Inday TrendingInday Trending
Sinisi ng Babaeng Ito sa Kaniyang Kapatid ang Pagiging Salbahe ng Sariling Anak; Katuwiran Niya’y Ito raw Kasi ang Nagpalaki sa Bata!

Sinisi ng Babaeng Ito sa Kaniyang Kapatid ang Pagiging Salbahe ng Sariling Anak; Katuwiran Niya’y Ito raw Kasi ang Nagpalaki sa Bata!

“Heto ang anak mo, ate. Pagsabihan mo ’yan at pang-ilang beses na akong napapatawag sa eskuwelahan dahil sa kalokohan niya,” sumbong ni Stella sa kaniyang Ate Shaina pagkauwing-pagkauwi nila ng pamangking si Adrian galing sa eskuwelahan. Paano kasi ay ipinatawag na naman siya, sa hindi na mabilang na pagkakataon, dahil may ginawa na namang kalokohan ang salbahe niyang pamangkin.

“Ano na naman daw bang ginawa?” tanong naman ng kaniyang Ate Shaina na nakataas agad ang isang kilay.

“Nanuntok ng kaklase, pagkatapos ay pinintasan ang teacher niya,” sapo ang noong sagot naman ni Stella.

Biglang umikot ang mga mata ng kaniyang ate sa kawalan. “Akala ko naman, kung ano,” sabi pa nito bago muling ibinalik ang atensyon sa kaniyang hawak na cellphone.

Agad na napakunot ang noo ni Stella matapos marinig ang sagot na iyon ng kaniyang kapatid. “Ate, ano’ng ibig mong sabihin?” anas niya. “Gano’n-gano’n na lang ’yon?”

“E, ano ba ang gusto mong gawin ko? Saktan ko ’yang bata para madala? Saka, baka naman kasi kapintas-pintas talaga ’yong teacher niya kaya niya nagawa ’yon!” katuwiran pa sa kaniya ng kaniyang ate.

Napailing nang matindi si Stella. Hindi niya akalaing ganito lang ang magiging reaksyon ng kapatid niya sa ginagawa ng sarili nitong anak! Para bang wala itong pakialam, kaya naman mabilis niya ’yong ikinapikon.

“Wala ka ba talagang pakialam sa anak mo, ate?” galit na tanong ni Stella.

“Ano ba, Stella! Pag-aaksayahan ko pa bang pangaralan ’yang batang ’yan imbes mai-enjoy ko na lang ang bawat sandali ng pag-uwi ko rito sa ‘Pinas?” tanong naman nito. “Isa pa, wala namang ibang dapat sisihin kung bakit lumaking ganiyan ’yan kundi ikaw. Ikaw ang nagpalaki d’yan sa batang ’yan, hindi ba?” giit pa nito.

Napasinghap naman si Stella. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Siya pa ngayon ang sinisisi nito dahil sa kaniya lumaki si Adrian!

“Hindi ako nagkulang ng pangaral sa anak mo, ate. Lahat ng pagkukulang mo sa kaniya, ako ang nagpuno. Ni hindi ko nga na-enjoy ang pagkadalaga ko dahil ako ang tumayong ina sa anak mo. Habang ikaw, nagpapakasarap ka doon sa abroad!” hiyaw niya nang hindi siya makapagpigil. “At huwag mong sabihin na hindi niya sa ’yo natutuhan ang ganiyang pag-uugali dahil lang hindi ka niya nakasama—dahil sa tuwing uuwi ka galing sa ibang bansa ay nasasaksihan ni Adrian ang ugali mo at ’yon ang tumatatak sa isip niya dahil ikaw pa rin ang tunay niyang ina!”

Hindi nakasagot si Shaina sa sinabi ng nakababatang kapatid. Nasukol siya sa mga salita nito.

“Kaya ngayon, ate, ikaw na ang bahala sa anak mo. Gusto kong ikaw naman ang maghirap sa kaniya para naman malaman mong hindi madali ang magpalaki ng anak!” gigil pang dagdag ni Stella bago tuloy-tuloy na pumasok sa kaniyang kuwarto upang mag-empake.

Huli na para tangkain pa ni Shaina na pigilan si Stella, dahil tuluyan na itong umalis ng bahay at iniwan ang responsibilidad kay Adrian. Dahil doon ay napilitan si Shaina na alagaan ito, sa wakas.

Matigas ang ulo ng batang si Adrian. Hindi ito marunong makinig at madalas ding masangkot sa iba’t ibang klase ng gulo. Naiinis si Shaina sa anak, ngunit sa isang banda ay napapaisip siya… naalala niya kasi na noon ay ganitong-ganito rin siya.

Halos gabi-gabing iniiyakan ni Shaina ang bagay na ’yon simula nang sa kaniya na mapunta ang kustodiya ni Adrian. Hindi naman niya magawang sukuan ito dahil kahit anong gawin niya’y anak niya pa rin ito. Ngayon niya naiintindihan ang naging kalagayan ni Stella sa loob ng mahabang panahong pag-aalaga nito sa kaniyang anak. Tama ito sa lahat ng sinabi nito sa kaniya. Walang ibang dapat sisihin sa nangyayari sa kaniyang anak kundi siya.

Dahil doon ay piniling magpakumbaba ni Shaina at lumapit muli kay Stella upang humingi ng tulong. Mabilis naman siyang pinaunlakan nito, lalo na at hindi pa rin naman nawawala ang pagmamahal nito kay Adrian.

Matapos iyon ay magkatulong nilang sinupil ang sungay ng batang sa huli ay napag-aalaman nilang naghahanap lang naman ng sapat na atensyon sa kaniyang ina. Dahil doon, unti-unti ay nakapag-adjust sila sa isa’t isa na siyang naging dahilan naman ng paglalapit pang lalo ng kanilang pamilya.

“Mahal ko po kayo, Mama at Tita Stella. Sorry po kung naging makulit ako noon. Pangako, hindi ko na po uulitin.” Ngayon ay kitang-kita na nila ang magandang pagbabago sa ugali ng bata.

Advertisement