Nagpadala sa Emosyon ang Online Seller na Ito; Manloloko Naman Pala ang Kaniyang Kustomer
Ngayong may pandemya, isa ang ginang na si Toni sa mga kumikita sa pamamagitan ng pagbebenta ng iba’t ibang produkto sa social media na para sa kaniya, isang napakagandang negosyo dahil kahit nasa bahay lang siya, kumikita pa rin siya nang humigit kumulang isang libong piso araw-araw na swak na sa pangangailangan nilang mag-ina. Hindi tulad noong nagtatrabaho pa siya sa isang pabrika na may mababa na ngang sahod, hindi niya pa natututukan ang kaniyang limang taong gulang na anak.
Mga pampaganda, nauusong mga damit, tsinelas, at kung ano pa mang gamit sa bahay ang kaniyang mga binebenta na talaga nga namang patok sa kaniyang mga suki.
Kinukuha niya ang mga produktong ito sa mababang halaga at doble o kung minsan ay triple niya pa itong nabebenta sa social media dahilan para ganoon na lang talaga siya makaipon ng pera.
“Diyos ko, ito na talaga siguro ang biyayang matagal ko nang hinihintay! Konti na lang, makakabili na ako ng bahay at lupa!” tuwang-tuwa niyang sabi sa kaniyang nakababatang kapatid na katuwang niya sa pagbebenta.
“Naku, ate, ngayong kilala ka na sa social media dahil sa dami at lakas ng mga tinitinda mong produkto, dapat mag-ingat ka na sa mga manloloko. Baka mamaya, ikaw na pala ang pinupuntirya nila at mawala pa ang pinaghirapan mong pera!” payo ng kaniyang kapatid habang nilalaro ang kaniyang anak.
“Huwag kang mag-alala, marunong naman akong kumilatis ng kustomer! Baka nakakalimutan mo, nakapagtapos ako ng kursong psychology!” pagyayabang niya na ikinailing na lang ng kapatid.
Hindi niya inintindi ang payo ng kapatid niyang ito, at patuloy pa rin sa pakikipag-usap sa kung kani-kaninong tao sa pagbabakasaling makarami siya ng benta sa mga ito.
Hanggang sa may nagpadala sa kaniya ng isang mensahe. Mula ito sa isang mayamang ginang na nais kumuha ng isang daang piraso ng binebenta niyang sabo na nagkakahalaga ng limang daang libong piso.
“Pupwede po bang makahingi muna ng downpayment para sa order niyo? Masyado po kasing malaki, eh, nakakabahala po,” sambit niya rito nang siya’y tawagan nito.
“Babayaran ka naman, hija, eh. Sa iba ngang pinagkukuhanan ko, hindi nila ako kinukuhanan ng down payment dahil katiwa-tiwala naman ako! Kung ayaw mo, sa iba na lang ako kukuha ng produkto!” galit na sigaw nito sa kaniya na talagang agad niyang ikinapanghinayang.
“Ay, hindi po, sige po, hindi ko na po kayo kukuhanan ng downpayment. Magpadala na lang po kayo ng valid ID sa akin,” magalang niyang tugon dito na agad naman nitong sinang-ayunan.
Nang makita niya ang pinadala nitong valid ID, agad na niyang inorder ang isang daang pirasong sabon na gusto ng ginang. Pinadala niya na rin ito sa address na binigay nito nang walang pag-aalinlangan.
“Ito na ‘yon, Toni! Malaking halaga man ang nilabas mo, malaki rin namang halaga ang babalik sa’yo! Sa isang araw lang, kikita ng halos isang milyong piso!” masaya niyang sabi nang makatanggap siya ng text na natanggap na ng ginang ang mga produkto.
Kaya lang, tatlong oras na ang nakalipas, wala pa ring pumapasok na pera sa kaniyang bank account dahilan para mapagdesisyunan na niyang tawagan ang ginang.
Nagri-ring naman ito noong mga unang tawag niya, kaya lang, hindi nagtagal, hindi na niya makontak ang naturang numero. Sinubukan niya ring i-search sa social media ang account nito pero hindi na niya ito makita.
Ang tanging bumungad lang sa kaniya ay ang sandamakmak na post tungkol sa panggagantsong ginawa ng naturang ginang na talaga nga namang ikinapanlambot niya.
Ni hindi niya magawang umiyak kahit gustong-gusto niya dahil sa halo-halong emosyong kaniyang nararamdaman.
“Pampagawa ko ‘yon ng bahay!” sigaw niya dahilan para mapahangos ang kapatid niyang nag-aalaga ng anak niya at siya’y yakapin nito, “Sana nakinig na lang ako sa’yo. Sana hindi ako masyadong naghangad at nagmadali!” sabi niya saka na siya tuluyang napaiyak.
Sinubukan man niyang ipadakip ang ginang sa pamamagitan ng ID at address na binigay nito, napag-alamanan lang ng mga pulis na peke ang lahat ng ito.
“Ate, wala na tayong magagawa, maging aral na lang ito sa’yo. Hindi porque malaki ang order sa’yong produkto, manghihinayang ka. Mas mabuting wala kang ganoong kalaking order, kaysa mawalan ka ng malaking halaga ng pera,” payo ng kaniyang kapatid na lalo niyang ikinaiyak.
Simula noon, naging maingat na siya sa pagkuha ng mga kustomer. Lalo na kapag malaki ang halagang ipupuhunan niya rito.
Mabagal man ang pag-usad ng ipon niya sa gawaing ito, sigurado naman siyang walang mawawala sa kaniya kahit isang sentimo.