Inday TrendingInday Trending
Pineke ng Babae ang Pagkakaroon ng Sakit Upang Makakuha ng Simpatiya; ‘Magdidilang Anghel’ Siya’t Pagsisisihan pala Ito sa Huli

Pineke ng Babae ang Pagkakaroon ng Sakit Upang Makakuha ng Simpatiya; ‘Magdidilang Anghel’ Siya’t Pagsisisihan pala Ito sa Huli

Gulat na gulat si Daniela nang pumasok siya sa eskuwelahan nang araw na iyon. Paano kasi ay kalat na kalat na ang tsismis tungkol sa ginawa niyang pagnanakaw ng answer key sa mesa ng kanilang guro para lang makuha niya ang pinakamataas na marka sa naganap nilang pagsusulit.

Nasa ikalawang taon na siya sa hayskul. Kilala si Daniela bilang isa sa pinakatahimik na estudyante sa kanilang klase kaya naman nagulat ang lahat nang malaman ang balitang ’yon. Hindi nila akalaing magagawa ’yon ng ’tulad niyang tatahi-tahimik. Ganoon pa man ay hindi nagsisinungaling ang ebidensiya. Lingid kasi sa kaalaman ni Daniela ay nakita pala siya ng janitor ng kanilang eskuwelahan na si Mang Arturo at naisipan nitong kuhanan siya ng video habang isinasagawa niya ang pagnanakaw. Dahil doon, ngayon ay wala na siyang kawala pa.

“Gusto kong makausap ang mga magulang mo, Daniela. Papuntahin mo sila rito,” utos sa kaniya ng kanilang punong guro matapos siya nitong ipatawag sa opisina nito. Halata ang galit sa mukha nito lalo pa at sa pag-uumpisa pa lang ng kanilang klase ay kinlaro na nito na ang pinakaayaw niya sa lahat ay ang mga mandaraya!

“P-pareho pong nasa abroad sina mama at papa, e,” sagot naman niya sa nanginginig na tinig.

“Sino’ng guardian mo ang nariyan na p’wede naming kausapin?” muli ay tanong pa ng kanilang punongguro sa kaniya, ngunit imbes na sagutin ’yon mas minabuti niyang bumunghalit ng iyak sa harap ng kanilang punongguro.

“Pasensiya na po talaga kayo sa akin, ma’am! Hindi ko po sinasadya ito. Ang totoo po, nagawa ko lang naman ’yon dahil gusto kong maging proud sa akin sina mama bago man lang ako mawala!” magkasalikop ang kamay na paliwanag pa niya.

“Ano’ng ibig mong sabihing bago ka mawala, Daniela?” Napakunot ang noo ng kanilang punongguro.

“Ang totoo po kasi n’yan ay may malubha po akong sakit at hindi ko po alam kung gagaling pa ba ako o hindi,” sagot naman ni Daniela na walang kagatul-gatol. Kitang-kita niya kung papaano napalitan ang ekspresyon ng kanilang punongguro, mula sa galit ay kababakasan na ngayon ng awa ang mukha nito.

“A-ano ba’ng sakit mo, Daniela?” tanong nito.

“M-may tumor po ako sa mata. Ang sabi po ng doktor ay maaari raw po akong mabulag o ’di kaya’y malagutan ng hininga kung hindi ako mao-operahan… pero wala po kaming pera kaya—” Hindi itinuloy ni Daniela ang kaniyang sasabihin, bagkus ay yumukod na lang at umiyak muli.

Dahil sa pangyayaring ’yon ay nabalewala ang kalokohang ginawa niya, kahit pa nga, wala naman talagang katotohanan ang lahat ng sinabi niya sa kanila! Nagsinungaling lang si Daniela tungkol sa ’di umano’y sakit niya. Hindi rin totoong nasa abroad ang kaniyang mga magulang.

Ang totoo kasi, ginawa niya lang naman ang kalokohang ’yon dahil may usapan sila ng kaniyang ama na kapag nakakuha siya ng mataas na marka sa pagsusulit nila ay bibilhan siya nito ng bagong cellphone.

Ngunit nang makauwi si Daniela nang araw na ’yon sa kanilang bahay ay bigla siyang nakaramdam ng matinding pananakit sa kaniyang ulo. Napakasakit n’on at halos hindi na niya alam ang gagawin kaya naman naisipan na lamang siyang isugod ng mga magulang niya sa ospital upang ipasuri…

“Ma’am, ikinalulungkot ko po pero may nakita kaming tumor sa mga mata ng anak ninyo at kailangan itong operahan sa lalong madaling panahon dahil kung hindi, ang magiging resulta nito’y alin man sa pagkabulag ng dalawa niyang mga mata o ang pagkawala niya,” dinig niyang pagbabalita ng doktor sa kaniyang ina nang maalimpungatan siya mula sa pagkakahimbing.

Dahil doon ay ganoon na lang ang naging takot ni Daniela sa sarili, dahil tila nagkatotoo ang kasinungalingang ginawa niya sa kanilang eskuwelahan para lang makatakas siya sa kaniyang kasalanan! Ngayon ay puno na ng pagsisisi ang kaniyang isipan, lalo pa at binigyan niya ng problema ang kaniyang mga magulang. Dahil sa kawalan ng perang pampaopera, kalaunan ay tuluyan nang nawala ang paningin ng kanang mata ni Daniela. Mabuti na nga lang at nagawa pang isalba ng mga gamot ang kaliwa niyang mata.

Nagsilbing malaking leksyon para sa kaniya ang pagkakatotoo ng kaniyang kasinungalingan kaya naman simula noon ay wala nang hindi totoong bagay na namutawi sa kaniyang bibig. Nalaman niya kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng mga salita, kaya naman dapat tayong manatiling responsable sa bawat sasabihin natin.

Advertisement