Hinulog ng Binata ang Natitirang Limang Pisong Barya sa Simbahan; May Malaki Pala Itong Balik sa Kanilang Magkakapatid
Maagang nagising ang binatang si Anthony ngayong araw ng Linggo upang magsimba sa isang kilalang simbahan sa kanilang bayan. Wala mang laman ang tiyan niya simula kagabi dahil maliit lang ang kinita niya sa pangangalakal, hindi pa rin siya nagdalawang-isip na bumangon at maglaan ng oras sa pagsisimba.
“Ate, sasama ka ba sa akin?” tanong niya sa kapatid niyang nagising dahil sa mga nagagawa niyang kaluskos habang siya’y nag-aayos ng sarili.
“Oo, teka lang,” tipid nitong sagot saka agad nang nagmumog at nagbihis.
Matiyaga niya itong hinintay sa labas ng kanilang bahay. Habang siya’y naghihintay, nararamdaman na niya ang kulo ng kaniyang tiyan at wala siyang ibang magawa kung hindi ang mapadasal.
“Panginoon, limang piso lang po ang natira sa kinita ko kahapon. Hindi pa po ako nakakain dahil mas kailangan po ng mga kapatid ko ang nabili kong tinapay kagabi. Sana naman po, mapalago niyo ang limang piso ko,” taimtim niyang dasal habang pinapaikot sa daliri ang barya.
“Hoy, Anthony, may limang piso ka pa riyan, ‘di ba?” tanong ng kapatid niya dahilan para siya’y agad na mapadilat, “Akin na nga, ibili natin ng pandesal! Gutom na gutom na ako! Baka mamaya, sa simbahan pa kumulo nang malakas ang sikmura ko!” sabi pa nito dahilan para agad niyang itago ang barya sa kaniyang bulsa.
“Magtiis ka muna, ate, ihuhulog ko ‘to sa simbahan, eh,” tugon niya na ikinainis nito.
“Nahihibang ka na talaga, ‘no? Mas kailangan natin ang baryang ‘yan kaysa sa simbahan! Ang dami-dami nang nagbibigay doon! Samantalang tayo, kagabi pa walang laman ang tiyan!” katwiran nito habang pilit siyang kinakapkapan.
“Magtiwala ka sa akin, ate, kailangan ko lang itong ibigay sa simbahan!” giit niya saka na siyang tumakbo palayo.
Sa simbahan na siya naabutan ng kaniyang kapatid. Tahimik itong umupo sa tabi niya saka siya kinurot nang pino sa hita habang hihinga-hinga.
“Akin na ‘yang barya mo bago pa ako gumawa nang gulo rito,” bulong nito sa kaniya.
“Ihuhulog ko nga ‘to, ate,” sagot niya rito, sasagot pa lang sana ang kapatid niya, agad na silang sinaway ng isang ginang kaya kapatahimik na lang ito at nakinig sa misa.
“Ibigay mo ‘yan sa akin mamaya, ha?” banta pa nito sabay pasimpleng umamba ng suntok sa kaniya.
Maya maya pa, nagsimula nang umikot sa buong simbahan ang mga basket na hinuhulugan ng pera para sa simbahan. Nang mapansin ito ng kapatid niya, agad siya nitong pinanlakihan ng mga mata.
“Huwag mo ‘yang ihuhulog, malalagot ka sa akin!” bulong nito sa kaniya, ngunit imbis na sundin ito, hinulog niya pa rin ang barya sa naturang basket pag-ikot nito sa kanilang upuan na talagang ikinainis ng kaniyang kapatid. Pagkatapos ng misa, agad siya nitong hinila palabas.
“Saan na tayo kukuha nang makakain ngayon, ha? Hindi mo ba naisip na makakakain na tayong limang magkakapatid sa limang pisong pandesal na bibilhin natin? Hindi na kabaitan ang pinapakita mo, kat*ngahan na!” galit na sigaw nito sa kaniya saka siya iniwan doon.
“Ikaw na pong bahala sa kakainin naming ngayong araw,” huli niyang dasal bago tuluyang umalis sa tapat ng simbahan.
Kabado man siya dahil baka manghina sa gutom ang kaniyang mga kapatid, pinili niyang magtiwala sa kakayahan ng Panginoon at hindi nga siya nito binigo dahil pagkauwi niya, tila may pista sa kanilang bahay sa dami ng pagkaing nakalatag sa kanilang maliit na lamesa!
“Saan ‘to galing? Nasaan si ate?” tanong niya sa tatlo niyang mga kapatid.
“Hindi pa dumadating si ate, kuya. Itong mga pagkain, galing ‘to sa gurong nakilala namin sa simbahan. Kaarawan niya raw kasi kaya napag-isipan niyang lutuan kami,” kwento ng nakababata niyang kapatid, bago pa man siya makasagot, dumating naman ang kaniyang ate.
“O, kanino ‘to galing?” tanong nito sabay dakot sa pagkaing nakahain.
“Sa Panginoon,” nakangiti niyang sagot na sinang-ayunan naman ng kaniyang mga nakababatang kapatid dahilan para ito’y mapatigil.
“Mabuti pala talaga, hindi mo binigay sa akin ‘yong limang piso, ano?” patawa-tawang sabi nito, “Simula ngayon, matututo na rin akong magtiwala sa Kaniya! Kita niyo, o, may pagkain na tayo hanggang bukas!” masaya pa nitong wika na talagang ikinatuwa niya.
Hindi man sila kaagad na yumaman o nakatanggap nang malaking tulong sa iba katulad sa mga pelikula, masaya na silang may makain sa araw na iyon dahil para sa kanila, lalo na kay Anthony, ang isang araw na puno ng biyaya ay ayos na.
“Bukas, muli Kitang pagkakatiwalaan,” kaniyang panalangin.