Inday TrendingInday Trending
Grabe Kung Paalalahanan ng Ginang ang mga Anak na Magtipid; Isang Araw ay Pagsubok ang Dumating sa Kanila

Grabe Kung Paalalahanan ng Ginang ang mga Anak na Magtipid; Isang Araw ay Pagsubok ang Dumating sa Kanila

“Justin! Jessica!” sigaw ni Lourdes pagkarating na pagkarating niya sa loob ng bahay. Galing pa siya sa trabaho.

Mula sa ikalawang palapag ay nagkukumahog na nagtakbuhan pababa ang dalawang bata para salubungin siya.

“Bakit po, Mama?” tanong ng panganay na si Jessica, labing tatlong taong gulang. Bahagya pa itong hinihingal.

Napabuntong-hininga siya saka tinuro ang telebisyon na bukas kahit na wala namang nanonood na tao. Nagkatinginan ang dalawang bata saka nagmamadaling lumapit para i-off iyon.

“Anong sinabi ko? Hangga’t maaari ay magtipid kayo. Sayang ang kuryente,” sermon niya sa dalawang bata.

“Sorry po. Nakalimutan namin,” hinging paumanhin naman ni Justin.

Naiiling niyang binitbit ang mga pinamili sa kusina. Ngunit hindi pa rin natigil ang kaniyang sermon sa dalawang anak.

“Mga anak naman, ilang beses ko nang sinabi. Kailan ba kayo matututo? Simple lang naman ang bilin ko, pwedeng gamitin, pero ‘wag aksayahin. Magtipid palagi. Hindi lang sa kuryente, kundi pati sa pagkain at tubig. Iwasan mag-aksaya lalo na’t marami tayong bayarin,” tuloy na tuloy na paalala niya.

Ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa mga bata noon pa. Mas tumindi nga lang nang mabalo siya. Kinailangan niyang magtrabaho para sa mga anak nang doble para matustusan ang mga pangangailngan nila, dahil sino pa ba ang aasahan niya?

Wala na siyang katuwang na asawa kagaya ng dati. Hindi madali ang buhay,at hindi madaling kumita ng pera. Kaya naman ganun na lang ang pagtitipid nilang mag-iina. Iyon lang ang nakikita nylang solusyon para kahit papaano ay mabawasan ang gastos nila at mapagkasya niya ang kakarampot na pera.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga anak niya ang problemang pinansyal nila lalo na’t iyon palagi niyang bukambibig. Mabuti na nga lang mababait at maunawain ang mga anak niya kahit na mga bata pa. Minsan nga lang ay may pagkakataong nakakalimutan ng mga ito na magtipid at kailangang ipaalalang muli.

Isa pa, kailangan rin niyang mag-ipon para sa kinabukasan ng mga bata. Gusto niya kasing mapag-aral sa magandang paaralan ang mga anak pagdating ng tamang panahon.

Matapos ang ilang minuto pang paglilitanya sa mga anak ay inabala niya na ang sarili sa paghahanda ng pagkain.

“Mga anak, kakain na! Tama na muna ‘yan!” tawag niya sa mga ito matapos maghain ng pagkain.

Ilang sandali ay bumaba ang nakababatang si Justin at dumulog sa hapag.Hinintay niya si Jessica ngunit sampung minuto na ay wala pa rin ang dalagita.

“Ang ate mo, bakit hindi pa bumababa?” tanong niya kay Justin na noon ay magana nang kumakain.

Sandali itong lumingon sa silid ng kapatid bago sumagot.

“Hindi raw po siya kakain. Nakahiga lang po sa kama,” anito.

Kumunot ang noo niya sa pagtataka ngunit sa huli ay tumango. Siguro ay busog pa ito sa merienda na kinain nila kaninang hapon. Nang matapos silang kumain ay bumalik na ang anak sa kwarto habang siya naman ay naiwan para maglinis at gawin ang nakaugalian niyang paglilista ng mga gastos para sa araw na iyon.

Tahimik na ang paligid nang marinig niya ang nagmamadaling yapak ni Justin. Humahangos ito palapit sa kaniya, bakas sa mukha ang labis na pag-aalala.

“Gabi na anak, bakit gising ka pa?” tanong niya rito.

“‘Ma, si ate kasi umiiyak sa kwarto niya. Masakit daw po ang tiyan,” bulalas nito.

Naalerto siyang tumayo mula sa kinauupuan para puntahan ang anak. Tama nga si Justin, naabutan niya itong hawak ang sikmura na mukhang kanina pa nito iniinda. Buti-butil ang pawis nito sa noo.

“Halika na’t dadalhin kita sa ospital,” nag-aalala niyang wika sa anak.

Labis ang pagtanggi nito noong una.

“Mama, ‘wag na po. Lilipas din ito,” sagot nito habang namimilipit sa sakit.

Ngunit sa huli ay tila hindi na talaga ito nakatiis at sumama na sa kaniya.

Agad niya ngang sinugod ang anak sa pinakamalapit na pagamutan. Agad naman itong inasikaso ng doktor para matanggal ang sakit na iniinda nito. Nang makita niyang payapa nang namamahinga ang anak ay noon lamang siya nakahinga nang maluwag.

“Dok, ano pong nangyari sa anak ko? May sakit po ba siya?” nag-aalalang tanong niya.

“May impeksyon po sa pag-ihi ang bata. Ayos naman na ang pasyente, kailangan na lang niyang inumin ang mga gamot na irereseta ko. Ang tanong ko lang po, batay sa nakita ko mukhang ilang oras na rin niyang iniinda ang sakit, bakit ngayon lang siya dinala dito?” tanong ng doktor.

Hindi siya nakasagot dahil wala namang sinabi ang anak na may nararamdaman na siya. Nang lapitan niyang binalik dito ang tanong ng doktor at agad siyang naluha sa narinig.

“Dahil ayaw ko pong gumastos tayo. Nakikita ko po kung paano n’yo tipirin ang sarili n’yo kahit na kayo ang nagtatrabaho araw-araw kaya gusto ko pong makatulong kahit papaano at ayoko nang makaabala kaya tiniis ko na lang,” dire-diretsong paliwanag nito.

“Anak, iba naman ‘yun. Pagdating sa inyong magkapatid, gagawin ko ang lahat dahil wala kayong katumbas na halaga. Kaya’t ‘wag na ‘wag n’yo nang uulitin ‘to. Ayokong mapahamak kayo,” umiiyak niyang pahayag bago niyakap ang dalawang anak.

Nagkamali si Lourdes. Labis ang pagsisisi niya. Sa sobrang pokus niya sa pagtitipid ay halos nakalimutan niya na ang tunay niyang yaman—ang kaniyang mga anak. Mabuti na lamang at nagising siya sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat.

Advertisement