Isang Magandang Dalaga ang Nakapukaw sa Atensyon at Bumihag sa Puso ng Lalaking Ito; Bakit Bigla na Lamang Itong Naglahong Parang Bula?
Hindi malilimutan ni Conrad ang napakagandang si Maria na nakita at nakilala niya, nang sila ay maglakbay-aral sa misteryosong bundok na pinuntahan nilang magkaklase.
Napahiwalay kasi siya sa mga kasama nang mga sandaling iyon. Sa kaniyang paglalakad-lakad dahil tila naliligaw siya, isang simpleng babaeng namimitas ng mga bulaklak ang nakita niya. Nagtanong siya rito.
“Miss puwedeng magtanong? Saan ba ang daan patungo sa dulo? Naliligaw yata ako?”
Hindi tumugon ang magandang dilag. Sa halip ay itinuro nito ang daan palabas.
“Salamat ha? Ako nga pala si Conrad. Ikaw?” inilahad niya ang kamay upang makipagkamay rito. Tiningnan ng babae ang kaniyang kamay. Nagpaunlak naman ito.
“Maria. Maria ang pangalan ko. Mag-iingat ka.”
Simula noon ay lagi nang nagpupunta roon si Conrad, nagbabaka-sakaling muling makita si Maria. At hindi nga siya nabibigo dahil lagi niyang nakikita ang dalaga sa lugar kung saan niya ito nakita noon.
Lalong nahulog ang loob ni Conrad kay Maria sa tuwing sila ay nagkikita sa lugar na iyon.
“Maaari mo ba akong isama sa inyo? Gusto kong makilala ang mga magulang mo,” minsan ay hiling ni Conrad kay Maria.
“Sige ba… halika, sumama ka sa amin. Tamang-tama, may nakahandang piging sa amin. Halina’t kumain ka, dahil alam kong gutom ka sa layo ng nilakbay mo.”
Isa pa sa kinagigiliwan ni Conrad kay Maria ang malalim nitong pagsasalita na bihirang-bihira na niyang marinig sa mga babae ngayon.
At sumama na nga siya kay Maria sa bahay nito upang dumalo sa piging. May kalayuan at liblib pala ang lugar nitong si Maria.
Pagkarating niya roon, agad na may sumalubong sa kaniya na isang karwahe. Naunang sumakay si Maria sa loob nito. Iniabot ng dalaga ang kaniyang kamay kay Conrad upang pasakayin sa karwahe. Gulat na gulat si Conrad na ang isang simpleng dalagang gaya ni Maria ay parang isang prinsesa.
Pagkarating nila sa isang malaking bahay na para bang kastilyo na nasa gitna ng malawak na hardin, napansin ni Conrad na tila siya lamang ang naiiba sa kanilang lahat dahil ang mga imbitadong panauhin ay para bang mga dugong bughaw. Ang kulay ng kanilang mga buhok ay ginto. Lahat sila ay mapuputi at anyong mayayaman.
Hindi naman niya naramdamang siya ay naiiba sa kanila sapagkat ang mga panauhin, maging ang mga magulang at kaanak ni Maria ay mababait at may pakisama sa kaniya. Kahit pasulyap-sulyap lamang siya kay Maria, ang gabing iyon ay maituturing niyang pinakamasaya sapagkat nakasama niya at nakilala ang pamilya nito.
Nang susubo na siya sa pagkaing inihain sa kaniya ng kasambahay na halos ginto rin ang buhok, biglang humangin nang malakas. Narinig niya ang isang pamilyar na tinig—tinig ng kaniyang ina, tinatawag siya. Sa lakas ng hangin, tumilapon ang gintong pinggan na kinalalagyan ng idinulot na pagkain sa kaniya. Yumuko siya upang kunin ito.
Subalit sa pag-ahon niya mula sa pagkakayuko, sa isang iglap lamang ay biglang nawala ang lahat at tila ba naglaho na parang bula ang mga tao sa paligid maging si Maria.
Nagising siya sa isang silid na tila ba pamilyar sa kaniyang paningin. Nakita niya ang kanyang ina, umiiyak sa kagalakan at nagpapasalamat dahil nagising na ang kanyang anak.
Matapos magising sa katotohanan, ikinuwento ng kanyang ina ang lahat ng nangyari sa kaniya sa loob ng isang linggo.
Sinabi ng kanyang ina na isang linggo na raw siyang wala sa sarili. Wala siyang kilala kahit isa sa kanyang mga kamag-anak at lagi raw siyang nakatulala. Nagsimula raw ito matapos siyang matagpuan ng isang lalaki na nakahandusay sa gitna ng kalsada sa isang ‘di kilalang lugar.
“Isang linggo kang nawala anak, mabuti na lamang at may nakakita sa iyong nakahandusay sa sa isang kalsada, malapit sa paanan ng bundok kung saan kayo nagpunta sa lakbay-aral ng mga kaklase mo. Mabuti na lamang at may ID ka sa loob ng iyong pitaka kaya nasabihan kami ng ospital.”
Nagising na lamang siya nang may isang estrangherong batang hindi taga-roon sa kanila ang nag-abot ng isang maliit na papel sa kaniyang ina. Sinabi ng batang iyon na para magising si Conrad ay kailangan siyang tawagin nang paulit-ulit.
“Anak, sa palagay namin ay namatanda ka. Yung bundok na napuntahan ninyo ay pinaniniwalaang pinamamahayan ng mga diwata at engkanto. Ayon sa albularyo, masuwerte raw na nakabalik ka pa.”
Ngunit sa puso ni Conrad, alam niyang totoong tao si Maria…