Inday TrendingInday Trending
Nakasanayan na ng Babae ang Pagiging Madaya; Isang Araw ay Sumabog ang Katotohanan

Nakasanayan na ng Babae ang Pagiging Madaya; Isang Araw ay Sumabog ang Katotohanan

“Papa, gusto ko ng bagong cellphone. Palitan na natin yung akin, please,” pakiusap ni Elaine isang gabi habang magkakasabay silang kumakain.

Agad na nagkatinginan ang mga magulang niya.

“Bakit naman papalitan na agad? Hindi ba’t ilang buwan mo palang ginagamit ‘yun, ‘nak?” kunot noong tanong ng kaniyang ina.

Hindi na siya nagtaka sa komento ng ina. Inaasahan niya nang may sasabihin ito, kaya nga sinadya niyang sa Papa niya magsabi. ‘Di hamak kasing mas malambot ang puso nito sa kaniya kaysa sa Mama niya na may pagka-istrikta.

“Mama naman, mabilis lang maluma ang mga cellphone. Ilang linggo lang at may nilalabas na agad na modelo, kaya kung tutuusin, luma na yung ginagamit ko,” pagdadahilan niya.

“Ang mahalaga ay nagagamit mo nang maayos. Hindi naman kailangan palaging nakasunod sa uso,” hindi papatalong kontra nito sa sinabi niya.

Nakanguso niyang pinukol ng tingin ang ama para humingi ng tulong. Alam kasi niyang hindi magpapatalo ang ina pagdating sa argumento.

Sa huli ay bumuntong-hininga ang Papa niya bago buong pag-iingat na sumali sa usapan.

“‘Wag na kayong magtalo diyang mag-ina. Ganito na lang, anak, hindi ba’t naikuwento mo sa amin na may contest kang sinalihan sa school? Kapag nanalo ka, ibibili ka namin ng cellphone na gusto mo pero kapag hindi, pasensya ka na at wala na tayong magagawa,” pahayag nito na sinang-ayunan naman nilang lahat.

Ginanahan tuloy siya bigla. Pinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para makuha ang gusto. Itinuon niya ang lahat ng oras sa paggawa ng kaniyang proyekto kaya lang mukhang kahit na anong gawin niya ay hindi siya mananalo.

“Grabe ang ganda ng gawa ni Marian, sigurado akong walang makakatalo sa kaniya. Panalong-panalo!” rinig niyang komento ng isa sa mga kaklase niya.

Napairap na lang si Elaine. Hindi niya gusto ang narinig. Walang ibang pwedeng manalo kundi siya!

Kaya naman dahil sa kagustuhan niya na manalo, isang plano ang kaniyang naisip. Isang araw ay sinadya niyang magpaiwan sa loob ng silid-aralan. Nang makasigurado siyang wala na ang lahat ay dahan-dahan niyang nilapitan ang gamit ni Marian

Hinanap niya ang proyektong ginawa ng kaklase. Totoo nga ang sinabi ng mga iba, napakaganda ng gawa nito. Aminado siyang ito ang mananalo kung nagkataon. Agad niyang kinuhanan ng litrato ang proyekto ni Marian. Walang pagdadalawang-isip niyang kinopya ang gawa nito.

Sinigurado niyang ‘di-hamak na mas maganda ang gawa niya, mas mahal ang mga materyales na ginamit niya at mas maraming detalye. Sinadya niya ring ipasa nang mas maaga ang gawa para walang masabi ang iba.

Kagaya ng inaasahan siya ang nanalo. Masayang-masaya na sana siya dahil sa wakas makukuha niya na ang gusto nang komprontahin siya ni Marian.

“Umamin ka nga, Elaine. Kinopya mo ba ang gawa ko? Ang sabi ng iba nating kaklase, nakita nila ang gawa mo pero iba naman ang pinasa mo,” tanong nito sa kaniya.

Imbes na umamin at makonsensiya, nagtaas lang siya ng kilay at taas noong sinagot ang paratang nito.

“Nagbago ang isip ko kaya iniba ko ang gawa ko, masama ba ‘yun? At saka ‘wag mo akong pagbintangan dahil wala ka namang pruweba. Tanggapin mo na lang na ako ang nanalo,” nakangisi niyang sagot.

Masayang-masaya siya na nakuha ang gusto habang walang kaalam-alam ang kaniyang mga magulang sa tunay na nangyari. Gaya ng napagkasunduan ay nakabili siya ng sunod sa uso na cellphone.

Dahil sa nangyari ay napagtanto ni Elaine kung gaano kadali na dumepende sa iba. Tila naging sakit niya nang kunin mula sa iba ang mga proyektong pinaghirapan ng mga ito. Mula sa eskwelahan ay nadala niya ang pag-uugali sa trabaho.

Pagkalipas ng ilang taon, na-promote siya sa kumpanya sa tulong ng mga empleyado na mas mababa ang posisyon sa kaniya. Inaasa niya sa mga ito ang paggawa ng lahat ng proyekto, pagkatapos ay inaako ang lahat sa harap ng kanilang boss na walang kaalam-alam.

Ang akala niya ay maitatago niya ang ginagawa hanggang sa magkatagpo siya ng isang pamilyar na tao. Noong una ay hindi niya agad namukhaan hanggang sa unti-unti niyang naalala kung sino ito.

“Marian? Ikaw ba ‘yan? Kumusta ka na?” natutuwang bulalas niya.

Ngayon na lang niya ulit ito nakita pagkatapos ng ilang taon. Kagaya ng dati ay mahiyain pa rin ito at tahimik lang.

“Ayos lang naman,” mahinhin nitong sagot.

Noon namam sumabat ang boss niya.

“Mabuti naman at nagkakilala na kayong dalawa. Kayong dalawa kasi ang aaasahan kong gumawa nitong bago nating proyekto. Si Marian, empleyado natin sa kabilang branch kaya alam ko na parehong kayong magaling. Kung kaninong disenyo ang magugustuhan ng lahat, siya ang pupunta sa ibang bansa para makipag-usap sa mga kliyente roon,” paliwanag nito.

Nanlaki ang mata ni Elaine sa narinig. Alam niyang malaking oportunidad iyon para sa kaniya kaya’t natural lang na hangaring makuha.

Parang naulit ang nangyari noon. Sila na naman ang magkatunggali sa kompetisyon at hindi niya man sabihin, alam niyang masyadong magaling si Marian para kalabanin. Hindi na nga siya nagulat nang makita niya ang gawa nito, na ‘di hamak na mas maganda kaysa sa gawa niya. Kagaya ng nakagawian, pasikreto niyang kinopya niya ang gawa nito para masiguradong siya ang mananalo saka ipinasa sa kaniyang boss.

Buong akala niya, mananalo siya kagaya ng dati kaya ganoon na lang ang gulat niya sa anunsyo na mas gusto ng kanilang boss ang gawa ni Marian. Hindi niya matanggap iyon kaya sa sobrang inis ay kinompronta niya ito.

“Bakit ikaw ang nanalo? ‘Di hamak naman na mas maganda ang disenyo ko!” galit niyang bulalas.

“Bakit ako ang tinatanong mo? Hindi naman ako ang nag-desisyon,” nanlalaki ang matang depensa nito.

“Madaya! Mandaraya ka! Sigurado akong dinaya mo ako!” galit niyang sigaw sa babae. .

Sasagot na sana ito nang sumabat ang kanilang boss sa kanilang usapan. Hindi niya inaasahan ang narinig mula dito.

“Sigurado ka bang si Marian ang nandaya rito o ikaw? Hindi ba’t kinopya mo lang naman ang disenyo niya, kaya’t bakit galit na galit ka?”

Tila siya nanigas sa kinatatayuan niya. Ilang segundo ang lumipas bago siya nakatanggi.

“Hindi po totoo ‘yan! Kung anuman po ang sinabi ni Marian–”

Pinutol na nito ang sasabihin niya.

“Wala siyang sinabi sa akin. Ako mismo ang nakakakita kung paano mo kinuhanan ng litrato ang mga gawa niya. Hindi ako makapaniwala na para lang makuha mo ang gusto mo, handa kang mandaya. Hindi ko kayang palampasin ‘to. Mahalaga sa akin ang katapatan ng isang empleyado kaya kung ako sa’yo, ako na ang kusang aalis sa kompanya bago pa kita direktang tanggalin,” dismayadong litanya nito.

Naiwan silang dalawa ni Marian.

“Alam kong kagaya ng dati, gagawin mo na naman ‘to kaya’t nag-ingat na ako. Kung anuman ang ginaya mo, hindi ‘yun ang ipapasa ko. Palalampasin ko na sana, pero mukhang totoo ang karma. Hindi habang buhay makakalusot ka,” pahayag nito.

Natahimik na lang siya at sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng hiya sa ginawa niya. Hindi nga talaga lahat ng lihim ay nananatiling lihim. Lalabas at lalabas ang baho na itinatago ng masasamang gawain at mapaparusahan ang mga may sala!

Advertisement