob ng bahay.
Kinagabihan ay ikinuwento niya kay Mike ang pagkikita nila ng dati niyang nobyo na si Nelson. ‘Di naman lingid sa mister niya ang kanyang nakaraan. Minahal at pinakasalan siya ni Mike na tanggap ng buong-buo ang pagkatao niya’t mga pinagdaanan sa buhay. Labis siyang mahal ni Mike at mahal na mahal din niya ang asawa kaya buo na ang desisyon niya…
“Gusto kong ipagbili mo na ang bahay na ito, Mike,” sabi niya.
“B-bakit? D-dahil ba kay Nelson?” tanong nito.
“Oo, dahil sa kanya. Alam mo bang dito rin siya nakatira, diyan lang sa tapat ng bahay natin? Kung diyan siya nakatira sa kabilang bahay tiyak na diyan din nakatira ‘yung asawa niya. Alam mo namang kinasusuklaman ko ang lalaking iyon mula nang lokohin niya ako’t gawing t* nga. Ayoko nang tumira rito, ayoko na siyang makita pa. Ipagbili mo na lang itong bahay at lumipat tayo sa iba o ‘di kaya’y…. h-huwag naman sanang tama ang hinala ko,” tugon niya.
Bumuntong hininga muna si Mike bago sumagot.
“A-lam kong dito siya nakatira,” anito.
“What? Kung gayon ay tama pala ang hinala ko, sinadya mong ilapit ulit ako sa kanya p-para ba subukan ako? Iyon ba ang dahilan?” tanong niya.
“Tama, Alyana… dahil ibig kong malaman ang damdamin mo kapag nagkita ulit kayong dalawa. Gusto kong makasiguro na wala ka na talagang nararamdaman pa sa lalaking iyon,” bunyag ni Mike sa kanya.
Masuyong niyakap ni Alyana ang asawa.
“Matagal ko na siyang kinalimutan, Mike. Wala na siya rito sa puso ko, ikaw na ang narito ngayon dahil ikaw na ang mahal ko. Ano pa ba ang katibayang gusto mo?” tanong niya na hindi na napigilang maiyak.
Niyakap siya nang mahigpit ng kanyang mister.
“Naniniwala ako, darling, kaya hindi tayo aalis sa lugar na ito,” wika ni Mike.
“P-pero hindi mo ako naiintindihan, eh. Lihim ka niyang pagtatawanan kapag hindi tayo umalis dito. ‘Engot’ ang magiging tingin niya sa iyo, pagkat ang asawa mo’y…”
Hindi na niya naipagpatuloy ang sinasabi dahil…
“Kaya gusto kong dumito tayo upang patunayan ko sa kanya na wala na siya sa iyo at ako na ang mahal mo. Pakiusap, Alyana, itayo mo ang aking karangalan, hayaan mong lumakad ako sa kanyang harapan ng taas noo ‘pagkat kung ikaw ang masusunod at aalis tayo rito ay iisipin niyang mahal mo pa rin siya. Isipin mo kung saan malalagay ang aking dangal bilang iyong asawa,” hayag pa ng mister.
Sinunod ni Alyana ang kagustuhan ni Mike na manatili sila roon. Araw-araw nilang ipinakita kay Nelson na masaya ang pagsasama nila bilang mag-asawa. Palagi silang lumalabas na magkasama, magkaakbay o ‘di kaya’y magkahawak-kamay pa, na kung minsan ay sweet na sweet pa sila sa isa’t isa.
Hanggang sa isang araw ay si Nelson ang sumuko at…
“You see, siya ang hindi nakatiis sa kanyang mga nakikita sa atin kaya hayan, ipinagbili na nila ang kanilang bahay at lilipat na sa ibang lugar,” sabi ni Mike na itinuro kay Alyana na naghahakot na ng mga gamit sina Nelson sa kabilang bahay habang nakadungaw sila sa bintana.
“Oo, darling…tama ka nga sa sinabi mo na ‘di tayo ang dapat na umalis dito at dahil diyan ay lubos na ang kaligayahan ko,” sagot niya na muling niyakap ang pinakamamahal na mister.
Mula noon ay hindi na nagpakita sa kanila si Nelson. ‘Di nagtagal ay nagbunga na rin ang pag-ibig nilang dalawa sa isa’t isa. Nagdalantao na si Alyana at makalipas ang ilang buwan ay isinilang niya ang malusog na sanggol na lalaki. Sa wakas, kumpleto na ang kanilang pamilya at mas sasaya na ang pagtira nila sa malaking bahay.

Bukod sa Pagiging Domestic Helper ay Nangangalkal Din ng Basura ang Babae sa Amerika; Doon Niya Makikilala ang Guwapong ‘Kano na Magpapakilig sa Kaniya
