Ayaw Payagan ng Ginang ang Asawa sa Dadaluhang Pagdiriwang dahil may mga Artista roon; May Dapat nga ba Siyang Pagselosan?
Buong maghapon nang tahimik ang asawa ng ginang na si Pina sa kanilang bahay. Wala itong ginawa kung hindi ang tumulala sa bintana o kung hindi naman, laruin ang anak nilang limang taong gulang.
Mag-iisang linggo na kasi siya nitong sinusuyo upang payagan niya ito sa isang pagdiriwang na gaganapin sa Tagaytay kasama ang lahat ng katrabaho nito. Ipagdidiwang ng pinagtatrababuhan nitong kumpanya ang ika-sampung anibersaryo.
Papayagan niya naman na sana ito kaya lang, nang malaman niyang may mga naggagandahang mga artista ang dadalo, agad niya itong pinaghindian.
“Mahal, wala naman akong pakialam sa mga artistang dadalo roon. Ang gusto ko lang, masaksihan ang ika-sampung anibersaryo ng kumpanya namin. Alam mo namang isa ako sa mga unang empleyado roon, eh. Tiyak ako na may mga igagawad silang parangal o kung hindi, mga regalo para sa amin,” pangungumbinsi pa nito sa kaniya na hindi niya pa rin tinanggap dahilan para malungkot ito nang sobra.
Sa katunayan, dalawang araw na ang nakalilipas matapos niya itong hindi payagan at dalawang araw na rin itong matamlay. Tinanggap at nirespeto man nito ang desisyon niya, ramdam niya pa rin na wala itong sigla.
“Ano? Habambuhay kang maglulugmok d’yan dahil hindi kita pinayagang makadalo sa party na iyon?” mataray niyang tanong dito nang makita niya itong tulala habang nilalaro ang kanilang anak.
“Hindi naman sa ganoon, mahal, napapaisip lang ako bakit hindi mo ako kayang pagkatiwalaan sa mga ganitong bagay,” mahinahong sagot nito na ikinataas ng kilay niya.
“Edi pumunta ka!” sigaw niya rito.
“Hindi na, mahal, ayokong magalit ka,” tugon nito habang pinapapasok sa silid ang kanilang anak na humihikbi na.
“Ayaw mo akong magalit pero pinapakita mo sa akin na dapat payagan kita para mapatunayan kong may tiwala ako sa’yo? Ewan ko sa’yo! Dumalo ka na roon! Pero, huwag ka nang babalik dito!” bulyaw niya pa rito saka agad na umalis ng kanilang bahay. Hinabol man siya nito, mabilis siyang tumawag ng tricycle at nagpahatid sa bahay ng kaniyang kapatid.
Pagkadating niya roon, nadatnan niyang abala sa pamamalantsa ng damit ang kaniyang nakababatang kapatid.
“Ayan ba ang gagamitin mo sa pagdiriwang ng ika-sampung anibersaryo ng kumpanya niyo?” tanong niya rito.
“Oo, ate, ang ganda, ‘no? Baka sakaling may mabingwit na akong binata roon, eh!” biro nito, “Bakit ka nga pala nandito? Nasaan ang paborito kong pamangkin?” pang-uusisa nito dahilan para siya’y mapairap, “Huwag mong sabihing inaway mo na naman ang asawa mo dahil sa mga babaeng wala naman siyang pakialam?” tanong pa nito.
“Porque katrabaho mo siya, kakampihan mo na siya? Sige, magsama kayo!” sigaw niya rito.
“Diyos ko, ate! Kapatid mo ako, kakampi mo ako! Sadyang wala lang talaga akong makitang mali sa ginagawa ng asawa mo! Ni hindi nga kumakausap ng empleyadong babae ‘yon bukod sa akin! Saan mo ba nakuha ‘yang pagseselos mong wala sa lugar?” sambit nito na bahagya niyang ikinakonsensya.
“Paano ka naman nakakasigurong hindi siya kumakausap ng babae sa trabaho niyo? Hindi naman kayo magkasama palagi sa trabaho,” pagmamatigas niya pa.
“Ayon na nga, ate, eh, hindi kami palagi magkasama sa trabaho pero kapag may kailangan siya sa isa naming katrabahong babae, ako pa ang inuutusan niyang makipag-usap! Baka raw kasi magselos ka. Ayaw na ayaw niyang gagawa ng isang bagay na makapagbibigay ng rason para magselos ka! Ang lungkot-lungkot nga ng buhay no’n sa trabaho kapag may kausap na mga babae ang mga kaibigan niyang lalaki!” paliwanag nito na ikinatungo niya na lang.
Dahil sa labis na pangongonsenya at awang naramdaman para sa asawa, agad na rin siyang umuwi pagkatapos siyang pakainin ng meryenda ng kapatid.
Pagkauwi niya, tulog na ang kaniyang mag-ama sa kanilang silid. Ngunit dahil nga hindi na niya makaya ang nararamdaman, agad niyang niyakap ang asawa at umiyak dito.
“Hindi mo naman kailangang maging malungkot sa trabaho para hindi ako magselos. Makipag-usap ka sa iba, mahal, ayos lang sa akin. May tiwala ako sa’yo…” hikbi niya.
“Ayos lang ‘yon, mahal. Ginagawa ko ‘yon para huwag mo akong iwan,” sambit nito saka siya mariing na niyakap.
Dahil doon, napagdesisyonan na niyang payagan ang asawa at ganoon na lang tumaba ang puso niya nang makitang maiyak ang asawa nang marinig ito mula sa kaniya.
“Sigurado ka ba riyan? Pangako, mahal, hindi ako gagawa nang ikagagalit mo!” mangiyakngiyak nitong sabi sa kaniya.
Hindi nga siya nito binigo. Nag-uwi pa ito nang maraming papremyo mula sa naturang pagdiriwang na talagang ikinatuwa niya.
“Binantayan ko ‘yan maigi, ate, walang ginawang masama ‘yan. Huwag mong aawayin pag-alis ko, ha?” biro ng kapatid niyang kasabay nitong umuwi sa kanilang bahay na ikinatawa niya.
Simula noon, nagawa na niyang buong pusong pagkatiwalaan ang asawa dahilan para kahit saan ito mapadpad, wala siyang maramdamang kaba o kahit pag-aalinlangan.