Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap na Buntis ang Dalaga para Hindi Iwan ng Nobyo; Hindi Pala Siya Makakalusot sa Ina Nito

Nagpanggap na Buntis ang Dalaga para Hindi Iwan ng Nobyo; Hindi Pala Siya Makakalusot sa Ina Nito

Isa na lang ang naiisip na paraan ni Edna upang huwag siyang hiwalayan ng limang taon niyang nobyo. Ito ay ang magpanggap na siya’y nagdadalantao.

Nasubukan na niya kasing lumuhod sa harapan nito, takutin itong tatapusin niya ang kaniyang buhay kapag nakipaghiwalay ito, at marami pang kat*ngahang bagay upang huwag lamang siyang iwan nito. Kaya lang, lahat ng ito ay walang naging epekto sa naturang binata. Palagi pa nitong sinasabi sa kaniya, “Kahit anong gawin mo, Edna, ayoko na talaga sa’yo.”

Kahit na durog na durog na ang puso niya sa mga masasakit na katotohang sinasabi nito, wala pa rin sa kaniyang bokabularyo ang sumuko. Ito lang kasi ang lalaking nagtiyaga sa ugali niya, sumugal ng libu-libong pera sa negosyong gusto niya, at ang tanging lalaki na nagpaalwan ng buhay niya kahit hindi pa sila kasal. Ngunit sa hindi niya inaasahang tagpo, bigla na lang itong sumuko sa kaniya.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya mag-isip kung paano ito pananatilihin sa tabi niya. Kahit na alam niyang malaking isyu ito sa kani-kanilang pamilya, isinakatuparan niya pa rin ang balak niya isang araw at hindi lang niya ito ginawa sa isang simpleng pamamaraan.

Nagpost pa siya sa social media tungkol sa pagdadalang tao niya. Sabi niya pa roon kasama ng isang litrato ng pregnancy test, “Pasensya ka na, baby, lalaki kang walang tatay,” na talaga nga namang dinumog ng iba’t ibang komento mula sa pamilya niya at ng binata.

Nang mabasa ito ng ina ng kaniyang nobyo, dali-dali siya nitong pinapunta sa bahay at siya’y kinausap nang masinsinan.

“Nakausap ko na ang anak ko, hija, pananagutan niya ang apo ko. Hindi ako papayag na lalaking walang ama ang isang batang gawa sa dugo’t laman ko,” mahinahong sabi sa kaniya ng ina nito.

“Salamat po! Marami pong salamat! Buong akala ko po, mag-isa ko pong palalakihin ang anak namin,” pag-iinarte niya rito habang lumuluha pa.

“Huwag ka nang umiyak d’yan, hija. Tutal, dinadala mo na ang apo ko, rito ka muna mamalagi sa amin para mabantayan kita at para hindi na rin kayo magrenta ng bahay ng anak ko,” alok pa nito na labis niyang ikinatuwa.

“Basta ipangako mo lang na iluluwal mo nang malusog ang apo ko, ha?” nakangiti pa nitong sabi na bakas ang kasabikan sa labi.

Katulad nga ng sabi nito, muling nakipag-ayos sa kaniya ang binata na labis niyang ikinasaya. Tinulungan pa siya nitong maglipat ng gamit upang huwag siyang mapagod at lahat ng gustuhin niyang pagkain, binibigay nito. Kapag naisipan niya pang huwag itong papasukin sa trabaho, susundin nito huwag lamang siya malungkot dahil ayaw nitong maapektuhan ang kanilang anak.

Kaya lang, paglipas ng halos limang buwan, napansin na ng ina ng kaniyang nobya na tila hindi lumalaki ang tiyan niya. Ni hindi rin siya nagpapatingin sa doktor kaya ito’y nabahala na.

“Halika, hija, sasamahan na kitang magpatingin,” yaya nito sa kaniya, isang araw nang mapag-usapan nila sa hapag-kainan kasama ang kaniyang nobyo’t mga kapatid nito ang kaniyang pagbubuntis.

“Ay, huwag na po. Ayos naman po ako. Baka sadyang maliit lang po ako magbuntis,” katwiran niya.

“Hindi normal ‘yan, hija, pwera na lang kung niloloko mo kaming lahat,” diretsahan sabi nito na talagang ikinakaba niya at dahil nga ayaw niyang mabisto, mapahiya, at iwan ng binata, sumama nga siya sa ginang.

Habang nasa biyahe, naisipan na niyang umamin dito. Mabibisto rin naman siya pagdating nila sa ospital kaya minabuti na niyang umamin kaysa lalo itong magalit. Pakiramdam niya naman, maiintindihan siya nito kaya hindi na siya nagsayang ng oras at sinabi niya na ang lahat dito.

“Pakiusap po, huwag niyo pong hayaang hiwalayan ako ng anak niyo,” hikbi niya rito.

“Alam mo, ngayon naiintindihan ko na kung bakit gustong-gusto na niyang kumawala sa’yo. Napakasama pala kasi talaga ng ugali mo! Pati buong pamilya ko, niloko mo dahil lang sa pagiging makasarili mo!” sigaw nito, dahil sa sobrang galit nito, hindi na siya nito pinagsalita pa at agad nang binaba ng sasakyan, “Ayoko nang makita ang pagmumukha mo sa pamamahay ko!” bulyaw pa nito saka siya tuluyang iniwan sa kalsada.

Doon na tuluyang gumuho ang mundo niya. Sinubukan man niyang tawagan ang nobyo, hindi na siya sinasagot nito at pati buong pamilya niya, galit nang malaman ang ginawa niya.

Ngayon niya na napagtantong hinding-hindi niya kayang pilitin ang isang bagay na hindi para sa kaniya dahil kung gagawin niya ito, lalong magkakandaloko-loko ang buhay niya.

Masakit man na palayain ang taong minahal niya nang lubos, unti-unti niya itong pinalaya. Hindi man niya alam kung paano mabubuhay nang wala ito, ginawa niya pa rin ang lahat para muling bumangon sa buhay at kalimutan ang nakaraan.

Advertisement