Inday TrendingInday Trending
Marami ang Naiinggit sa Babaeng Ito Dahil Mayaman, Gwapo, at Matagumpay sa Negosyo ang Kaniyang Napangasawa; Doon Sila Nagkakamali

Marami ang Naiinggit sa Babaeng Ito Dahil Mayaman, Gwapo, at Matagumpay sa Negosyo ang Kaniyang Napangasawa; Doon Sila Nagkakamali

Sabi ng mga taong nakakakilala kay Cheska, napakasuwerte niya nang mahalin siya ng isang mayaman, guwapo, maganda ang katawan, at negosyanteng si Ford.

Sa tingin din naman niya. ‘Good catch’ sabi nga nila. Litanya naman ng mga babaeng inggitera, nakabingwit daw siya ng matabang isda.

Biglang yaman daw siya.

Akala rin niya noong una ay napakasuwerte niya.

Nagkamali siya.

Enggrande ang kanilang naging kasalan at reception. Palibhasa ay negosyante, nagsidalo at imbitado ang mga litaw na tao sa lipunan. May mga pamilyar na mukha na minsan na niyang nakita sa magazine, diyaryo, telebisyon, at internet.

Siya ay isang hamak na kahera sa isang convenience store. Doon siya nakita ni Ford. Nagulat siya nang ipaalam sa kaniya ng supervisor nila na hiningi raw nito sa kaniya ang cellphone number niya. Wala na siyang nagawa. Simula noon ay lagi na itong tumatawag sa kaniya.

Hanggang sa lumabas na nga sila sa isang date, na naulit nang naulit. Sa mga mamahaling restaurant siya nito dinadala, at lagi pa siyang binibilhan ng stuffed toys at pulumpon ng mga bulaklak. Sino nga naman ba ang hindi mahuhulog sa ganitong klaseng lalaki?

Sa isang cruise ship na pag-aari nito naganap ang kanilang pulot-gata. Hinding-hindi niya ito makalilimutan, hindi dahil sa naging romantiko nitong set-up, kundi sa kakaibang tanong sa kaniyang asawang si Ford, na noon ay naparami na ng inom ng alak.

“Umamin ka na sa akin, hindi ka na birhen, ‘di ba? Laspag ka na. Ganiyan naman kayong mga babae! Pare-pareho kayong malalandi! Kaya mo lang ako pinatulan at pumayag na pakasal sa akin dahil mayaman ako, ‘di ba? Dahil gwapo ako!”

“H-Hindi totoo ‘yan, Ford. Oo, sabihin na natin na gusto ko ang pisikal mong mga katangian, mayaman ka, negosyante ka. Pero hindi lang iyon ang minahal ko sa iyo. Minahal kita dahil naramdaman ko ang tapat na pagmamahal mo sa akin!”

“Sinungaling! Kagaya ka ng nanay ko!”

At sinampal siya nito nang ubod-lakas. Nabuwal siya sa sahig.

Hindi man lamang siya itinayo ni Ford. Sa halip, kinubabawan siya nito, at pinuwersang mailugso ang kaniyang kapurihan.

Pakiramdam niya ay sinamantala siya ng ibang tao. Hindi ng lalaking pinakasalan niya.

Simula noon ay nakita na niya ang tunay na kulay ng taong pinakasalan. Bigla ay tila naging estrangherong tao ito sa paningin niya. Ang palangiting mukha na lagi nitong ibinabandera sa publiko ay huwad pala. Masyado itong magagalitin. Kaunting bagay lamang ay pinalalaki. Higit sa lahat, mapanakit din ito.

Hindi lumilipas ang araw na hindi siya nito natatampal, nasasapok sa mukha, o nababatukan. Kaya naman para sa kaniya ay impiyerno ang buhay niya sa piling nito.

“Anong kasalanan ko sa iyo, bakit mo ako ginaganito?” minsan ay lumuluhang tanong ni Cheska nang minsang bugb*gin siya ni Ford dahil nakita lamang siya nitong kinakausap ang umiikot na security guard sa kanilang subdivision.

“Dahil kamukha mo ang malandi kong ina! Naaalala ko siya sa iyo. Kaya nang makita kita, nagtiyaga talaga akong makuha ka, hindi dahil sa mahal kita, kundi para paghigantihan ka!”

Hahambalusin sana siya nito ng nadampot na lampshade sa mesita nang sipain niya ang pagkalalaki nito. Agad siyang tumakbo palabas ng kanilang bahay.

Batay sa kaniyang pagtatanong-tanong sa mga kasambahay nito, hindi pala siya ang unang naging asawa ni Ford. Ang unang dalawang naging misis nito ay parehong sumakabilang-buhay dahil sa dahas na naranasan dito. Magkakahawig daw sila ng mga naging naunang asawa nito.

Napag-alaman ni Cheska na si Ford ay may kondisyon sa pag-iisip na dulot ng trauma dahil sa ginawa ng nanay nito sa kaniyang tatay.

Kaya galit na galit ito sa mga babaeng kamukha ng nanay niya. Ang ginagawa nito, inaasawa o ginagawang nobya ang mga babaeng ito upang dito ibunton ang kaniyang galit sa mundo.

Ngunit hindi na talaga nakipagbalikan pa si Cheska kahit na nalaman na niya ang dahilan kung bakit ganoon ang gawi ng kaniyang mister.

“Patawarin mo ako, Cheska. Hindi ko naman sinasadya ang lahat ng mga ginagawa ko sa iyo. Hindi ko lang talaga makontrol ang bugso ng damdamin ko. Tulungan mo akong magbago, please, bumalik ka na sa akin,” pagmamakaawa ni Ford nang minsang magkita sila.

“Handa kitang patawarin at kalimutan ang lahat, sa isang kondisyon.”

“Ano ang kondisyon na iyan at ibibigay ko sa iyo? Mark my word.”

“Maghiwalay na tayo. Gusto ko ng annulment. Kapag hindi mo ibigay iyan, ipagpapatuloy ko ang pagsasampa ng demanda. Masisira ang pangalan mo. Makakaapekto sa negosyo mo.”

“Ito na ba ang pinakamahusay na solusyon? Kailangan kita…”

“Kung talagang kailangan mo ako at mahal mo ako, hindi mo ako sasaktan nang ganito,” at tuluyan nang nalaglag ang mga luha ni Cheska, nabasag ang kaniyang tinig. “Hangga’t nakikita mo ang mukha ko, na kamukha ng kinamumuhian mong ina, hindi matatapos ang d*monyong bumubulong sa utak mo. Mabubuksan lamang ang mga sugat. Kaya makabubuting huwag na tayong magkita para hindi na maulit ito. Gusto ko, kapag tiningnan mo ako sa mukha ko, ako ang nakikita mo at hindi ang nanay mo. Magkaibang tao kami, Ford.”

At wala na ngang nagawa si Ford kundi ang ibigay ang kahilingan ng kaniyang misis. Minabuti rin niyang magpagamot sa mga espesyalista upang mawala ang kaniyang trauma, na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa iba. Ibinigay na rin niya ang kahilingan nitong annulment para sa ikatatahimik nilang dalawa.

Advertisement