Inulan ng Tulong ang Amang Nag-Viral sa Social Media; Ngayon ay Gusto nang Akuin ng mga Anak ang Pag-aalaga sa Kaniya
Nangangatal ang mga kamay ni Mang Idelfonso habang nakalahad ang mga iyon. Nanghihingi siya ng limos sa mga taong nagdaraan sa gilid ng kalsadang iyon sa bayan. Kapansin-pansin ang pagiging marungis nito, maging ang panginginig ng kaniyang buong katawan na mabilis namang nakahakot ng atensyon mula sa mga tao.
“Tatay, ayos lang ho kayo?” isang napadaang lalaki ang nagtanong sa kaniya. Bakas ang awa sa mukha nito. “Mukhang nagugutom ho kayo, halina ho’t ibibili ko kayo ng pagkain,” dugtong pa ng lalaki.
Dahil sa sobrang pagkalam ng kaniyang sikmura ay hindi na nagdalawang-isip pa si Mang Idelfonso na sumunod sa naturang lalaki. Pinaunlakan niya ang pag-aaya nito at agad naman siyang dinala nito sa isang masarap na kainan.
Halos sunod-sunod ang ginawang pagsubo ni Mang Idelfonso sa pagkaing inihain sa kaniyang harapan. Masarap din ang naging paghigop niya ng sabaw kahit pa umuusok pa ’yon sa init. Halos tatlong araw din kasing purong tubig lang ang laman ng tiyan niya kaya naman ganoon na lang siya kasabik na malamnan ng pagkain ang kaniyang sikmura.
“Tatay, ipo-post ko ho itong picture n’yo, ha? Para naman po makakalap tayo ng tulong. Naaawa po talaga ako sa inyo, e. Naaalala ko ang mga lolo’t lola kong yumao,” maya-maya ay paalam sa kaniya ng lalaking nagpakilalang si Vincent na tinanguan lang naman din ni Mang Idelfonso.
Ang totoo ay wala na siyang pakialam sa kung ano ang sinasabi nito, basta’t gusto niya lang talagang makakain. Sobrang gutom ang naranasan ni Mang Idelfonso simula nang malaman ng kaniyang mga anak na siya’y may sakit na’t hindi na kayang magtrabaho. Walang sinuman sa mga ito ang gustong kumupkop at mag-alaga sa kaniya. Masakit man ay kailangang tanggapin ng matanda ang katotohanang ’yon kaya naman nauwi na lang siya sa pamamalimos sa daan.
Ngunit matapos i-post ni Vincent sa social media ang tungkol sa kaniyang kuwento ay agad na humakot iyon ng napakaraming taong handang tumulong sa kaniya. Mabilis iyong nakarating sa kaalaman ng mga anak ni Mang Idelfonso kaya naman nang mga sumunod na araw ay halos mag-unahan ang mga ito na puntahan siya!
“Tatay, ako na ho ang mag-aalaga sa inyo,” sabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga anak.
“Hindi, ako na. Tutal ay mas maganda at mas maayos naman ang trabaho ko,” sabat naman ng isa pa na siyang pinag-umpisahan naman ng pagtatalo ng mga ito.
“Bakit ikaw na naman, ate? Hindi ba at ikaw ang unang nagpalayas kay tatay noon?!” bulalas ng bunsong si Leon sa panganay nilang si Maria.
“Bakit, hindi mo rin naman tinanggap si tatay noon, a! Huwag kang magmalinis ngayon!”
Samantalang si Mang Idelfonso ay halos mapailing naman sa sinasabi ng kaniyang mga anak. Paano kasi ay alam niyang masama ang tingin ng mga ito sa gabundok na donasyong dumating sa kaniya na halos pumuno na sa maliit na kubong nagsisilbi niya na ngayong tahanan, bukod pa sa perang ipinadadala sa kaniya ng mga tao. Dahil doon ay hindi nagdalawang-isip ang matanda na patigilin sa pagtatalo ang mga ito.
“Magsitahimik kayo!” hiyaw niya. “Ngayon kayo nagkukumahog na alagaan at kupkupin ako dahil may pakinabang na naman ako sa inyo,” maluha-luhang aniya pa sa mga ito. “Para sabihin ko sa inyo, hindi ako sasama sa kahit na sino sa inyong mga anak ko, dahil alam ko, peke ang pagmamahal na ipinapakita n’yo sa akin ngayon.”
“Hindi ’yan totoo, tatay—”
“Totoo ’yan, Maria,” putol niya pa sa sinasabi ng kaniyang panganay na anak na kilala sa kanilang lugar bilang isang sugalera’t manginginom. “Kaya huwag na ninyo akong gambalain pa dahil nakapagdesisyon na akong dalhin ang sarili ko sa home for the aged,” sabi pa ni Mang Idelfonso na nakapagpatahimik naman sa kaniyang mga anak. Pagkatapos ay pinalayas niya sa kaniyang tinitirahan ang mga ito.
Tinupad nga ni Mang Idelfonso ang kaniyang sinabi. Nang araw ding iyon ay dinala niya ang kaniyang sarili sa home for the aged, kasama ang mga donasyong natanggap niya. Hindi na siya umasa pa sa kaniyang mga anak na simula’t sapul ay hindi siya gustong alagaan. Mabuti na lang at doon ay nakahanap siya ng panibagong pamilyang masusumpungan, habang ang kaniya namang mga anak ay nagsimulang makapag-isip-isip.
Matapos kasing piliin ng kanilang ama na magpaalaga na lang sa ibang tao ay tila napagtanto nilang naging napakasama pala nilang mga anak. Dahilan upang ayawan sila ng sariling ama. Matapos iyon ay gumawa naman ng paraan ang mga ito na suyuin si Mang Idelfonso at bumawi sa kanilang mga pagkukulang sa kanilang ama na ikinatuwa naman ng matanda at siyang muling naghatid ng ngiti sa mukha nito.