Nawawalan na ng Pag-asa ang Binata dahil sa Tumal ng Nagpapagawa sa Talyer; Dapat na nga ba Siyang Maghanap ng Bagong Trabaho?
Nilalangaw na ang pinagtatrababuhang pagawaan ng mga sasakyan ng binatang si Dino dahil sa dami ng bagong tayong mga pagawaan na bukod sa kumpleto sa gamit, maganda at maayos pa ang pasilidad, dahilan para unti-unting magsilipatan doon ang kanilang mga suki.
At dahil nga kakaunti na lang ang nagpapagawa sa kanila, kakaunti na lang din ang kinikita ng mga empleyado roong katulad niya.
Sa katunayan, sampu ang manggagawa roon noon pero ngayong halos wala na silang kustomer sa isang araw, tatatlong na lamang silang manggagawa ang natitira.
“Baka bukas o kaya sa makalawa, ipasara na ‘to ni boss, ‘no? Saan kaya tayo pupulutin kapag nangyari ‘yon?” pag-aalala ng pinakamatandang manggagawa, isang araw habang sila’y matigayang naghihintay ng kustomer.
“Hindi ko rin alam, kuya, eh. Iyon din ang pinag-aalala ko. Wala akong ibang alam na trabaho bukod sa pag-aayos ng mga sasakyan. Imposible namang kuhanin ako ng mga bagong tayong pagawa riyan sa paligid dahil nga hindi naman ako kagalingan katulad ng mga empleyado nila,” sagot niya saka malalim na huminga.
“Mga kuya, magmadali kayo! May parating na sasakyan! Siguradong sa atin ang punta no’n!” masayang sigaw ng pinakabata sa kanilang tatlo na si Totoy na galing sa karinderya upang bumili ng kanilang makakain.
“Sigurado ka bang sa atin ‘yan magpapagawa? Baka naman sa kabilang talyer ‘yan didiretso,” tugon ng pinakamatanda habang iiling-iling.
Upang masiguro kung saan magpapagawa ang parating na sasakyan, minabuti niya itong tingnan. Siya’y lumabas ng pinagtatrababuhang talyer at hinintay ang pagdating ng sasakyan.
“Boss, may mairerekomenda ka bang talyer na pupwede kong pagkatiwalaan ng sasakyan ko?” tanong nito.
“Ah, eh, opo, boss! Sa amin na lang po kayo magpagawa, siguradong aalagaan po namin ‘yan at aayusin nang may kalidad,” magiliw niyang sabi.
“Sigurado ka, ha? Mamahalin ‘tong sasakyan ko, maalam ba kayo rito?” paninigurado nito.
“Opo, boss! Magtiwala po kayo!” sagot niya dahilan para agad na rin nitong ipasok sa kanilang pagawaan ang sasakyan nito.
Kitang-kita niya kung paano nagliwanag ang mukha ng dalawa niyang katrabaho na labis niyang ikinatuwa.
“Sabi sa inyo rito magpapagawa si sir, eh!” pagyayabang ng pinakabata na ikinatawa niya maigi.
Sinabi lang ng binata ang mga problema ng sasakyan nito saka agad na ring umalis.
“Kayo nang bahala sa pinakamamahal kong sasakyan, ha? May aayusin lang akong papeles d’yan sa katabing gusali,” bilin nito sa kanilang tatlo kaya sila’y sabay-sabay na napasaludo.
“Makakaasa po kayo!” sigaw ng pinakamatanda sa kanila.
Ngunit, nang susubukan na niyang muling paandarin ang makina ng sasakyan, nagulantang siya nang makitang naiwan ng binata ang wallet nito sa loob ng sasakyan.
“Hoy, ano ‘yan?” pang-uusisa ng pinakabata sabay hablot ng wallet na nakita niya sa loob, “Aba! Kung sinuswerte ka nga naman! Ang daming lamang pera!” tuwang-tuwa sabi nito habang pinapaypay ang mga perang nakuha sa loob ng wallet.
“Akin na ‘yan, Totoy, hindi sa atin ‘yan!” agad niyang sambit dito habang pilit na binabawi ang pera.
“Naku, kuya, sa yaman ng lalaking ‘yon, tiyak hindi na niya maiisip na may naiwan siyang wallet sa sasakyan niya! Sa dami ng nakuha kong gamit at pera sa mga mayayamang may-ari ng sasakyang nagpapagawa rito…” katwiran nito habang pilit na tinatago ang pera na agad na pinutol ng pinakamatanda sa kanila.
“Ngayon alam ko na kung bakit tayo nawawalan ng kustomer, hayaan mo makakarating ‘yan agad kay boss,” sambit nito saka agad na kinuha ang pera mula sa kamay ni Totoy, “Dino, ikaw na ang magtabi nito,” sabi pa nito sa kaniya sabay abot ng pera.
Pagkadating ng may-ari, agad nilang iniabot ang wallet na siksik na siksik sa pera. Ni piso, wala silang kinuha rito na talagang nagpahanga sa naturang binata.
“Alam niyo, sinandya ko talagang iwan ‘yan para malaman ko kung katiwa-tiwala talaga kayo. Ako nga pala si Hero, ang bagong may-ari ng talyer na ‘to. Umasa kayong isasama ko kayo sa muling pagbibigay buhay sa pagawaang ito,” sambit nito na ikinagulat nilang lahat.
“Ka-kasama pa rin po ako?” nahihiyang tanong ni Totoy.
“Oo, basta kapag nahuli ka ulit ng isa sa amin, hindi na ako maaawa sa’yo,” tugon nito na ikinatuwa nilang lahat.
“Salamat po!” sigaw ni Dino.
“Labis mo akong pinahanga, hijo!” sambit nito sa kaniya saka siya tinapik-tapik sa likuran.
Iyon na nga ang naging simula ng muling pag-angat ng pinagtatrababuhan niyang talyer. Muling bumalik ang dati nitong sigla dahil sa bagong mga gamit, pasilidad, at makabagong pamamalakad na ginawa ng kanilang bagong boss.
Syempre, kasabay nito ang paggaan ng buhay nilang tatlo na ngayon ay may kaniya-kaniya nang motorsiklo na bigay bilang gantimpala ng mabait nilang bagong amo.
“May pag-asa pa pala ang talyer na ‘to at may pag-asa pa palang gumaan ang buhay ko,” sabi ni Dino sa sarili.